Homesick Attack

30 missing home by Joe

Si nanay, ang aga-aga, kung makatxt, mapapangiti at mapapaiyak ka! Hindi pa rin maka-get-over sa mga anak na nakipagsapalaran sa ibang bansa. Magpitong taon na mula nang nangibang bansa ako. Kagagaling ko lang sa bakasyon noong December to January pero ang messages niya sa cellular phone ko, hindi nagbago mula noong una akong umalis.

“‘Nak, I love you! I miss you!’, ganyan ang messages niya everyday. Paggising sa umaga at bago matulog basta may load siya, hindi pumapalya.

Kahapon, isang message ang nakapaghatid ngiti sa akin.. Si nanay, umi-effort sa English :))

“Good evening people of the Philippines, to my best daughter in HK and good morning to my cutest daughter in Canada. We love you!”, aba spokening dollar si mother. At dahil unlimited siya madalas sa txt, naka-group message iyan sa aming mga anak niyang malalayo sa kanya. Isa sa Bacolod, isa sa HK at ako rito sa Canada.

Ang kapatid ko sa Hongkong na noong March lang naging OFW, nag-emote na rin nang mabasa ang mensahe ni nanay. Minsan pa, kinulit ako sa facebook dahil nakalimutan ko magmessage sa kanya. Sobra raw siyang nag-alala. Ganoon daw pala kapag wala kang natatanggap na mensahe mula sa mga mahal mo sa buhay. Para kang praning kaiisip kung kamusta na sila.

Ako, hindi na masyado inaatake ng homesickness. Medyo nasanay na pero kapag ako inatake, iniisip ko nalang na masuwerte pa rin tayong OFW sa generation ngayon. May facebook na puwedeng maging sumbungan sa tuwing tayo’y nalulungkot. May Skype na puwede makita ang mga mahal sa buhay. May cellphone na puwedeng gamitin pantawag at kung ano pang technology na puwedeng gamitin upang ang pamilyang malayo ay ating makausap.

Nakalulungkot lamang na ang ilang OFWs ay parang namumuhay noong 80s at 90s. Noong sulat, telegrama at mahal na phone calls lamang ang nakapagkokonekta sa mga mahal sa buhay. Bakit sinabi kong noong dekada 80 at 90 sila namumuhay? Kasi, ang ilang pamilya ay hindi naaalala ang kanilang mga kamag-anak sa abroad sa mga ordinaryong araw. Tuwing suweldo lamang nila nami-miss at nasasabihan ng I love you ang mga OFWs.

Ang homesickness, kahit kailan hindi nawawala sa buhay ng OFW. ‘Ika nga, “there’s no place like home. And home is where your heart is”. Kahit na gaano pa kalayo ang marating mo, ang mga mahal sa buhay pa rin ang tunay na makapagbibigay ng tunay na kaligayahan sa puso natin.

Kaya tayo naririto sa ibang bansa dahil nais natin mabigyan ng magandang kinabukasan ang ating mahal sa buhay. Ang kanilang pangangamusta hindi lamang tuwing araw ng suweldo ay isang napakahalagang mensahe na sa atin. Ang “simpleng kamusta ka” ay nakapagpapawi ng ating kalungkutan. Ang mensaheng “alagaan mo ang sarili mo” ay nakagagaan ng mabibigat na trabaho at ang katagang “I miss you at I love you” ay nagsasabing ang sakripisyo pala naming naririto sa ibang bansa ay may halaga sa mga naiwan.

Naho-homesick ako ngayon pero kakayanin ang sakripisyo para sa pamilya ko na dahilan kung bakit naririto ako sa ibang bansa.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.