Hindi Ito ang Pangarap Ko [An OFW Story]

Image via goodinteractive / Pixabay

Hindi ito ang pinangarap ko..

Ako si Cel, 37 taong gulang. Sa 2 1/2 taon ko na pagtratrabaho sa Riyadh bilang Kasambahay, sa loob ng maikling panahon na iyon, sadyang napakaraming masasalimuot na karanasan.

Uumpisahan ko sa papalit-palit ng amo, pinagpasapasahan ako ng magkakapatid na Madam ko.  Isang taon din iyon na nakaapat ako ng amo. Kung sino ang walang kasambahay ay doon ako dadalhin. Hindi naging madali ang adjustment period sapagkat kapag nasanay na ako sa gawain ko sa isa kong amo, bigla naman akong ililipat sa kabila. Parating pinag-aaralan ang bagong estilo ng paggawa, parating nakikiramdam sa ugali ng amo. Hindi ko naranasan ang mapalagay sapagka’t iba-iba sila ng gusto at pag-uugali.

Kasama na riyan ang pagsaklob sa akin ng tinding homesickness dahil hindi Ipinapahintulot ang pagkakaroon ng cellphone. Once a month lang ang pagtawag sa Pinas. Nairaos ko ang bawat gabi na hindi ako lumuha, nariyan iyong makikita ko sa salamin ang mga humpak kong mukha, pangangalum-mata, sira-sirang kamay dahil sa tindi at dami ng trabaho, at masyadong maselan ang amo ko.

Kaya natanong ko na lang sa sarili ko, “Ito ba talaga ang gusto ko? Hirap na hirap na nga ako, hindi naman gumiginhawa ang pamilya ko sa Pinas dahil sa liit ng sahod.”

At sa wakas, nailipat ako sa isang amo na sinusuwerte pang nakasama ko ang hipag ko. Dito, libre ang paggamit ng cellphone at internet. Kanya-kanya naman ang trabaho, ngunit isang araw, bigla na lamang siyang nagalit sa akin.  Alam ko mayroon kaming hindi masyadong pag-uunawaan sa Pinas, ngunit hindi ko akalain na uungkatin niya iyon dito.

Nariyan iyong bantayan niya lahat ng kilos ko, pupunahin ang bawat pagkakamali ko. Sinabi ng amo namin na turuan niya akong magluto, ngunit sa bawat pagkakataon na magtatanong ako, ang isasagot pa niya ay “May mata ka, gamitin mo!”

angry woman photo
Photo by geralt (Pixabay)

Hindi ako pamilyar sa mga pang kusina na mga sahog at mga lutuin. Sobrang sakit noong masabihan ng ganoon.  Akala ko dahil kasama ko na ang kamag-anak ko, maaalpasan ko na lahat ng naging pasakit at lumbay ko sa unang taon ko dito. Iyon pala, mas dobleng pasakit; mas nakalulungkot na may kasama ka, pero napakalayo sa iyo.

Nakilala ko ang isang Pinay na nagtatrabaho sa kapatid ng amo ko. Dito na naman dumating ang isa pang sitwasyon na akala ko ay solusyon sa kalungkutan ko. Binigyan niya ako ng katextmate; nahulog ang loob ko sa lalaki; sabi niya mahal niya ako, parehas kaming may asawa. Alam namin na pampalipas oras lang. Mahal na mahal ko pa rin ang asawa ko, pero hindi ko napigilan ang damdamin ko sa kanya. Napansin ng hipag ko ang kakaibang sigla ko at saya.

Kaya ayun, isang dagok na naman. Sinabi niya sa Kuya niya na may lalaki ako dito sa Saudi. Sabi ko naman sa asawa ko, iyon ay katawagan lamang; imposibleng magkita kami kasi wala akong day-off at hindi kahit kailan nakakalabas. Kung ano-ano nang masasakit ang natanggap ko; naitapon sa wala ang 20 taon naming pagsasama. Araw-araw ay sinusumbatan ako ng hipag ko.

“Malandi ka! Kung kailan tumanda ka, saka ka pa nagwala.”

Tahimik lang ako kasi ayoko nang lumaki ang gulo. Mahal ko rin naman ang hipag ko. At ang tanging dinadasal ko na lamang ay mapatawad ako ng asawa ko balang araw.

Blessing in disguise, nailipat akong muli sa panibagong amo. Nakawala ako sa araw-araw na may sumbat, pag-iisa, at pangungulila. Dito ay itinuon ko ang sarili ko sa pagtatrabaho. Pero hanggang dito ay nakatatanggap ako ng masasakit na mensahe mula sa hipag ko.

Dumating ang araw ng pag-uwi ko; hindi pumapayag ang asawa ko na pumunta sa akin ang mga bata sa bakasyon ko.

Lumuhod ako at nagmakaawa sa asawa ko; na nadungisan ko man ang pangalan niya sa pamamagitan ng pagpatol sa textmate, ngunit hindi ito humantong sa makamundong kasalanan. Pumayag siyang makita ko ang mga anak ko, ngunit nananatiling sarado ang puso at isip niya.

lonely woman photo
Photo by Free-Photos (Pixabay)

Nagdesisyon akong hindi na babalik sa Riyadh. Kung susuwertihin man, makikipagsapalaran na lamang ako sa iba pang lugar. Maaaring hindi pa huli, maaaring matutupad ko pa rin ang pangarap ko na magkatrabaho nang maayos at kumita ng medyo malaki. Maaaring mapatawad din siguro ako ng asawa ko at hipag ko.

Susubukan kong ngumiti, susubukan kong mangarap ulit, at susubukan kong magtiis at maghintay!

Sana….

1 Comment

  1. Magandang kuwento, cluelezz417…good job! Pinagpapala ang taong may pagtitiis at pagmamahal sa mga anak…God hears you..darating din ang ginhawa sa buhay.. just keep that faith and love going!

Leave a Reply

Your email address will not be published.