Hindi lahat ng nang-iiwan sa ere ay masama!

(Photo Credit: ashadeofpen.com)
medium_yfznl7
(Photo Credit: ashadeofpen.com)

HINDI LAHAT NG NANG-IIWAN SA ERE AY MASAMA.

Masakit marinig mula sa labi ng taong mahal mo na hindi ka na niya mahal, na hindi na siya masaya sa iyo, na may iba nang nagpapatibok ng puso niya, na sumusuko na siya sa relasyon niyo, na ayaw na niyang maging bahagi pa ng buhay mo, na gusto kana niyang iwanan. Pero mas masakit yong maiwan ka nang biglaan, wala man lang abiso at pasabi, wala man lang paalam, wala man lang paliwanag kung bakit niya nagawa/gagawin iyon, wala man lang malinaw na dahilan.

‘Yung tipong pagkatapos ka niyang pasayahin, pangakuan ng kung anu-ano, paasahin, dalhin sa itaas ay iiwanan ka lang pala sa ere! ‘Yung tipong kani-kanina lang para kang nakalutang dahil masaya kayong magkasama, napapikit ka lang nang kaunti, pagdilat mo ng mga mata mo, nalulula ka na dahil mag-isa ka na lang pala!

Ang sakit, ‘di ba? Para lang kayong mga sundalong sumabak sa isang giyera. Sa simula, magkasabay ninyong pinupuksa ang mga kalaban. Ganado ka kasi alam mong may kasangga ka, alam mong nandiyan lang sila sa likod mo! Ngunit walang anu-ano paglingon mo wala na pala ‘yung mga kasama mo, umatras na sila ngunit hindi ka man lang sinabihan. Tinalikuran ka nila. Iniwan ka nilang mag-isa sa gitna ng matinding laban at hinayaang saluhin ang lahat ng mga bala na dapat ay para sa inyong lahat. Wala ka man lang ideya kung plinano ba nila yon, o naduwag lang ba sila o wala lang talaga silang pakialam sa iyo. Ang sakit, ‘di ba? Mas masakit pa iyon kaysa sa makita mong nakahandusay ang mga walang buhay nilang katawan sa lupa dahil namatay sila sa pakikipaglaban.

At minsan, dahil sa sobrang sakit hindi maiiwasan na magtanim ka ng sama ng loob at mamuhi sa mga taong nang-iwan sa iyo sa ere. Minsan nga halos isumpa mo na sila,eh. Pinaparatangan mo ng kung anu-ano, kesyo wala silang kuwenta, manloloko, masama. Binabato mo ng masasakit na salita. Hinuhusgahan mo pa ang buong pagkatao nila. Ang mga magagandang bagay na nagawa nila noon ay bigla na lang nabura nang dahil sa insidenteng iyon at napatungan ng galit. Hindi ka naman masisisi kasi wala ka namang huhugutin kung wala namang ibinaon. Hindi ka naman magkakaganyan kung hindi ka nasaktan.

Pero bago ka mamuhi, bago ka manghusga, bago ka magalit bakit hindi mo muna tingnan ang ibang anggulo ng sitwasyon? Bakit hindi mo muna alamin kung ano talaga ang pinanggalingan niya kung bakit niya nagawa iyon? Pano kung hindi talaga siya bumitaw? Paano kung may nagtulak sa kanya palayo o may humila sa kanya pababa?

Oo, nasaktan ka! Pero hindi lang ikaw ang tauhan sa kwento ninyo. Hindi lang ito tungkol sa iyo. Hindi lang ito tungkol sa pang-iiwan niya sa iyo. Tungkol din ito sa kanya at sa kung bakit niya nagawang umalis nang hindi nagpapaalam.. Hindi lahat ng kuwento ay alam mo. (At hindi lahat ng alam mo ay totoo.) Sa likod ng isa pang kuwento ay nakakubli ang isa pang kuwento na minsan ay mas masaklap pa kaysa sa kuwentong alam mo.

Kagaya ng nangyari kay Inna (hindi tunay na pangalan). Isang araw bigla na lang hindi nagpakita sa kanya ang boyfriend niya. Sobra siyang nagalit dito na lahat ng mga bagay na nagpapaalala sa kanya dito ay ayaw niya nang makita pa. Ngunit pagkatapos ng ilang taon nalaman niya na kaya ‘yun ginawa ng boyfriend niya ay hindi dahil hindi na siya mahal nito kundi dahil ayaw nitong mahirapan siya. Pinagbantaan daw kasi ito ng daddy niya na kapag hindi siya iniwan nito ay itatakwil siya bilang anak. Hindi nito maatim na magdusa at maghirap siya sa piling nito kaya mas pinili na lang nito na lumayo kahit masakit. Nagsakripisyo ito para sa kanya. Alam kasi nito na hindi nito kayang ibigay ang nakasanayan niyang buhay. Pinagbantaan din ito ng daddy niya na huwag daw ipapaalam sa kanya ang naging usapan nila.

Ganoon din ang kaso ni Cara (hindi rin tunay na pangalan) iniwan rin siya ng boyfriend niya. Kinamuhian niya ang boyfriend niya dahil wala man lang itong sinabi sa kanya. Lingid sa kaalaman niya, may malala pala itong karamdaman at mas pinili nitong lumayo kasi ayaw nitong maabala pa siya. Gusto nito na magkaroon siya ng normal na buhay, ayaw nito na pag-alalahanin pa siya. Kaya hindi nito sinabi sa kanya kasi alam nito na mas lalo lamang siyang mahihirapan. Ayaw ng boyfriend niya na makita niya ito sa ganoong kalagayan dahil mahihirapan lamang daw siya. Mas ginusto na lang nito na siya ang magdusa mag-isa. Mas ginusto ng boyfriend niya na isipin niyang hindi na siya mahal nito nang sa ganun ay madali niya itong makakalimutan. Ganoon din naman daw,eh. Mawawala rin naman daw siya kaya habang maaga pa inihahanda na siya nito.

Si Aling Cora naman galit na galit siya sa asawa niya dahil iniwan siya nito nang wala man lang paalam. Hinayaan siya nitong tuparing mag-isa ang pangarap na sabay nilang binuo. Buong akala niya ay ipinagpalit siya sa iba. ‘Yun pala may mga humahabol dito dahil may nagawa itong pagkakasala. Mas pinili nitong lumayo kasi ayaw nitong mapahamak sila ng mga anak niya.

Marami pang sitwasyong ganyan. Ang iba kaya hindi nakakabalik dahil naaksidente, namatay. Ang ibang OFW minsan napagbibintangan sila sa isang kasalanang hindi nila ginawa, pero nakulong. Hindi sila nakakabalik sa pamilya nila dito sa Pinas. Kung anu-ano na agad ang iniisipng mga tao dito. Hindi pa nga nila alam ang puno at dulo ng mga pangyayari, nanghuhusga na agad sila. Gumagawa sila ng sarili nilang kuwento na malayong-malayo sa katotohanan.

Oo, mahirap tanggapin na bigla na lang silang naglaho na parang bula na hindi man lang sinabi sa iyo ang tunay na dahilan? Paano mo nga ba naman tatanggapin ang isang bagay na hindi naman ibinibigay sa iyo? Paano mo ba tatanggapin ang masakit na katotohanan na hindi naman inihahayag sa iyo? Pero hangga’t maari iwasan sana natin ang mamuhi. Dahil habang tayo ay namumuhi sa kanila, sila wala silang ibang inisip kundi ang kapakanan natin. Habang hinuhusgahan natin sila ay may mga laban silang pilit pinagtatagumpayan. At kung nasaktan tayo sa ginawa nilang pang-iiwan sa atin sa ere, mas nasasaktan sila dahil hindi nila naipaliwanag ang mga sarili nila dahil kapag ginawa nila alam nilang mapapahamak tayo.

HINDI LAHAT ng nang-iiwan sa ere ay masama.

Ang iba sa kanila, biktima lang din ng pagkakataon at nang magulong mundo na ating ginagalawan. Yong IBA nagagawa lang naman yon hindi dahil hindi ka na nila mahal kundi dahil sa sobrang pagmamahal. Noong may humila at nagtulak sa kanila pababa, noong naramdaman nilang babagsak sila mas pinili nila na bumitaw at iwanan tayo sa ere kaysa sa ang patuloy tayong kapitan at isama tayo sa kanilang pagbulusok paibaba. Mas pinili nilang iwanan tayo doon sa itaas dahil doon alam nilang magiging ligtas tayo at mas magiging maganda ang buhay natin. Mas pinili nila na wag sabihin sa atin ang katotohanan dahil alam nila na kapag ginawa nila yon, hindi natin sila bibitawan. Sasamahan natin sila sa kanilang paglalakbay. At yon ang ayaw nilang mangyari. Ang magdusa tayo sa piling nila. Kapakanan lang natin ang kanilang iniisip.

Ang bawat pangyayari ay may kaakibat na dahilan na minsan mahirap intindihin pero kailangan nating pagkatiwalaan.

About Mikaylla

Hindi ako magaling magsulat pero ito ang nagpapasaya sa akin.