Iba na Ngayon

Girl looking out the window (Photo credit: virtuousgirlhood)
Girl looking out the window (Photo credit: virtuousgirlhood)

 

Girl looking out the window (Photo credit: virtuousgirlhood)
Girl looking out the window (Photo credit: virtuousgirlhood)

Naalala ko noong ako ay nasa college pa – bata, mapusok, walang pakialam. Madalas akong maghanap ng atensyon at pagmamahal. Hindi dahil ako ay kulang sa pansin. Ewan ko ba, basta sabik lang ako maka-experience ng totoong pagmamahal na sa edad kong 18-anyos ay hindi ko pa nararanasan magka-boyfriend. Hehe.

Nursing ang kurso ko at aaminin ko, napakaraming gwapong mga kalalakihan ang nae-encounter ko araw-araw sa loob at labas ng aming unibersidad. Yun nga lang, sa dinami-dami nila ay kahit isa walang naglalakas ng loob na ako ay pansinin. Hindi naman kasi ako maganda, pero hindi rin naman ako pangit kung titignan. Sakto lang naman ang itsura ko. Pero tila ba mailap talaga silang lahat eh. Wala akong choice kundi mag-concentrate na lang sa aking pag-aaral. Mas mabuti pa nga yun kasi nakakukuha ako ng matataas na grado sa aking mga aralin. Hanggang sa isang araw, pinakilala ako ng groupmate ko sa kaibigan niya – si John. Pogi siya, hindi siya ang tipo ko pero na-inlove agad ako sa kanya. Nakaaakit kasi ang mga mata niya at cute siya ngumiti. Nagkapalitan kami ng cellphone number at madalas magkatext. Naging palagay ang loob namin sa isa’t-isa. Tumagal din ng ilang buwan ang pagkakaibigan namin ni John hanggang sa maging kami na nga at halos araw-araw ay magkasama kami.

Natupad din sa wakas ang pinapangarap kong love story! Hay, ang sarap pala ng pakiramdam kapag in love. Halos ayaw mo na mawala siya sa tabi mo at gusto mo maya’t maya kayong dalawa lang ang magkasama. Lumipas ang araw at buwan na paulit-ulit ang mga ginagawa namin ni John. Sundo-aral-gala-hatid. Ganoon lamang sa loob ng limang buwan.

Medyo nakasasawa pero masaya. ‘Di ko inaasahan ang mga sumunod na nangyari. Bigla na lang ‘di na nagpakita pa sa akin si John. Hinanap ko siya at pinuntahan sa bahay nila pero wala na sila doon at walang makapagsabi kung saan sila nagpunta. Araw-araw naghihintay ako sa kanya. Pero kahit text man lang ay wala akong natatanggap. Napakahirap at sobrang lungkot ang naranasan ko. Di ko man lang alam kung kami pa o ano na bang nangyari sa kanya kung bakit bigla na lang siyang nawala.

Ga-graduate na ako sa college pero wala pa rin si John. Umaasa pa rin ako na magkikita kami. Sinabi ko sa sarili ko na kapag muli kaming nagkita. aaminin ko sa kanya na mahal na mahal ko pa rin siya.

Lumipas ang maraming araw, linggo at buwan pero wala pa rin siya. Patuloy akong naghintay sa aking nawawalang minamahal.

Minsan sa aking kalungkutan, nagpunta ako sa lugar na lagi naming pinipuntahan ni John. Di sinasadya, may nakasalubong akong batang lalaki. Tinitigan ko siya, parang pamilyar kasi sa akin ang itsura nya. Tumakbo siya kaya sinundan ko. Nagulat ako kasi bigla siyang sumigaw ng “papa”, lumingon ang isang lalaki. Natulala ako. Si John ang papa na tinatawag nung bata. Di ko na napansin na umaagos na pala ang mga luha ko. Sobrang sakit ang naramdaman ko ng mga oras na yun. Kung pwede lang akong lumubog sa kinatatayuan ko, ginawa ko na. Tumitig lang sa akin si John, malungkot ang mga mata nya. Wari’y humihingi ng tawad. Di ko sya kinausap at bagkus isang malakas na sampal ang binigay ko sa kanya.

Di siya nakapagsalita at may inabot syang sulat sa akin. Araw-araw niya raw akong hinihintay doon sa aming tagpuan, umaasang makikita niya ako dahil may hinanda siyang sulat sa akin. Hindi niya raw kasi kayang sabihin sa akin ng harapan. Umalis ako at habang nasa jeep na aking sinasakyan ay binasa ko ang sulat. Pinagtapat niya doon na habang kami pa noon ay may nakarelasyon din siyang iba at nabuntis niya ito. At dahil sa kahihiyan ng kanyang pamilya ay pinili nilang lumayo at huwag ipaalam ang kanilang nilipatan. Humingi siya ng tawad pero di ko lubos maisip kung paano ko siya patatawarin sa sobrang sakit na ipinadama niya sa akin. Patuloy akong umasa noon sa kanya. Patuloy na naghintay. Yun pala ay naghihintay lang ako sa wala.

Galit ang naramdaman ko noon sa kanya. Lubos-lubos ang pag-agos ng aking mga luha habang binabasa ko yung sulat nya. Pinagtitinginan ako ng mga pasahero sa jeep pero wala akong pakialam. Humahagulgol ako sa sobrang sama ng loob.

Ilang taon ang lumipas, alam ko sa sarili ko OK na ako. Handa ko nang patawarin si John. Haharap na ako sa kanya. Pumunta ako sa addres na nilagay niya dun sa sulat na binigay niya sa akin.

Pagdating ko sa kanilang tirahan, mama niya humarap sa akin. Gumulantang sa akin ang masamang balita na patay na pala si John. At muli, isang sulat na naman ang iniwan niya sa akin. Humihingi pa rin ng tawad.

Alam ko sa sarili ko na napatawad ko na si John. Ang nag-iisang lalaking tanging minamahal ko hanggang ngayon.

P.S. Nakalagay pala sa sulat na naiwan niya na ni minsan ay hindi ako nawala sa kanyang puso at isipan. Napilitan lamang siyang lumayo upang maging ama sa inosenteng bata na naging biktima ng kanyang ginawang pagtataksil sa akin. Kung alam mo lang John, mahal na mahal pa rin kita at matagal na kitang pinatawad.

 

1 Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.