Hindi Na Ako Maghihintay Sa kanya

Isang maaliwalas na hapon noon.Pauwi na ako galing sa maghapong paghahanap ng trabaho at super pagod na ng aking katawan.Isipin mo nalang ang init at pagod sa maghapong paghahanap ko ng ikabubuhay.Salamat na lang at weekend na sa susunod na araw.

Hindi ko na ramdam ang yapak ng aking mga paa sa lupa noon ng makita ko sya pasakay sa jeep kung saan ako ay nakalulan.Hindi ko sinasadya.Hindi ko lang talaga alam kung paano magreact dahil sa di inaasahang nilalang na ngayon nga ay nasa akin ng harapan.Tumalikod ako. Ayoko syang makita.Ayokong makita nya akong nasa ganitong itsura.Umiwas ako, tumingin sa malayo habang ang puso ko ay abot abot na lang ang kaba sa isang kadahilanang di ko alam kung hayag sakanya.

Umandar ang jeep.

Ang lakas ng kaba sa aking dibdib.

Tumigil.

Bumaba na sya.

Nagtataka lang ako dahil hindi naman doon ang tamang babaan.Alam kong pareho kami ng daan pero bakit doon sya bumaba?Gusto din ba nya akong iwasan?Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ko pero kusang kumilos ang aking katawan upang sundan ang kinaroroonan nya.Umakyat ng overpass sa isang di pa masyadong pamilyar na lugar,tapos bigla kong naisip na bakit ko nga ba sya susundan? Baka may iba lang talaga syang pupuntahan.At alam kong hindi ako yun.

Natauhan ako.

Huminto.

Nag-abang ng paparating na jeep.

Sumakay.

Patuloy na naglakbay pauwi sa tahanang hindi naman sa akin.Tulala at hindi alam kung ano nga ba ang naganap nung mga nakalipas na sandali.Ilang taon narin naman ang nakakalipas. May anim na siguro.May isang binatilyong dumadaan lang sa harap ng bahay na sinusulyapan ko. Hindi sya abot ng aking mga kamay ngunit abot naman sya ng aking paningin.Lumipas ang mga panahong ganoon lang ng ganoon ang aking ginagawa hanggang sa di ko namalayan na hindi na lang pala pagtitig sa kanya ang nakasanayan ko, parang gusto na rin syang hawakan ng mga kamay ko.Nagdaan pa ang mga araw, buwan na hindi ko pa rin sa kanya masabi dahil sa nahihiya ako.Sa isang lipunan na kasing konserbatibo ng sa atin, hindi magandang tignan kung ang isang babae ang magtatapat ng pagtingin sa isang lalaki. Hinayaan ko lang tutal wala din naman akong magagawa. Basta masaya na ako sa twing nasusulyapan ko ang mga ngiting iyon na alam ko namang hindi para sa akin.Nangarap. Naghintay. Kay tagal.Hanggang sa nagsimula na akong magkolehiyo,malayo na sa kanya ngunit nasa diwa ko pa rin ang maamo nyang mukha, ang matamis nyang ngiti at ang presensya nya na talaga namang nakakapagpasaya sa akin.Salamat sa teknolohiya, makakapagpadala pa din ako ng mga mensahe sakanya.Madalas.Ngunit malimit ay madalang lamang naman siyang sumagot.Pero naghintay pa rin ako.Walang sumasagot.

Naghintay.

Naghintay.

Dumating din ang panahon na nabaling sa iba ang pagtingin ko sa kanya.Isa, dalawa, tatlo, may mga naging kasintahan din ako ngunit hindi ko maikakaila na isa sa mga hinahanap ko ay ang katulad nya.Masama man ang ginawa ko ay hindi ko alam. Minahal ko din sila, yun nga lang may reperensya sa iba.

Nawalan na ako ng balita sakanya.Maliban sa mga madalang na mensahe ay hindi na rin ako nakakapunta sa dati naming lugar.Pero alam ko na nasa isip ko parin ang mga ngiti ng lalaking iyon.Matamis. Paulit ulit ko pa ring binabalikan.

Malapit na akong matapos sa kolehiyo noon ng muli syang bumalik sa buhay ko.Sa isang lingo kasi ay babalik akong muli sa dating lugar kung saan ko sya unang nakita.May pananabik sa aking puso na hindi ko maitago. Hindi ko alam kung katulad parin sa dating dahilan.Basta makikita ko sya at ang ideyang yun ay nagpapasaya sa akin ng lubos.

Bumalik ako sa dati naming lugar.

Nakita ko sya.

Ibang iba na sa binatilyong nakita ko noon. Mas matipuno na ngayon, may kaunti ng pagbabago. Biglang bumalik ang dati kong patingin sakanya.Sa panahong iyon ay hindi na ako nahiya.Inaya ko syang magusap kami.Gusto ko lang naman sana syang kamustahin dahil hindi pa kami nagkakaroon ng pormal na paguusap mula noon pa man.

Hindi sya sumipot.

Ngunit naghintay parin ako malapit sa bahay nila.Hindi sya sumasagot sa mga mensaheng pinapadala ko.Nalungkot ako.Umuwi nalang. Hindi na kami nagkita.Natapos na ako sa kolehiyo.Tuwang tuwa ang mga magulang ko sa isang mabungang pagpapagal na binuno ko ng apat na taon.Tapos na din. Kailangan ko naman ngayong harapin ang isang mahirap na pagsusulit upang mapunan ang isang pangarap na nagsimula noong ako ay bata pa.

Nagbalik ako sa dating lugar upang doon kumuha ng pagsusulit.Sa di inaasahang pagkakataon ay nagpadala sya ng mga mensahe sa akin.Pinilit kong huwag syang sagutin ngunit hindi ko kinaya.Sumagot ako.Nagpalitan kami ng mga mensahe.Maraming mga mensahe.Nagtaka ako sa biglaan nyang pagbabago pero hindi ko na ininda yon dahil pabor sakin ang nangyayari.Pagkalipas ng ilang panahon ay naging masaya ako.

Pakiramdam ko ay abot na sya ng mga kamay ko.Ngunit hindi pala dahil pagkalipas ng ilang bwan ay tuluyan nanamang nawala ang koneksyon naming dalawa.Hindi ko alam ang dahilan.Nasaktan ako.Pero patuloy parin akong naghintay.Minsan ay hindi ko na nakayanan ang tindi ng nadarama ko.Labag man sa hindi nakasulat na kautusan ay sumulat ako sa kanya. Sinabi ko na gusto ko sya at sana ay patuloy parin syang ngumiti kahit hindi para sa akin.

Sumagot sya.At ang sagot na iyon ang lalong nagpagulo sa aking isipan.

Pero naghintay parin ako,hindi dahil yun ang gusto ko kundi dahil yun ang gusto nyang ipahiwatig sa mensahe nya.

Nalungkot. Umiyak.

Hanggang kailan ko ba titiisin ito?Kailan ko ba maiintindihan na hindi nya ako gusto.Minsan sinabi ko sa sarili ko na yoko na.Tama na.Kasi ang sakit sakit na.Paulit ulit na lang ba nya akong babaliwalain?

Pumasa ako sa pagsusulit.Ngayon ay kailangan ko ng maghanap ng trabaho.Sa dating lugar pa rin.Nakakapagod ang maghapong paghahanap ng tamang kumpanyang papasukan.Tapos nanaman ang araw.Pagod na ang buo kong katawan.Uuwi na ako sa bahay na hindi naman akin.

Maaliwalas ang hapong iyon.Nakita ko sya.Pero pinili kong isantabi ang nararamdaman.

Kahit sandali lang.

Kahit ngayon lang.

Pero nagkamali pala ako.

Hindi nya naramdaman ang munti kong paghihiganti.Bumaba na sya ng jeep.Sumakay ako ulit.Tinignan ko sya habang tumatawid sya ng overpass.Paliit ng paliit habang lumalayo ako sa kanya.Hanggang sa hindi ko na sya matanaw.Naisip ko hindi ko naman pala kailangang maghintay.Dahil wala naman akong hihintayin.

Malungkot.Pero mas pinili kong lumaya.Lumayo.Sa mga susunod na araw hindi na ako maghihintay.Hindi na kita papansinin.Kahit pilit kang hanapin ng mga mata ko,hindi na kita tatanawin.Hindi na ako maghihintay.

Hindi na.

c.r.b.r. 5-27-2011

images (1)