“Iisa Lamang”

  __
(•_•) Mahiwaga talaga ang pag-ibig.
<) )>
/ \
Minsan akala natin, napakadaling magpalit ng minamahal, lalo na kung out of sight naman. Pero hindi rin pala totoo ang out of sight, out of mind sa lahat ng tao. Sadyang mayroong napakapihikan na ang piniling mahalin ay hindi kailanman mapapalitan; kahit pa ito ay nawala na sa kanyang buhay.

Ganyan ang kuwento ng tatlong tao na malapit sa buhay ko.

Umabot na ng pagtanda, ngunit ang nag-iisang minahal sa buhay nila ay hindi na pinalitan pa kahit pa namatay na o hindi nakatuluyan ang iniirog.

Sadyang may dakila kung magmahal.

“Iisa lamang.”

Si Jess

Kasamahan niya noon sa trabaho bilang accountant ang kasintahang si Tess. Masaya sila, maraming pangarap, ngunit pinutol ng isang malagim na pangyayari. Nalunod at namatay si Tess at ang nagdadalamhating si Jess ay nagpatuloy sa kanyang buhay at nagsikap na labanan ang sakit at kalungkutan. Dumaan pa ang limang dekada, nasa otsenta’y anyos na si Jess ngunit kailanman ay hindi na siya sumubok pang muling umibig.  “Iisa lamang si Tess.”

Si Luisa

Sa panahon ng WW2 sila nagkakilala, nagkaibigan. Amerikanong sundalo si Harold. Nang matapos ang digmaan ay niyaya na siya ni Harold na magpakasal at isasama na sa Amerika. Ngunit pinili ni Luisa ang tumalikod dahil bilang panganay ay hindi kaya ng kanyang kalooban na iwan ang kanyang mga magulang, lalo na ang kanyang ina, na kanyang tinutulungan sa pag-aalaga sa walong nakababatang kapatid. Pamilya o pag-ibig? Pagmamahal sa pamilya ang kanyang pinili at ang kanyang pagtuturo bilang guro. Hanggang sa kanyang huling hininga ay nanatiling dalaga si Luisa at ni minsan ay hindi na nagmahal pa ng iba. “Iisa lamang si Harold.”

Si Coring

Nagsimula sila ni John bilang magkaibigan noong dekada 40; nagkaroon ng unawaan. Dahil sa kaguluhan sa giyera ay nagkawalay dahil isang sundalo ang katipan ni Coring. Nadestino ito sa malayo, at nagpalipat-lipat ng tirahan ang pamilya ni Coring kaiiwas sa gulo. Lumipas ang panahon, tuluyan nang napatid ang kanilang ugnayan. At sa hindi inaasahang pangyayari nang matatanda na sila ay muli silang nagkita, ngunit may pamilya na si John. Si Coring ay nanatiling dalaga. Nanumbalik ang kanilang pagkakaibigan. Batid ng asawa ni John ang kanilang nakaraan, at humanga rin ito sa kanilang kuwento. Nagpapalitan ng sulat ang magkaibigan at kapag nasa Pilipinas ang mag-asawa ay dinadalaw nila si Coring. Wala nang ibang minahal si Coring. Sapat na sa kanya ang mga alaala na minsan ay nagmahalan sila. “Iisa lamang si John.”

Malamang, mayroon rin kayong kakilala o kapamilya na gaya nila… minsan lamang kung magmahal. “Iisa lamang.”

Kaya siguro may mga awiting nabubuo gaya nito.

Sabi nga sa awit ni Celeste Legaspi … “Ikaw lamang ang aking iibigin magpakailanman…”

Tara, mag-sound trip tayo down memory lane.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.