Hustisya

211793f374df8c190563b514_150_Justice“DUDA ako d’yan sa mga kapulisan sa atin, e. Pare-pareho silang mga mukhang pera!” Malakas na sigaw ni Itay Mario nang pagdating ko sa bahay mula sa eskuwelahan.

3rd year college na ako ngayong taon at kumukuha ako ng kursong Business Ad.

“H’wag kang mag-alala, Mario. Hinding-hindi tayo titigil hangga’t hindi natin nakakamit ang hustisya!” narinig kong sagot ni Inang Dalia na kasalukuyang naghahanda ng hapunan namin sa hapag-kainan.

Tahimik lang ako habang nagtatanggal ng medyas sa may sala. Magkalapit lang ang sala at kusina namin kaya rinig ko ang pag-uusap ng aking mga magulang.

Napapailing ako na napapabuntong-hininga sa mga naririnig ko. Gustuhin ko mang sumabat o kaya makatulong sa problema ng aking mga magulang ay alam kong wala akong magagawa. Usapan kasi sa pera ang pinaglalaban ng aking mga magulang.

“Paano’y pare-parehong nasusuhulan ng pera ang mga lintik na pulis na ‘yan. Kaya hanggang ngayon, usad-pagong pa rin ang kasong inihabla natin sa demonyong mag-asawa na ‘yan!” ang nanggagalaiti pang dagdag ni Itay.

Biktima kasi ang mga magulang ko ng estafa ng negosyanteng mag-asawa na sina Arman at Lucida Ventura. Ang pagkakaalam ko, halos kalahating milyon ang nakuha ng mga ito kina itay at inang. Na gagamitin daw kuno sa negosyong matagal nang gustong ipatayo sana ng mga magulang ko. Pero mga estapador pala ang mag-asawang Ventura.

Hindi ko alam kung paano nakilala nina itay at inang ang mag-asawang iyon na agad nilang pinagkatiwalaan noong una. Paano’y parehong mabulaklak ang mga dila at halatang sanay sa panggagantso sa paraan ng pananalita ng mga ito. Ilang beses ko na rin kasing nakaharap noon ang mag-asawa.

“Hamo’t bukas na bukas din ay sasadya ulit tayo sa presinto. Hindi p’wedeng basta na lang nakakagala ng malaya ang mag-asawang Ventura na ‘yan. Hindi komo’t may kapit daw sila sa mga pulis ay aabuso na sila. Mga kriminal na dapat magbayad!” dugsong ni Inang.

Ayon sa narinig ko, mayaman daw ang mag-asawang Ventura. May mga iba-ibang negosyo na batid ng lahat na galing sa masamang paraan. Noon pa man daw ay kilala nang estapador ang mag-asawa. Pero ang nakapagtataka, bakit tila laging nakalulusot ang mga ito sa batas?

Marahil nga ay tama ang hinuha ko. Maaring nasuhulan na ng mag-asawang Ventura ang mga kapulisan sa amin. Dahil kung hindi, bakit malaya pa ring nakakapag-operate ng mga negosyo nitong restaurant, resort at hotel ang demonyong mag-asawa na Ventura na iyon?

Napailing uli ako. Minsan, bumababa na rin ang tingin ko sa ating mga kapulisan. Dahil sa talamak na masamang gawain ng ilan sa kanila na nakasisira sa magandang imahe sana ng ating kapulisan sa panahon ngayon. Oo nga’t hindi lahat ng pulis ay masama at nadadala sa suhol o pera. Marami pa rin sa kanila ang tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin at may busilak na puso. Pero bakit sadyang mas makapangyarihan ang pera at impluwensiya ng isang tao. Kaysa sa hustisya? Ganito na ba talaga ang mas pumapaimbulog sa ating lipunan na kung mapera ka’t may kapit ay ikaw ang mas kakatigan ng ating mga kapulisan at ng ating batas? Paano na lamang ang marami nating kababayan na maralita na biktima ng iba-ibang krimen? Hindi ba nila makakamit ang hustisya na marapat lamang nilang makamtan dahil sa sila’y mahirap lamang? At kailan ba magiging patas ang hustisya sa ating bansa?

MALALIM na ang gabi pero gising pa si inang at tila ito balisa. Pupungas-pungas pa ako nang lumabas sa aking sild para sana magbanyo nang mabungaran ko sa harap ng pinto si inang na palakad-lakad.

Tinignan ko ang wall clock na nakasabit sa dingding. 2:34 am.

“O, ‘nang, bakit gising pa ho kayo?” tanong ko.

“Hindi pa kasi umuuwi ang Itay mo buhat noong umalis siya kaninang tanghali, anak.”

“Saan daw ho ba ang lakad ni Itay?”

“Ang sabi, may kakilala raw siyang kakatagpuin sa ibang bayan. Pero ang sabi, hindi raw siya magtatagal. Kaya lang, madaling-araw na’y wala pa rin siya,” puno ng pag-aalalang tugon ni inang.

“Baka ho napasubo sa inuman. Uuwi rin ho ‘yun maya-maya. Matulog na ho kayo, ‘Nang.”

“K-Kinakabahan kasi ako, anak…”

Nilapitan ko si inang. Hinawakan ko ang mga kamay niya at pinisil-pisil.

“Magpahinga na ho kayo. At huwag kayong mag-alala, walang masamang nangyari kay Itay,” pagpapakalma ko.

“Sige anak, mauna ka na. Susunod na ako. Kapag wala pa hanggang alas-tres ang Itay mo ay saka ako matutulog.”

“Sige ho. Kayo ang bahala.”

Tumuloy na ako sa banyo para umihi.

KINABUKASAN, ginulantang kami ng mga sigaw ni Mang Omar na kapit-bahay namin sa labas ng aming tahanan habang sunod-sunod ang mga katok nito sa pintuan.

Pahangos na binuksan ni Inang ang pinto habang nakasunod ako rito. Kumakaen kami ng almusal nang marinig namin ang malakas na sigaw ni Mang Omar.

“O Omar, ano’t nagawi ka rito’t sumisigaw?” ani inang nang pagbuksan nito ang pawisang matanda. Hingal-kabayo ito.

“Dalia, si Pareng Mario natagpuang patay sa may ilog Sipyo sa kabilang bayan. Halika’t puntahan natin! Magmadali ka!”

Para akong ipinako sa kinatatayuan ko nang marinig ko ang sinabing iyon ni Mang Omar. Habang si Inang ay narinig ko ang hiyaw nito at malakas na pagpalahaw. Nakita kong agarang inalalayan ito ni Mang Omar nang halos mabuwal na sa sahig si Inang. Samantalang ako ay hindi ko agad napansin ang mga luhang namalisbis sa aking pisngi at hindi ko pa rin maikilos ang buo kong katawan.

Bakit??? Ito ang unang rumehistro sa utak ko. Anong kasalanan ng aking mabait na Itay Mario para paslangin ito ng kung sinumang demonyo na may kagagawan nito?

Pagkuwa’y sumagi sa isip ko ang mag-asawang Ventura. Walang duda na ang mga ito ang pumaslang sa aking itay. Mga kriminal!

Napasuntok ako sa pader habang tuloy ang pag-agos ng luha sa aking mga mata. Paano pa namin mabibigyan ng hustisya ang pinaglalaban ni itay kung wala na ito? At higit sa lahat, paano namin mabibigyan ng HUSTISYA ang walang awang pagpatay sa aking pinakamamahal na ama???

W A K A S

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!