Hindi ko sinasadya!

2317125646_1c6a9b7b93_unaware1
(Photo Credit: Flickr)

Hindi ko sinasadyang mangyari ang mga bagay na hindi dapat mangyari. Ito ay nangyari na lang nang di ko namamalayan at napigilan.

Saktong limang taon ng aming pagsasama bilang mag-asawa nang mangyari ang lahat. Sa side ko, alam ko na ginagampanan ko ang aking mga tungkulin para sa kanya at sa aming anak, mahal na mahal ko ang aking pamilya. Ngunit para sa kanya ako ay kulang pa rin, hindi daw ako maasikaso, gastadora, palagi daw akong wala sa bahay at mabarkada.

‘Yan ang tingin niya sa akin, kahit minsan hindi ko nagawang depensahan ang sarili ko sa kanya kahit alam ko na mali ang tingin niya sa akin. Nanahimik lamang ako dahil ayaw ko na masaktan siya verbally. Kahit ako ‘yung nahihirapan at nasasaktan hindi ko ito sinabi pa sa kanya o kahit kanino pa.

Hindi daw ako maasikaso. May kasambahay kami noon, mula sa paglilinis ng bahay, pagluluto, paglalaba at pagplantsa, siya ang gumagawa dahil ako din ay pumapasok sa trabaho. Ngunit pag may libre akong oras sinisiguro ko na tama at nasa ayos ang lahat.

Ako rin naman ang nag-aayos ng gamit niya, by color pa, ngunit hindi niya nakikita iyon kasi wala naman din siya sa bahay palagi. Sa umaga hanggang gabi nasa trabaho siya, pag uwi kung hindi pa matutulog ay lalabas pa at tatambay sa barkada niya ang gagawin niya. Pag uwi niya tulog na kaming lahat.

Ang mga dapat kumpunuhin sa bahay, ako ba dapat ang gagawa? Sino ba dapat ang mag-asikaso nun?

Gastadora! Gastadora bang matatawag ‘yung bibili ka ng mga gamit sa bahay, mag-grocery ng pagkain para naka-budget ang pera at bibili ng gatas at gamit ng anak nang bultuhan upang makatipid at upang wala nang iintindihin sa mga susunod na araw kung maubusan man (ng gatas o pera)?

Ano ang matatawag mo sa kanya na sa tuwing mag-iinom sila ng barkada niya, pati ulam namin sa hapunan ay kukunin niya upang ipulutan nila? Na sa tuwing madaling araw pag wala na silang pambili ng alak, gigisingin ako upang manghingi ng pera para sa pang-inom nila? Na noong minsang nag-bonus siya, imbes na dumiretso ng uwi sa bahay para makasama niya kami ng kanyang anak at pasalubungan kami kahit pansit man lang ay sa barkada ang tuloy at kinabukasan na nang umuwi? Sino ngayon ang gastador?

Palaging wala sa bahay at mabarkada? Ako pa ba iyan? Oo, lagi akong umaalis ng bahay dahil working mom ako, dumadalaw ako sa aking magulang at paminsan minsan ay lumalabas kasama ang barkada. Kalabisan ba iyon? Wala ba akong karapatang lumabas at magsaya kahit paminsan-minsan? Hindi na ba puwedeng dalawin ng anak ang kanyang ina na wala nang kasamang ibang anak dahil ang aking mga kapatid ay nasa ibang bansa?

Kung hindi ako magtatrabaho, kakasya ba ang suweldo niya para sa amin, eh sa alak pa lang yata niya yun kulang pa. At take note, FRIENDLY lang daw siya.

‘Yan ang aking mga depensa na ni minsan hindi ko nasabi sa kanya dahil baka masaktan siya at baka matapakan ko ang ego niya. Iyan din ang aking malaking pagkakamali na hindi ko nasabi sa kanya.

Wala akong pinagsabihan ng problema ko sa kanya, kahit sa magulang, kapatid o kaibigan ko. Magaling akong magtago ng problema, hindi mo iisiping may problema ako dahil palagi akong nakangiti at nagpapatawa.

‘Yung ang isa pang problema, kinikimkim ko ang problema ko, wala akong pinagsabihan, nagpapatawa ako ng ibang tao, pero ang totoo, ako ‘yung umiiyak at malungkot. Dinadaan ko sa pagpapatawa sa aking mga kaibigan para hindi nila mahalata na may problema ako. Nagpapakasaya ako kahit plastic na saya lang.

Natuto akong uminom. Naisip ko baka kaya hindi ko siya maintindihan kasi hindi ako nag-iinom. Isang malaking TSEK nga ang nangyari. Kaya pala inuumaga na ng uwi kasi pag nasa inuman ka na pala, mapapasarap ka talaga at hindi basta basta makakatayo sa inuman.

Naging galante rin ako. Hindi lang pansariling kaligayan ang natamo ko noong naging galante ako; pati mga nakapaligid sa akin masaya dahil lahat sila ay nabibiyayaan. Which in some case naging maganda sa mga taong natulungan ko at naging masama naman sa iba dahil ginamit lang ako ng ilan na mapagsamantala.

At ang pinakahuling sinubukan kong gayahin sa kanya, ang pagiging FRIENDLY. Palakaibigan naman ako, pero dahil nga sinusubukasn kong i-adopt ang environment niya, lalo pa ako naging friendly na nagpabago ng aking buhay hanggang sa ngayon.

Hindi ko naman sinasadya. Hindi ko rin naman binalak na mangyari ang lahat. Nangyari na lang nang hindi ko sinasadya.

Photo by My name’s axel

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.