Huling Hinga ng EDSA

EDSA – ang pulitikang umusbong mula sa kalsadang ito’y tulad ng trapik na patuloy nating dinaranas araw-araw; trapik na mula sa sandamukal na sasakyang pribadong patuloy na nagpapasikip sa kalsada hanggang sa mga pampasaherong sasakyan na walang disiplina. Ang kalsada ng EDSA ay tulad ng rehimeng itinatag matapos ang 1986 People Power, halos walang pagbabago’t kaunlaran habang ang mga ordinaryong Pilipino’y patuloy na ginigipit ng isang pamahalaang puno ng mga taong may kapangyarihan pero wala namang kakayahan at dignidad. Marami nang naisulat ukol sa EDSA at ayaw ko nang ulitin ang mga nasabi ng iba. Subali’t bilang panapos sa rehimeng EDSA at panimula sa administrasyong Duterte, gusto kong ipitin ang mag nagkasala sa EDSA at palayain ang ideya’t ala-ala ng People Power sa gapos ng mga liberal at ang oligarkiya; dalawang panig na nagpalalim sa pagkakahati ng ating pamayanan.

Ang kwento ng EDSA ay istorya ng isang pamayanang nahati. Ang himagsikan sa EDSA ay hindi nagbuklod kundi nagpalalim sa mga sugat at pagkakahati ng ating bayan.

Iba na ang ihip ng hangin sa ating bayan at ang ating kasalukuyang pag-gunita sa unang EDSA People Power ay napapailalim sa ating ala-ala ng ilang dekadang lumipas na walang kaunlaran at kaginhawaan para sa nakararami ng ating mga kapwa mamamayan. Nagpatuloy ang kahirapan at pagkabulok ng pamahalaan dahil ang People Power ay ginamit para sa kagustuhan ng iilang sumakay sa likod ng mga mamamayang naghimagsik. Bukod pa rito, imbes na pag-isahin ang ating pamayanan, ang mga namuno’t nakinabang sa EDSA ay pinalawak ang pagkakahati sa pagitan ng mga mamamayang nag-alsa at mga patuloy na sumuporta sa mga Marcos.

Malalim ang kasalanan ng mga liberal ng ating bansa dahil hindi nila ipinaliwanag nang mabuti ang mga kamalian ni Marcos, at hindi rin nila kinilala na marami sa mga Pilipino’y hindi liberal ang pagkakaunawa sa pulitika’t pagkamamamayan.

Imbes na iayon ang kanilang mga panukala sa ating kultura’t kaisipan, kinastigo nila at itinuring na “second-class” citizen o hindi nila mga kapantay ang mga taga-suporta ni Marcos at kung sinumang sumasalungat sa kanilang mga paniniwala. Ito ang basehan ng pag-usbong ng kanilang ideya ng bobotante o mga mamamayang dapat pangaralan imbes na bigyan ng kakayahang umunawa ng kritikal. Walang katwiran ang tingin nila sa mga hindi liberal ang pag-iisip at dahil dito ay tuluyan nilang ihiniwalay ang kanilang mga sarili sa mga kapwa nila mamamayan. Hindi gamay ng mga liberal ang pulso ng nakararaming may kagustuhan na muling itatag ang mga mahigpit na pamantayan para sa pagkamamamayan at pagkatao sa punto na dapat patawan ng kamatayan ang sinumang magkasala sa bayan.

Bukod pa rito, imbes na palalimin ang himagsikan upang maging rebolusyon, reporma lang ang naging sigaw nila kahit na alam nila at ng nakararami na masyado nang bulok ang lamang-loob ng pamahalaan. Wala silang kakayahang maglatag ng mga panukala para sa malalimang pagbabago dahil hinayaan nilang sila’y kaladkarin ng mga oligarko. Ang unang paghimagsik sa EDSA ay isang pagkakataon kung saan ang mga may nais ng pagbabago’y napailalim sa mga taong gusto lamang bumalik sa poder at makuha ang Malakanyang. Sa madaling salita, gusto lang nila na lagyan ng band-aid ang mga kanser at tumor ng lipunan imbes na operahin at hukayin ang pundasyon ng ating pamayanan.

Bilang panapos, dapat nating mabatid mula sa mga nangyari sa EDSA at sa rehimeng itinalaga sa pamamagitan nito, na hindi dapat umasa ang mga Pilipino sa mga santo’t bayani o sa kung sinumang gustong maging tagapagligtas ng ating bansa. Kasuklam-suklam na ang istorya ng EDSA’y pinaikot sa mga pangalan ng indibidwal na pulitiko.

Hindi bayani si Marcos, hindi santa si Cory, at hindi martir si Ninoy.

Tulad ng ating pangaraw-araw na laban sa kalsada ng EDSA, maaari lamang tayong umasa sa ating mga sarili’t sa mga kapwa dahil tayo ang naghihirap sa ilalim ng pagkakamali nang mga nasa kapangyarihan. Buhay ang People Power, hindi dahil may mga liberal o dilawang patuloy na itinuturing na sagrado ang pangyayaring ito, kundi dahil patuloy na binubuhat ng mga ordinaryong Pilipino ang bigat ng isang pamahalaang mas marami pang naidulot na problema imbes na solusyon. Ang tagumpay ng kasalukuyang administrasyon at ang kakayahan nating tulungan ang kasalukuyang proyekto ng pagbabago ang magdidikta kung makakawala ba ang ating bansa sa sumpa ng EDSA.

Anthony Borja

https://dlsu.academia.edu/AnthonyLawrenceBorja

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.