Idol Ko Si Madam

Idol ko si Madam
Idol ko si Madam

 

Me and my Madam
Me and my Madam

Sa bawat halakhak ay may nakatagong kalungkutan na pilit tinatakpan ng isang ngiti  upang hindi masilayan ang isang pighati. At sa bawat kabiguan ay may katapat na tagumpay. Tagumpay na buong lakas ang ibinigay upang makamit ang bukod- tanging pangarap.  Pangarap na hindi kayang mabuwal, dahil ang taong may hawak ng tagumpay na iyan ay kasing tayog ng kanyang pangarap.

Sa aking pag-iisa, dama ko ang kalungkutan, pag-alaala at agam-agam. Mga katanungan na PAANO at BAKIT? Pero, sa isang saglit bigla na lang akong napatayo at inisa-isa ang mga hindi makalilimutang madilim na nakaraan, mga lumipas na karanasan na naging tatak para maging isa akong matatag na tao; na hindi na kayang apakan at durun ng sino man, dahil ako ay lalaban sa tamang paraan. Mula sa isang masalimuot na paglalakbay, may isang Inday na tumayo sa sariling mga paa at naging positibo ang mga pananaw sa buhay.

Sa pagbahagi ni Madam sa kuwento ng kanyang buhay, na minsan ko na ring naisulat at napasama sa una kong libro ang “Cancer By Chance”. Tama, isa siyang CANCER SURVIVOR!  Dumaan siya sa isang bangungot kung saan ang buhay niya ay nalagay sa binggit ng KAMATAYAN! Isang pangyayari na nagbuklod lalo sa kanilang pamilya. Ang pagmamahal ng isang magulang sa kanyang anak, at ang pag-alala ng isang ina sa kanyang anak, ang wagas na pag-aaruga ng isang Mister sa kanyang Misis, at ang wagas na pagsinta ng isang Misis sa kanyang Mister! Ang suporta ng isang kapatid para sa kanyang ate! At ang lakas ng loob ni ipinakita ng isang ate sa kanyang mga kapatid na hindi siya takot sa kanyang karamdaman!

Isang hamon sa kanilang pamilya na walang araw na hindi itinatago ang butil ng mga luha na kusang pumapatak sa kanilang mapupungay na mga mata! Mga mata na puno ng awa at lungkot para sa taong  bahagi ng buhay nila. Ngunit pilit nilang binura upang masilayan ang mga ngiti at ang  paniniwala na may isang “HIMALA” na magliligtas  sa buhay ni Madam mula sa nalalapit na kamatayan! Di nila alintana kung maubos man ang kanilang kayamanan; ang mahalaga ay madugtungan ang buhay ng isang ina, anak, kapatid at misis!

 Himala? Tama, may himala nga! At ito ay dahil sa pananalig sa Diyos at sa taimtim na dasal! Siya, isang masayahing Madam ang pinaglilingkuran ko sa halos dalawang taon na sa tahanan nila. At sa mga linya at payo na ibinigay niya:

Ang bawat segundo ng buhay mo ay bigyan mo ng halaga at dapat maging masaya ka at ipadama mo ito sa mga taong nagmamahal at nagpapahalaga sa iyo! Dahil ‘di mo alam kung anong oras, minuto, o segundo ay puwede kang mawala sa mundo”.

Idol ko si Madam ko, hindi lang sa kagandahan kundi pati sa kanyang kabutihan! At idagdag pa ang kanyang pagiging isang malakas at matatag na babae. Dahil, sa kabila ng lahat ng napagdaanan niya ay hindi siya sumuko. Binigyan siya ng pagkakataon na muling madugtungan ang kanyang buhay at maging ganap na CANCER FREE! Pero, ang BUTTERFLY GOITER na hindi pa gumaling ay ‘di naging hadlang upang muling mapuno ng tawanan ang tahanan na pinagseserbisyuhan ko. Isang masayahing pamilya at idagdag pa ako na pasaway at kuwelang katulong nila? Kaya House of CLOWNS  ang bahay nila.

Tama nga ang nakasulat sa paborito kong libro; ang THE SECRET: “KUNG ANG NAKAPALIGID SA IYO AY PURO POSITIBONG TAO? ANG ENERHIYA SA PALIGID MO AY MAPUPUNTA RIN SA IYO!”.

Kaya ito ako ngayon, laging puro tawa at mas lalong naging matatag sa lahat ng hamon sa buhay. At isang taos-pusong pasasalamat ko kay Madam ko ang pagtulong na matupad ang mga pangarap ko. Bibihira ang sumuporta ng isang amo sa isang katulong dito sa Middle East, at isa ako sa mapalad dahil napunta ako sa pamilyang GHOSSIENI. Sa bawat tagumpay ko ay kasama ko ang pamilyang ito, at kailanman ay hinding-hindi ko sila malilimutan.

Ang bawat kuwento ay may kanya-kanyang katapusan. Ang mahalaga at maganda ay kung mag-iiwan ka ng mga karanasan sa mga taong nagmamahal sa iyo; mga alaala na kailan man ay hindi nila makalilimutan.

At iyan ay ang naging isa kang mabuting tao sa lahat.

About jovelyn

Im not a good writer but i love to 🙂 Masaya din, Malungkot din (Karanasan ng OFW) this is my first book under my name as a writer and Sindi Ng Lampara OFW stories book with Raquel D. Padilla and DFBI writers, columnist in Pilipino Star Ngayon Middle East [email protected] Super kulit at kalog..proud bisdak at tamad na masipag na yaya:)