“Help! I Need Health Info and Advice” – OFW

Photo credit: Woman's Day

Liham mula sa isang OFW na natatakot na sa mga nararamdaman niya.

Dear MJ,

Magandang umaga po.

Nais ko lamang pong magtanong ng tungkol sa mga nararamdaman ko. Ako po ay narito ngayon sa abroad. Masama po ang ugali ng amo ko, ngunit nagtitiis na lang ako. Eight months to go ay uuwi na rin ako.

Ang problema ko po’y ang aking kalusugan. Madalas na po ang pananakit ng aking sikmura at humahapdi po. Madalas na rin akong nilalagnat. Isa pa po’y palagi akong may singaw sa bibig at sa minsan po’y pati sa maselang bagay ng aking katawan.

Nag-aalala po ako kung ano na nga ba ito. Ayaw kong magpa-check up dahil pera ko naman ang magagamit. Hindi po sasagutin ng amo ko ang aking pagpapatingin sa doktor o hospital.

Need Advice,
Miss E

Photo credit: Certo Clear

– – – –

Dear Miss E,

Ako rin, nag-aalala na sa iyo! Hindi ako doctor, pero sa tanda kong ito at sa karanasan ko sa mga anak at kapamilya ko, plus ‘yung kaadikan ko sa pagbabasa ng mga medical books, blogs at health tips (as inspired by Ernie Baron, The Walking encyclopedia noon at ngayon mula kay Dr Willie Ong)… naku… hindi simple matter ang mga idinaraing mong ‘yan. Kumusta rin ang pag-ihi mo, ang pagdumi; siyempre, ang mga vital signs ukol sa kalusugan ay diyan rin makikita bukod sa BP, pulse rate at iba pa.

Anak, sa katayuan mo bilang OFW na nagtitipid at umiiwas sa gastos, naiintindihan ko ang pagpipigil mong magpatingin. PERO, hindi makabubuti sa iyo na patagalin pa ang mga nangyayaring iyan.

Aanhin mo ang iuuwi mong pera kung hindi ka na halos makakain ngayon dahil sa mga singaw mo (na maaaring canker sores) at panghahapdi ng sikmura (na maaaring ulcer na)… o makalakad pauwi after eight months, ‘di ba? NGAYON mo kailangan ang treatment, habang kaya mo pang kumilos; habang maaga-aga pa (amen); habang may pag-asa pang mapabuti ng mga gamot o treatment ang iyong mga dinaramdam na iyan. Hindi rin kasi maganda iyang lagi kang nilalagnat. Sa pagkakaalam ko ay indicator ‘yan ng maselang karamdaman.

Isipin mo: Mas madaling tagpian ang maliit na butas sa damit, ngunit ang warak-warak nang damit ay hindi na madaling isalba upang mapakinabangan pa rin.

Kung may pamilya at mga anak kang uuwian, mas nanaisin nilang umuwi ka nang malusog at maganda sa kabila ng iyong mabigat na trabaho diyan sa abroad. Mawawalan ng saysay ang iyong mga pasalubong at pinaghirapang pera kung may sakit kang uuwi; baka ma-guilty pa sila na tinipid mo ang iyong sarili upang maibili ang mga materyal na bagay na makapagpapasaya sa kanila. Keri mo ba ‘yun?

Mas mahalaga ang buhay at pamilya, anak. Magpatingin ka na sa lalong madaling panahon. Magdasal ka sa ating Ama na gabayan ka sa pakikipag-usap sa iyong amo ukol sa kalagayan ng iyong kalusugan. Masama man ang ugali ng amo mo, ayon sa iyong kuwento, isipin mo at ipanalangin na kahit papaano ay mahipo mo ang mabuting bahagi ng kanyang pagkatao. Ang masama ang ugali ay iba pa sa salbahe. Ang salbahe ay nananakit. (Wala namang tao na 100% bad! Give her the benefit of the doubt naman, sabay pray over!)

Besides, baka ang mga nararamdaman mo ang magpamulat sa kanya na kailangan ka niyang tingnan bilang TAO na nagkakasakit rin. Be positive. Paulit-ulit mong isipin, i-visualize na mga positibo ang mangyayari. The Law of Attraction. Positive begets positive.

For the meantime, siguraduhin mong hindi nawawalan ng pagkain ang sikmura mo (huwag lang mag-heavy meal sa isang bagsakan). Kahit tinapay, biskuwit na isawsaw sa gatas o kape, at least every 2 hours. Baka may gamot ang amo mo sa singaw, pang first aid mo muna; antiseptic creams, lozenges at mouthwashes para mabawasan ang pain na dulot ng singaw.

Photo Credit: Orajel

Kung wala, bumili ka sa pharmacy; pang-over the counter naman ang mga iyan. Pero huwag na huwag kang magse-self-prescribe ng mga antibiotics o kung anu-anong gamot na iniinom para lang makatipid sa doctor. It could do more harm than good.

PERO PERO PERO…… ang pinakamahalaga sa NGAYON, magpa-check up ka na ha. You matter more than money, anak.

Photo credit: Kindness Blog

***

Jesus turned, and seeing her he said, “Take heart, daughter; your faith has made you well.” And instantly the woman was made well. (Matthew 9:22)

About Mommyjoyce

Isang simpleng nanay na adik magbasa, adik magsulat at adik sa anak! Idol ko si Mother Theresa, kaboses ako dati ni Ate Shawie Cuneta (joke); maawain sa mga madudungis, siga sa mga taong nang-aapi, at lifecoach sa mga kabataan at mga magulang na walang ibang makausap, Ang simpleng motto ko in life: Cherish everyday (not just because it could be my last); kundi kasi, bukas iba na naman ang flavor ng buhay! Kaya namnaming maigi!