I LOVE YOU SINCE 1892 (Nirepaso ni Jei)

photo credits: youtube, sopeyaaah

Ang I Love You Since 1892 o kilala sa pinaikling pamagat na ILYS1892 ay nilikha at isinulat ni Binibining Mia o Undeniably Gorgeous. Ito ay sumikat sa website or app ng wattpad. Ang kuwentong ito ay naglalahad ng iba’t ibang pangyayari sa Pilipinas sa panahon ng pananakop ng mga kastila. Inilarawan ang mga pangyayaring iyon sa malikhaing paraan gamit ang imahinasyon ng may akda.

photo credits: ig, @wtabby_art

Isang dalagang nagmula sa taong 2016 si Carmela Isabela, ngunit isang hindi inaasahang pangyayari nang mapadpad siya sa gitna ng “Arch of the Centuries” ang maghahatid sa kanya sa nakaraan upang makilala ang binatang si Ginoong Juanito Alfonso mula sa taong 1891. Upang maitama ang pagkakamaling nagawa ni Carmelita Montecarlos na kanyang ninuno, namuhay si Carmela sa nakaraan gamit ang katauhan nito at tuluyang binago ang takbo ng kanilang kapalaran.

The “Arch of the Centuries”, the Univerisity of Santo Thomas’s original entrance point

Ang wagas na pag-ibig na ipinamalas ng dalawang pangunahing tauhan sa kwentong ito ay wala ring katulad at sadyang hahaplos sa puso ng sinumang makakabasa. Ang kaugaliang pilipino noon sa usaping pag-ibig at panliligaw ay ibang-iba sa kasalukuyang panahon. Sa kwentong ito ang mga babae noon ay lubos na iginagalang at binigyan ng katawagan bilang dalagang pilipina. Ang dalagang pilipina ay may ugali at kilos na mahinhin, mayumi at mabini, may busilak na puso na nararapat sa tunay na pagsinta ng isang maginoong binata. Ilan lamang iyan sa itinuturing na katangian ng isang dalagang pilipina. Naisaad rin sa kwento na hindi maaaring hawakan ng isang binatang ginoo ang isang dalaga sa kahit anong parte ng katawan nito, ang paglalapat ng kanilang balat nang walang pahintulot ng dalaga ay itinuturing na kapangahasan. Hindi rin maaaring makitang magkasama ang isang binata at dalaga sa isang lugar na sila lamang dalawa sapagkat mangangahulugan itong marahil ay may itinatago silang relasyon, bagay na isa ring mabigat na usapin sa nakaraang panahon.

Nagmula si Carmela Isabela sa kasalukuyang panahon kung saan ibang-iba na ang pamumuhay nating mga Pilipino kung ikukumpara sa pamumuhay sa panahon ng mga kastila. Dahil dito ay ibang-iba rin at taliwas sa katangian ng isang dalagang pilipina ang kanyang taglay na ugali at asal. Si Carmela ay pilya, may pagkasosyal at palaban ngunit ito ay hindi naging hadlang upang mahulog ang loob ni Ginoong Juanito Alfonso sa kanya, bagkus ang kanyang kapilyahan ang naging daan upang mapalapit sila sa isa’t isa.

Manila, Philippines

Mula nang mabasa ko ang kuwentong ito ay tila nabuksan ang aking isipan sa napakaraming bagay, hindi lamang sa usapin tungkol sa wagas na pag-ibig kundi pati na rin sa kasaysayan ng ating minamahal na bansang Pilipinas. Bagama’t ito ay kwento ng pag-ibig, maraming makasaysayang pangyayari ang inilahad ng may akda rito. Ang pakikipaglaban ng mga mamamayang Pilipino noon laban sa mga mananakop at ang hirap na kanilang dinanas sa kamay ng mga mapang-aping mga dayuhan ay nararapat lamang na bigyang pugay. Tunay ngang kahanga-hanga ang tapang ng sambayanang Pilipino na lumaban at nagbuwis ng buhay makamtan lamang ang kalayaan ng ating bayan. Isa sa nagpahirap noon sa ordinaryong Pilipino noon ay ang sistema ng batas na hindi makatarungan at pumapabor lamang sa mga mayayaman at may kapangyarihan. Ang bagay na ito ang lubos na tinalakay sa kwentong ILYS1892 at siyang nagpahirap rin sa buhay ng mga pangunahing tauhan.

Hinihikayat ko ang sinumang makakabasa ng repaso kong ito na basahin rin ang kuwentong isinulat ni Binibining Mia. Nakasisiguro akong marami kayong matututunan at mamumulat ang inyong puso’t isipan sa halaga ng kasaysayan ng ating inang bayan.

Nawa’y isapuso nating lahat ang kabayanihan at kadakilaan hindi lamang ng mga kilala nating bayani ngayon kung hindi pati na rin ang mga ordinaryong mamamayang Pilipino noon na lumaban at nagbuwis ng kanilang buhay para sa kalayaang tinatamasa natin sa kasalukuyan.

 

Mabuhay ang Pilipinas!

About lakambinijei

isang di kilalang makata