Huwag Mo Na Lang Kaya Siyang Mahalin (Part 6)

df-300x2452“Ako na lang kaya ang regalo na gusto mo, para wala ka ng problema pa.” text ni Leo sa akin.

Tinawanan ko siya ngunit hindi ko sineryoso ang text niya. Nag-palitan kami ng mensahe hanggang sa nakatulog ako.

Nagising ako ng hapon na yun na masakit ang ulo at masama pa rin ang loob. Ngunit naisip ko expected na nga pala ang magbuntis si Lily dahil nagsasama sila. Siguro nga dapat ko na talaga siya iwasan.

Sa maghapon ko sa bahay na aking inuupahan, nabagot ako kung kaya’t naglakadlakad ako sa mall. Minabuti ko na magtuloy sa food court dahil naalala ko na hindi pa pala ako kumakain.

Papalapit ako sa isang mesa dala-dala ang inorder kong pagkain nang makita ko si Leo kasama ang isa nilang katrabaho.

Iiwas pa sana ako ngunit nakita na ako ni Leo, wala akong nagawa kundi lumapit.

“Kumusta?” tanong ni Leo sa akin.

“Okey lang,’ sagot ko naman.

“Tinulugan mo ako kanina ha,” paninita nito sa akin.

“Lasing ba naman kasi ang katext mo, kaya talagang tutulugan ka,” sagot kong muli sa kanya.

Natapos ko ang aking pagkain sa gitna ng aming pag-uusap. Nakisali na rin ang kasama ni Leo sa aming kuwentuhan.

Gusto niya sana akong ihatid ngunit sinabi ko na uuwi na lang ako sa bahay nang magulang ko pagkatapos ko kumain kung kaya’t hindi na siya nagpilit.

Sa tindi ng depresyon ko sa nalaman ko, minabuti kong umuwi para makita ang anak ko. Anak ko na lang kasi ang naisip kong makakapawi ng lahat na sama ng loob na nararamdaman ko.

Ang ngiti ng anak ko pagbungad ko sa pinto at ang halik nito ang nagsilbing pamawi ng dinaramdam ko. Niyakap ko siya at hindi ko halos napansin na tumutulo na pala ang aking luha.

“Mommy batit ka iiyak?” tanong ng anak ko.

“Miss na miss na kita anak,” sabay yakap at hindi ko na naiwasang mapahagulgol.

“Tama na mommy, tama na mommy.” at umiyak na ring ang anak ko.

Pinagalitan ako ng nanay ko dahil sa naabutan niya kami ng ganung ayos.

Akala niya raw kasi ay may nangyari sa isa sa amin. Nang gabing yun kampante ang tulog ko sa tabi ng anak ko. Ang yakap ng anak ko ang nakapagparam ng aking dalahing matinding selos.

Gusto ko na rin namang lumaya mula sa bigkis ng aming sitwasyon ni Bryan. Ngunit gaano ko man gawin, bumabalik at bumabalik pa rin ako sa dati dahil hindi ko talaga siya kayang kalimutan, na kinaiinisan ko sa aking sarili.

Minsan para akong tanga na ako na ang kumukulit, mapansin niya lang ako. at minsan naman bigla na rin lang sumusulpot ang text niya kung kaya’t pag ako ay nakakawala na sana ay bumabalik muli sa ganoong sitwasyon.

Gaya nang inaasahan, ang pagbabalik ko sa trabaho ay isa na namang hamon kung paano ko dadalhin ang sitwasyon.

Umaga pa lang ay nagtext na sa akin si Leo, magiliw ko naman itong sinagot. Sa maghapong iyon siya lang naman ang naging kausap ko.

Tinatanong nito kung bakit parang masyadong malungkot ang aking “lovelife”, at patuloy pa rin sa pagpapahapyaw na sa sana siya na lang.

Naisip ko sana nga pwede kaso may asawa din si Leo, at iyan ay isang masaklap na katotohanan. Ewan ko kung bakit niya ako kinukulit ngunit hayagan ang kanyang hangaring gusto niya ako at gusto niya na may mangyari sa amin.

Isang gabing dinalaw ako ng kalungkutan at si Leo ay nagtext, muli nakipagflirt ako sa kanya. Naisip ko, sige kung gusto mo maglaro, makikipaglaro rin ako.

At isa ang usapan namin sa text, na susunduin niya ako at magdidate kami.

Wala nang isip-isip kung ano pa man, umoo ako ng hindi man lang ginamit ang aking konsensiya. Inisip ko lang sige gusto ko rin namang lumigaya.

Nagkita nga kami ni Leo, at ang pagkikitang iyon ay natuloy sa isang motel.

Parang natauhan ako ng makita ko ang kama at ang dalawang unan dito. Gusto ko sanang sabihin kay Leo na aalis na lang kami, ngunit naisip ko baka namang puwede pa ring gumana ang taktika na naisip ko.

‘Sige, wag mo akong gagalawin ha,” sabi ko kay Leo.

“Diyan ka at dito ako sa gilid,” pagpapatuloy ko.

Hindi naman umimik si Leo at nagpasalamat naman ako ng humiga siya sa kama ay hindi man lang siya dumikit sa akin.

Nagkuwentuhan kami habang nakahiga siya sa kabilang side at ako sa kabilang side din.

Okey naman ang lahat ngunit kinuha niya ang kamay ko at nilagay niya sa kanyang dibdib.

Naramdaman ko ang mabilis na pintig ng kanyang puso.

“Bakit ang bilis ng pintig ng puso mo?’ ang tanong ko.

Ngunit sa halip na sagutin niya ako ay mabilis siyang lumapit sa akin at niyakap ako…kasabay noon ay naramdaman ko na lang ang kanyang mga labi sa aking labi.

itutuloy…..

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.