Hindi Ako Pilipino, Pero ang Lahi Ko’y Alipin Din sa Gitnang Silangan

(Photo credit: 21st-century-christianity.com)
(Photo credit:  21st-century-christianity.com)
(Photo credit: 21st-century-christianity.com)

Babaaaaaaa! Gummm, Babaaaa!”

Ako si Omar, isang Lebanese.   9 years old pa lang ako nang mamatay si Ama ko.  Binaril si Tatay ng mga rebeldeng armado sa bansa namin; ilang taon na digmaan sa parehong lahi na hindi magkasundo sa paniniwala at relihiyon.  Kaya naging ulila kami sa murang edad.  Lima kaming magkakapatid at ako ang panganay.  Mag-isa kaming tinaguyod na buhayin ni Ina. Isang ina na kahit ang pagsulat ng kanyang pangalan ay ‘di n’ya alam.

Oo, no read, no write ang aking ina; ‘di n’ya naranasan ang makapasok sa paaralan.  Pero, ganun pa man, minahal kami bilang mga anak n’ya, ngunit, isang maling paniniwala niya ay yung hindi mahalaga ang edukasyon para sa kanya! Kaya pagbabanat ng buto ang ikinintal n’ya sa utak namin nang sa gayun may laman ang kaldero sa kusina ni Nanay.

Sa edad kong sampung taon, naging karpintero ako at tauhan ni Lolo.   Pag ‘di ako kumilos, kahit isang Lira (pera sa Lebanon) ay wala akong matatanggap sa palad ko.

Lumaki ako na paghahanapbuhay ang namulatan ko.  Pasok sa paaralan sa umaga at karpentero naman sa gabi.  Samantala, ang iba kong mga kapatid ay nasa pagawaan naman ng mga damit. At dahil nasa bundok nga kami nakatira malayo sa sentro ng Bierut, kaya mundo ko ay malayo sa mga sibilisasyon. Kahit minsan ay hindi kami dinala ni Nanaydoon  dahil isang ignorante ang aking ina.   Kahit sa pera ay hirap siya sa pagbilang.

Si Inay ay walang pinag-aralan, ngunit kahit papaano ay nakatapos din kami ng high school.  Pero, hanggang doon na lang dahil kailangan ko nang kumayod.  Minsan napag-isip-isip ko, kung buhay lang sana si Ama, siguro hindi ito ang buhay namin.   Kaso, maaga s’yang kinuha ni Bathala sa amin. Pawang mga alaala na lang ang naiwan kaya ito ako, sa batang kaisipan ay TRABAHO na ang nakatatak sa puso at diwa ko.

Taon ay nagdaan; naging matured na ang hitsura ko. Matured sa pagtatrabaho sa bansang bomba ay nagliliparan minsan.   Karpintero, naglalako ng gulay at kung anu-ano pa para kumita ng dolyar o lira. Nakalimutan ko na ang sarili kong kaligayahan; ang magkagusto o umibig sa isang babae.

Bakit?   Dahil nanaig ang takot ko na baka hindi ko maibigay ang luho o buhay na nakasanayan nila.  Dahil ako ay isang mahirap na karpintero lang.

Sa bawat paglaglag ng kalendaryo, edad ko ay hindi umatras kundi pasulong lang hanggang sa ang edad ko ay wala na sa kalendaryo.  Sinubukan kong manligaw at magmahal, pero hindi ko nakita ang babae na hinahanap ko;  ang eba na handang umunawa sa akin at kayang mabuhay sa mundo ko.   Hindi ko napansin ang pagputi ng buhok ko.

Saktong 43 years old na ako nang kusang tumibok ang puso ko,  sa babae na kay laki ng agwat sa aking edad.  Sa paningin ng iba ay parang anak ko na.  Ngunit, ang pag-ibig ay hindi sinusukat o binabatayan ang agwat ng edad.  Ang mahalaga ay ang wagas na pagmamahal na nadarama para sa taong pinag-ukulan mo ng pag-ibig.

August 15, 2009 binigay ko ang isang ‘di malilimutang kasalan sa babaeng hinarap ko sa dambana.  Dama ko na walang pag-ibig sa puso n’ya, ngunit umasa ako na balang araw ay matututunan din n’ya akong mahalin.

Sa unang pagkakataon, naranasan ko ang makadama ng ibang sigla sa buhay ko; sa edad na 43 ay naging mister ako!

Ngayon, nandito ako sa bansang Qatar kasama ang aking pamilya.

Sino ba ang mag-aakala na ang batang yagit sa Lebanon at dating karpentero ay isa nang may-ari ng CONSTRUCTION COMPANY!  Na sa kabila ng kakulangan ko sa edukasyon ay puwedeng makipagsabayan ang utak ko sa magagaling na mga inhinyero?  Sayang nga lang at ang pangarap kong kurso ay hindi nabigyan ng katuparan.

Parang kailan lang, ang dating tauhan na bata ni Lolo ko ay eto, isang amo na!  Parang kailan lang na ang batang ulila ay nagbabanat ng buto, at ito mas dinoble ang sikap para mapaunlad ang sariling kompanya ko.  Dahil sa sariling sikap, determinasyon at dedikasyon sa trabaho, isang tagumpay ang natamo ko sa buhay.  Ngayon, hindi na mararanasan ng aking anak ang buhay na naranasan ko noon.  Habang malakas pa ako, patuloy pa rin akong magsisikap para sa kinabukasan ng pamilya ko.

Lebanese ako! Pilipino ka! Magkaiba man ang lahi natin, ang bawat pagsasakripisyo ay pare-pareho lang; walang pinag-iba upang tayo ay mabuhay dito sa mundo. Ang bawat daloy ng pakikipagsapalaran ay  dalawang landas na tatahakin natin — ang KABIGUAN AT TAGUMPAY.

Ang bawat tinik at sugat ng nakaraan ay magsisilbing gabay upang maging matatag sa bawat hamon ng pakikibaka dito sa bansa nila; kung saan katulad din ninyong mga Pilipino,  ang lahi ko  ay ALIPIN  rin dito saA GITNANG SILANGAN.   Iniwan namin ang aming bansa para sa isang mas magandang bukas sa pamilya ko.

Note: Kung nabasa ninyo ang kuwento na “ANG LOVE NI TANDA,” isang karangalan sa akin ang maisulat ang buhay ni Sir, ang mister ni Madam A.  Saludo ako sa kabaitan ninyo:)

About jovelyn

Im not a good writer but i love to 🙂 Masaya din, Malungkot din (Karanasan ng OFW) this is my first book under my name as a writer and Sindi Ng Lampara OFW stories book with Raquel D. Padilla and DFBI writers, columnist in Pilipino Star Ngayon Middle East [email protected] Super kulit at kalog..proud bisdak at tamad na masipag na yaya:)