“Hindi Habambuhay”

(Photo credit: Pixabay)

“Hindi habambuhay ika’y nakatayo, nag-aantay. Kailangan mong kumilos at sa agos makisabay. Hindi habambuhay ika’y magmumukmok. Paano ka niyan makakarating sa tuktok? Hindi habambuhay ika’y nasa ibaba, hangga’t may mga tala, ika’y titingala. Hindi habambuhay ay wala kang silbi. Huwag ka lang magpapaniwala sa mga walang kuwentang sabi. Hindi habambuhay ay iikot ka sa kanilang mga palad. Basta’t sa pangako marunong kang tumupad. Hindi habambuhay ay lagi ka na lang minamasama. Ni daliri mo nga hindi pa nila nahawakan, nagawa ka pa nilang husgahan? Hindi habambuhay mundo mo’y magulo. Basta ba’t huwag ka lang masisiraan ng ulo. (Lol). Hindi habambuhay ika’y magpapasensiya. Hindi ka naman ipinanganak na estatwa. Haha. Hindi habambuhay sila na lang lagi ang iisipin mo. Paano naman ako? Tayo? Hindi habambuhay ay wala kang  sasabihin. Laging may isang taong handang makinig sa’yong damdamin. Sino? Kung hindi siya, malamang ako.

(photo credit: stylecaster)

Hindi habambuhay ay dumarating mga ganitong emosyon. Baka kako resulta lang ng alta-presyon. (Lol) Hindi habambuhay ika’y aking iisipin. Lalo na’t sa pagkaka-alala ko hindi ka naman akin! (Lol) Hindi habambuhay ika’y nakatingin sa kawalan. Darating ang araw makikita mo ang iyong hinahanap sa iyong harapan. Hindi habambuhay ay takbo ka ng takbo. Kung ang puso nga napapagod, ano pa kaya ‘yang mahihina mong buto? Matuto ka namang huminto. Lumanghap ng sariwang hangin, magpasalamat at ‘andito ka pa rin!

(photo credit: Pinterest)

Hindi habambuhay ika’y sunod-sunoran na parang aso. Matuto ka namang manindigan para sa sarili at ipinaglalaban mo. Hindi habambuhay magpapakalunod ka sa ulan. Titila din ‘to pati mga luha mo. Hindi habambuhay tingin mo sa sarili mo’y walang kuwenta.  Tandaan mo, walang bagay na walang kuwenta kung marunong kang magpahalaga. Hindi habambuhay ay puro pagsasakripisyo. Para kanino? Sa mga maling tao? Matuto ka namang rumespeto sa sarili mo. Mahalin mo ‘to. Alagaan. ‘to na nga lang kasa-kasama mo sa araw-araw, pababayaan mo pa? Maawa ka naman. Hindi habambuhay kapalaran ay sasang-ayon sa’yo. Sa “oo at hindi”, sa “hindi” ay talagang hindi ka mapapangiti at itatanong mo na naman sa sarili mo kung saan ka nagkamali?

Paulit-ulit. Walang katapusang katanungan. Pero hindi habambuhay eksena ay ganyan.

Dahil ang buhay ay maiksi. Napakaiksi. Hindi dapat sinasayang sa mga bagay na walang kabuluhan.

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/. https://www.facebook.com/indayluwag/. IG:indayluwag420