“Honey, sorry”

(Photo Credit:  www.tumblr18.com)
(Photo Credit: www.tumblr18.com)

Lagi akong balisa, natitigilan kahit nasa hapag-kainan. Hindi makatagal na nakaupo, hindi rin mapirmi sa kinatatayuan. Alam ko na malaki ang problema naming mag-asawa.

Nanunuot sa aking kamalayan ang isang tila sundang na humihiwa sa aking puso

“Siguro manghihingi na siya ng Diborsyo” umuukilkil sa aking isip

“Unahan ko na lang kaya”

“Anak ng tipaklong, sapat na ba ang ipon ko sa bangko?”

“Paano kaya ang anak namin”

“Ano kaya ang sasabihin ko sa mga biyenan ko at sa mga magulang ko?”

Maraming beses na umupo ako sa harap ng computer, pilit nagre-research ng tungkol sa diborsyo. Paano ba ang pakaliwa’t-pakanan dito. Ano ba ang mga karapatan ko?Magkano ba ang babayaran? Ano bang mga dokumento ang ipapasa?Hanggang sa tila ako nawawalan ng lakas. Muli ay titingala sa langit. Dapat ba talagang magkaganito? Wala na bang pag-asa?”

Malaki kasi ang naging pag-aaway naming mag-asawa. Hindi kami nagsigawan, tahimik lang pero damang-dama ko kung gaano kabigat iyon sa aming dalawa. Marahil nasagad ko ang galit niya, siguro naabot ko ang limitasyon ng kaniyang pasensiya.

Limang taon pa lamang kami ng aking asawa at nabiyayaan kami ng isang anak. Marami na kaming pinagdaanan. Naranasan naming mahirapan sa pera. Napagdaanan namin na umiyak dahil may sakit ang aming bunso. Marami na rin kaming pag-aaway bagaman walang sakitan. Sa mga pag-aalitan namin ay lagi siyang lumalapit, humihingi ng tawad at nakikipag-ayos. Kadalasang may kasama pa iyong bulaklak, card o kahit anong sa tingin niya ay magpapawala ng aking galit. Ngunit iba ngayon.

Medyo may kaselanan kaya hindi ko ito magagawang ibahagi ngunit, ito na siguro ang pinakamabigat. Isipin na lamang na diborsyo na ang nasa isipan ko.

Nang gabi ng aming pag-aaway ay lumipat siya sa silid ng aming anak. Kinakausap niya ako subalit nararamdaman ko na tila ito yelo kalamig. Nagpapaalam naman bago pumasok sa trabaho subalit wala nang good bye kiss. Hindi na niya ako tine-text o tinatawagan. Wala na ring I love you.

Hindi ako nagpatalo, kung wala siyang I love you; hindi ko rin sasabihin iyon. Kung ayaw niyang mag-kiss, hindi ako ang mauuna. Kung ayaw niyang tumabi sa pagtulog sa akin, ayaw ko rin.

Alam ko na pilit kaming nagpapakalayo-layo sa isa’t-isa. Hinihintay siguro niya na ako ang lumapit. Hanggang sa nakita ko ang kaniyang pitaka, binuksan ko ito at wala na roon ang larawan ko na kaniyang pinakaiingat-ingatan.

Well, inisip ko kaagad na baka nga ayaw na niya sa akin. Siguro manliligaw na siya ng iba. Siguro ididiborsyo na niya ako. Kaya naman ako ay nag-iisip kung ano ang aking gagawin, para hindi naman ako mabigla.

Gayunpaman ay nagdarasal naman ako, ayaw ko pa rin naman na magkahiwalay kami. Mahal ko pa rin siya at may anak kami. Siguro nga ay nagkamali ako, dapat siguro akong humingi ng tawad.Dapat isuko at lunukin ko ang pride ko. Ngunit, dinadaig ako ng kayabangan ko. Bakit nga ay siya ang lalaki, bakit ako ang unang lalapit.

“Hah, huwag siyang lumapit para siyang nagtampo sa bigas!”

Ilang gabi na ako ay balisa, hindi makatulog.

Kung ang mga tao lamang ay matututong ibaba ang pride at maging mapagpakumbaba. Marahil walang away. Hindi ko na marahil nararanasan na maghirap ang kalooban, bakit ba kasi naimbento pa ang pride na iyan.

Isang gabi, siguro ay nakatulog ako matapos ang mahabang pag-iisip. Marahil maraming buhok ko ang pumuti at ilang cc ng dugo ko ang nabawas sa akin dahil sa pag-aalala. Pamaya-maya ay naramdaman ko ang masuyong mga palad na humahaplos sa aking buhok. Naramdaman Kong lumundo ang kama at may pilit na tumabi sa akin. Naramdaman siguro na bahagya akong naalimpungatan. Itinapat niya ang kaniyang bibig sa aking tainga sabay sabing “Hon, Sorry na”

Halos hindi pa nag-sink in sa akin ang nangyayari. Nagtanong ako sa kaniya

“Mahal mo pa ba ako?”

“Naiisip mo na bang i-diborsyo ako?”

“Bakit wala na sa wallet mo ang picture ko?”

“Sobra-sobra ba ang galit mo sa akin?”

“Bakit hindi ka na nagki-kiss, bakit wala na ring I love you?” tila armalite na tanong ko

Yumakap siya nang mahigpit.

“Hindi ko na alam kung alin ang sasagutin ko, parang tren naman ang mga tanong mo. Isa lang ang sasabihin ko sa iyo. Kahit minsan hindi ko inisip na maghihiwalay tayo. Nasaktan ako sa inasal mo pero hanggang doon lang iyon. Hindi kasama ang hiwalayan doon.

Napaiyak ako, kay bilis kong mag-isip ng mga negatibo. Kung kinausap ko lamang siya kaagad. Kung nauna na sana akong nag-sorry. Tama ang nagpayo sa akin noon.

Pakasalan ko raw ang lalaking hindi ko man mahal ay nagmamahal naman sa akin. Dahil ang babae raw madaling matutong magmahal. Ngayon ay naunawaan ko na.

Ganito pala ang buhay may asawa, kailangan ang pang-unawa sa bawat isa. Dapat na paganahin ang pagpapakumbaba kaysa sa pagmamataas. Kahit anong mangyari, gaano man kabigat ang pinagdaraanan; ang dibosyo ay hindi kasali sa usapan.

Napakahalaga ng salitang “Sorry.”

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.