Hustisya Para Kay CARL ANGELO ARNAIZ

Gelo, baby ka pa nang una kitang makita. Naranasan ko pa na makarga ka. Napakaamo ng iyong mga mata at magiliw kang bata. Hindi ko man tuluyang nasubaybayan ang iyong paglaki ay paminsan-minsan nama’y may nagkukuwento ng tungkol sa iyo.

Natuwa ako nang labis nang malaman ko na ikaw pala ang Class Valedictorian noong nagtapos ka ng Elementarya. Sa High School naman  ay pangalawa ka sa may pinakamataas na marka sa entrance exam sa Makati Science High School at nakapag-aral din sa UP Diliman. Hanga ako sa mga magulang mo na nagkaroon sila ng anak na katulad mo; masipag mag-aral, masayahin at labis ang pagmamahal sa magulang.

Sabi nila ikaw ang batang punong-puno ng pangarap sa buhay, masarap kang kausap, hindi boring at hindi non-sense, makikita sa pagsasalita mo na talagang may itinatago kang talino.

Kailan lang nabasa ko na hinahanap ka ng Ate mo sa social media. Nang sumunod na araw pati na ang tatay mo ay naghahanap na rin gamit ang Facebook. Ang nanay mo na kababalik lang ng Dubai mula sa pagbabakasyon sa Pilipinas ay umuwi ulit upang tumulong sa paghahanap sa iyo.

Ako, tanging panalangin lang ang nagawa ko na nawa ay makita ka or makauwi ka agad. Sinabi ko pa sa isang naghahanap sa ‘yo na hanapin ka sa mga dati mong paaralan, at iba pang mga kaklase baka gusto mo lang maiba ang environment mo. Pero sabi nila depressed ka raw at may iniinom na gamot sa depression. Pero kahit ganun matino ka pa ring kausap.

Pagkatapos ng sampung araw na pagkawala mo ay nakita ka. Malamig na. Wala nang buhay. Nakabalik ka na sa piling ng mga naghahanap sa ‘yo at ng mga nagmamahal sa ‘yo. Pero sa pagbabalik mo wala na ang mga pangarap mo, wala na rin ang mga matatamis mong ngiti na masarap titigan. Hindi na kailan man masasabi pa ang mga balak mo, ang mga pangarap mong binuo habang hinahintay ang pasukan.

Nakakaawa ang ginawa nilang pagpatay sa ‘yo. Silang mga walang puso. Habang sinasaktan ka ba nila ay nanlaban ka? Nagawa mo bang magmakaawa? Nakipag-argumento? May naglakas-loob ba na tumulong sa iyo habang pinahihirapan ka nila?

Napakasakit tanggapin lalo na sa puso ng iyong mga magulang ang paghihirap na pinaranas sa ‘yo bago ka namatay sa kamay ng mga taong pumatay sa ‘yo. Bakas ang marka ng posas sa iyong mga kamay. Bugbog ang iyong mga mata. Maraming pasa sa iba’t ibang parte ng katawan. Gasgas ang mga tuhod at likod.

Biktima ka ng maling sistema.

Sana wala nang sumunod pa. Nakita ka na at naibalik na sa iyong pamilya, ngayon ay nasa huling himlayan ka na. Ngunit ang pakikibaka ng iyong pamilya para sa hustisya ng iyong kamatayan ay nagsisimula pa lang.

About Emode

I write if I am emotionally sad, I write if am deeply happy. I write if I am in-love, I write if I am angry... I write because I have lots of stories in my mind, I think my emotion is my motivation why I can compose articles, because I write what’s on my mind, what I feel and what I dreamed for…