Huwag tularan: Mag-inang nagtapon ng basura sa baha

Sapul sa CCTV. Kitang-kita ang kanilang salaulang gawi hinggil sa pagdidispatsa ng kanilang sandamakmak na basura sa gitna ng pagtaas ng tubig baha na sanhi ng malakas na pag-ulan. Hindi na sila nakatanggi pagkat naghuhumiyaw ang ebidensiya ng kanilang dugyot na asal.

Ang nagviral na video

Ang mag-ina – isang senior citizen at anak nitong lalaki – na nag-viral sa social media dahil sa kanilang ginawa ay kinilala na matapos silang ipatawag ng kapitan ng Barangay 69 ng Lungsod ng Caloocan. Nagpaliwanag at humingi na sila ng tawad sa publiko ngunit hindi sila ligtas sa multa na tig-isang libong piso at dalawang linggong community service sa kanilang lugar.

Image capture mula sa video ng ABS CBN via YouTube

Ang tanong  —  Sapat na ba ito upang magsilbing paalala sa mga kagaya nila na walang pakundangan sa pagtatapon ng basura at sa posibleng epekto nito sa kalikasan?

Siguro nga sa edad ni nanay na isa nang senior citizen, sapat na ang dalawang linggo, ngunit ang opinyon ng maraming netizens ay napakagaan nito. Dapat umano ay paabutin ng anim na buwang community service upang lubos na magtanda ang mga pasaway. Hindi rin umano sapat ang isang libo lamang bilang multa; dapat pang taasan upang mas mangilag ang mga matitigas ang ulo sa lipunan.

Matapos mapanood ang balitang hatid ng TV Patrol, siguro naman ay magsisilbi na itong paalala sa lahat na ang kapabayaan at pagsaway sa batas ay sa atin din maghahatid ng pinsala. Kaya naman, mga kabayan, makiisa na sa mga programang pangkalikasan gaya ng “zero waste lifestyle“, “plastic solution” at iba pa.

 

About Mommyjoyce

Isang simpleng nanay na adik magbasa, adik magsulat at adik sa anak! Idol ko si Mother Theresa, kaboses ako dati ni Ate Shawie Cuneta (joke); maawain sa mga madudungis, siga sa mga taong nang-aapi, at lifecoach sa mga kabataan at mga magulang na walang ibang makausap, Ang simpleng motto ko in life: Cherish everyday (not just because it could be my last); kundi kasi, bukas iba na naman ang flavor ng buhay! Kaya namnaming maigi!