Heaven’s Souvenir

Child and Sky (Photo Credit: howstuffworks)
Child and Sky (Photo Credit: howstuffworks)
Child and Sky (Photo Credit: howstuffworks)

Dito ko napagtanto na ang pamilya ay hindi lang pala basta binubuo ng nanay, tatay, at mga anak. Matatawag mo rin palang “pamilya” ang kahit sinong taong nariyan at handang mangalaga. Ang mga taong nagbibigay ng tunay na pagmamahal at kalinga.

Ako si Andres. “Doydoy” na lamang ang itawag ninyo sa akin. Sa ganitong pangalan na kasi ako nakilala dito sa bahay ampunan. Labing limang taong gulang na ako. Oo, tama ang pagkakabasa ninyo, nasa bahay ampunan nga ako, isang ulila.

Kung ang tingin ng iba sa mga batang nasa bahay ampunan ay nakaaawa, iba rito. Dito ko kasi nakita ang pangalawang tahanan ko, ang tahanan kung saan ako nahubog ng husto.

May iku-kuwento sana ako, bakit? Kasi mamaya-maya aalis na ako, may susundo sa akin. Isang bagong buhay ang kahaharapin ko. Ngunit bago ang lahat eh, nais ko munang maibuhos ang lahat ng ala-ala ng nakaraan ko sa babasa nito. Upang magaan ang loob kong haharapin ang panibagong bukas. Upang handa muli akong isulat ang susunod na magiging kabanata ng buhay ko na may ngiti, at walang iniisip.

Hayaan ninyong ikuwento ko ang buhay ko dati.

Palagi akong may pasalubong tuwing uuwi si Tatay noon galing trabaho; kung hindi laruan ay pagkain. Kahit ano lang na madaanan niya sa daan tuwing gabi. Security Guard kasi ang trabaho niya noon. Mami, balot, chicharon, iba’t ibang klase ng tinapay… atbp. Tuwang-tuwa naman ako pati na rin si Nanay. Lagi akong excited at hinihintay ang pag-uwi niya. Pagkatapos, kapag matutulog na kami ay ku-kuwentuhan niya ako. Tungkol sa mga hayop na nakapagsasalita, puro nakatatawa. Malawak talaga ang imahinasyon ni Tatay, kaya naman bilang bata noon eh manghang mangha ako sa mga sinasabi niya. Ganoon kaming tatlo, nakukuwentuhan, nagtatawanan, hanggang sa sabay-sabay na pipikit ang mata at makatutulog.

Hanggang sa isang araw, hindi ko maintindihan noon kung bakit. Basta palagi ko na lamang nakikita si tatay sa tahanan namin. Naka-upo, nakayuko habang sapo-sapo ang noo. Hinihintay ko ang muli niyang pag-alis upang matuwa muli ako sa pasalubong na iuuwi niya. Ngunit, bigo ako. Natatandaan ko pa nga noon (dahil siguro sa kabataan), hindi ko napigilan ang sariling magtanong:

“Tatay, kailan ka ulit aalis? Kasi sa sunod ang gusto kong pasalubong, yung kotse na may remote tapos umiilaw. Nakita ko kasi sa kaklase ko marami siyang ganun.”

Ngunit tumayo lamang siya at tinalikuran ako. Saka pumunta sa kusina, hanggang sa nakarinig na lamang ako ng isang malakas na sigaw at pagbabasag. Patakbong lumapit sa akin noon si Nanay na noon ay tinatapos ang labahan ng aming kapitbahay. Pinagsabihan si Tatay saka humarap sa akin, at sinabing, “Doon ka muna sa mga kaibigan mo sa kabila ah, usap lang kami ni Tatay.” Hindi nga pala nila pinaririnig at pinakikita ang pagtatalo nila sa akin dati.

Hindi ko alam ang eksaktong dahilan ng pagkawala ni Tatay ng trabaho. Ngunit ang balita na kumalat eh, pinagnakawan daw niya yung boss nila ng malaking halaga. Ang sabi naman ni Nanay eh, pabayaan ko na lang daw yung mga naririnig ko. Mabuting tao si Tatay, at alam ko naman daw iyon. Oo, kahit bata pa lamang ako noon eh, alam ko iyon.

Ngunit simula noon, sobrang laki na ang pinagbago ni Tatay. Yung kamay niyang dati rati ay yumayakap sa aming mag-ina niya, ay siya na ring sumasampal, nananabunot, at pumipingot ng tainga namin. Yung dating mahinang boses na nagpapangaral sa akin, kumakanta hanggang sa makatulog ako, yung boses na nagku-kuwento sa akin tuwing gabi, ay siya na ring boses na sumisigaw at nagsasabi ng masasakit na salita sa aming dalawa. Yung pera na dati’y ginagamit niya upang ipambili ng pagkain o laruan pampasalubong, ay siya ring ginagamit upang ipambili ng alak at sigarilyo niya. Yung higaan na dati’y simbolo ng pagmamahalan at tuwa, ngayo’y nag-amoy usok at suka na.

Dalawang buwan ang lumipas. Ika-anim na kaarawan ko iyon kaya’t tandang tanda ko pa. Tahimik ang aming tahanan, madilim,malinis ang lamesa, wala akong kahit anong handa. Si Nanay ay naglalabada sa aming kapit-bahay kahit pa-hapon na. Si Tatay, hindi na naman mahagilap. Malungkot ako noon, humihikbi, sabi kasi ni Nanay magluluto raw siya ng pansit ngunit pagabi na ay wala pa rin. Nagtatampo ako noon nang biglang pumasok si Tatay at lasing na lasing. Pinunasan ko ang luha ko, saka naupo sa tabi habang tinititigan siya, nakikiramdam, nagmamasid.

Pinakuha niya ako ng tubig na inumin, hayun naman ako at nagmamadali. Ngunit dahil sa liit ng kamay ko noon at pati na rin sa tangkad ko hindi ko nakuhang maayos ang baso. Kaya naman bumagsak ito at nabasag, ito ang lubusang ikinagalit ni Tatay. Nanginginig ako sa takot nang papalapit na siya sa akin, nandidilat ang mga mata niya, namumula siya, nagsasalita na sa sobrang kalasingan ay hindi ko maintindihan. Basta malakas ang boses niya at mukhang galit na galit. Sobrang lakas ng kaba sa dibdib ko, napayuko na lamang nang makita kong binuhat niya yung plastic na upuan at umaaktong ihahampas iyon sa akin, nang pumasok si Nanay. “Naaay!” sigaw ko habang tumatakbo sa kaniya, at nanginginig pa rin.

Nagkasagutan silang dalawa, pinagagalitan ni Nanay si Tatay sa ginawa niya sa akin. Hindi rin naman nagpapatalo si Tatay, umiiyak na ako. Hindi ko na alam ang gagawin, gusto ko ng tahimik na tahanan. Paulit-ulit na lamang akong sumisigaw ng “Nanay!! Tatay!! Tama na po!!!” Habang humahagulhol. Paulit-ulit din naman sinasabi ni Nanay na “Shhh.. shhh.. huwag kang maingay…” sabay haharap na naman kay Tatay upang magpabugbog muli at walang katapusan na magsisigaw.

Hindi ko na alam ang gagawin ko noon, naaawa na ako kay Nanay. Gusto ko nang patigilin si Tatay, kaya naman pumapagitna ako sa kanilang dalawa. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko noon na kahit sa liit ng katawan ko ay ang tapang ko para humarang. Ngunit baliwala rin pala kaya naitulak ako noon ni Tatay, at sa liit ko nga ay humampas ang katawan ko sa pader at namilipit sa sakit. Napasigaw si Nanay, tandang-tanda ko pa. Saka siya tumakbo nang papalapit sa akin, kitang-kita ko ang mga mata niya, mangiyak-ngiyak sa pag-aalala pati mga kamay niya ay nanginginig na.

“Saan ang masakit?” paulit-ulit na tanong niya.

Humarap siyang muli kay Tatay saka sumigaw habang tumutulo ang luha, wala na akong magawa. Pinipillit kong bumangon, ngunit hindi kaya ng maliit kong katawan. Naasar yata si Tatay kaya’t nabuhat niya yung maliit na T.V namin at umaaktong ibabato kay Nanay.

“Tataaaaay!!!!” napasigaw ako.

“Sige! Sige, Ituloy mo! Ibato mo iyan sa akin nang matapos na ‘to!”

Nagmistulang maliit na impiyerno ang aming tahanan nang marinig ko iyon. Tumulo ang aking luha. Napatigil si Tatay na tila nagulat din, ngunit sakto rin sa pagtigil niyang iyon ay bigla na lamang nanigas si Nanay.

Inatake siya; sumisigaw ako.  Wala akong magawa. Tumakbo si Tatay palabas.  Akala ko ay hihingi siya ng tulong, ngunit hindi na siya bumalik. Pumasok ang mga kapitbahay namin. Tumutulo lang ang luha ko, nakatulala. Nakatingin sa nagkakagulong kapitbahay namin habang binubuhat si Nanay. Manhid ang buong katawan ko.

October 14, 2004 – Unang araw ko sa bahay ampunan. “Little Heaven Orphanage” o “Heaven” sa tawag ng iba. Tulala, yan ang una kong reaksyon. Ano nga naman ba ang ine-expect mo sa isang anim na taong gulang na bata? Maraming nakikipagkaibigan sa sa akin, ngunit hindi ko sila pansin. Lagi akong nakakulong sa kuwarto noon. Laging binabangungot, laging umiiyak. Hindi ko na ramdam ang yakap ni Tatay at Nanay, wala na sila pareho. Wala nang nagmamahal sa akin.

Isang taon ang lumipas. Pitong taon na ako noon. Ngunit hindi ko pa rin maiwasan na hindi maiyak tuwing naaalala ko ang nakaraan, at ang nangyari sa aking pamilya.

Hanggang isang araw, umiiyak ako sa loob ng kuwarto, pinuntahan ako ng isang hindi katandaan na babae, halos kasing edad lang ata siya ni Nanay noon. Si Ma’am Riza.

Pinakuwento niya sa akin ang nakaraan ko, tumutulo ang aking mga luha, humahagulhol na ako, hindi ko iyon mapigilan. Ngunit mas lalo akong napaiyak nang ibigay niya sa akin ang litrato naming pamilya. Nakakandong ako kay Nanay, si Tatay naman ay nasa likuran naming dalawa, nakangiti kaming tatlo. Larawan ang kasiyahan sa aming mga mukha. Saka niya sa akin ibinalita na natagpuan na si Tatay, sa isang maliit na bahay malapit sa aming tahanan noon. Katabi ang mga bote ng alak, nakahandusay sa sahig, katabi ang isang bag na puno ng pera at hawak ang litratong ito nang mahigpit.

Gusto ko noon magwala, ngunit kulang ang palo sa pader, kulang ang mga luhang dumadaloy sa mga mata upang mabawasan ang sakit. Ngunit isa lang ginawa ni Ma’am Riza. Hinawakan niya ang mga kamay ko, saka niyakap nang mahigpit habang sinasabing “naiintindihan kita, sige, iiyak mo lang”. Hindi ko alam ang kapangyarihan ng yakap niyang iyon, ngunit bahagyang gumaan ang loob ko, pakiramdam ko ay may katuwang na ako sa mabigat na dalahin ko na ito.

Simula noon, palagi niya na akong kausap, ngumingiti na rin ako. Sa kaniya ako nagkukuwento kapag umaatake ang lungkot. Pasko noon, nang una akong makisama sa kasiyahan ng mga kapatid ko dito sa loob. Tandang-tanda ko iyon dahil marami akong natanggap na regalo.  Sabi nila ay padala raw iyon mula sa iba’t ibang pamiya na sumusoporta sa bahay ampunan. Mga  laruan, mga damit, at kung anu-ano pa. Tuwang-tuwa ako, iyon ang unang beses na ngumiti ako ng tunay mula nang mapasok ako doon.

Marami din akong nakilala dito. Si Ma’am Nadia na palaging nasa kusina, si Ma’am Che-che na nagtuturo sa aming magtanim, Si Ma’am Lea na palaging naglilinis ng bawat kuwarto, at si Sir Harold, ang tagabantay ng bahay ampunan na ito. Mayroon din akong nakilalang mga matatalik na kaibigan. Si Bem-bem na malakas tumawa, si Jerry na palagi kong kasama sa kulitan, at si Gigi na iyakin. Marami pa ngunit sila ang may espesyal na puwang sa puso ko.

Dito ko natutunan kung papaanong magbasa at sumulat ng pangalan ko. Dito ko rin nalaman na marunong pala akong kumanta, hindi lang marunong, magaling pa sabi nila. Dito ko rin natuklasan ang talento ko sa pagguhit, ako ang nagpinta ng disenyo ng aming kusina. Isang pamilya buo, at sama-samang kumakain. Dito ko nalaman na marami pala akong kapatid, marami pala akong Nanay, marami pala akong Tatay. Dito ko unti-unting nakalimutan ang nakaraan.

Dito ko napagtanto na ang pamilya ay hindi lang pala basta binubuo ng nanay, tatay, at mga anak. Matatawag mo rin palang “pamilya” ang kahit sinong taong nariyan at handang mangalaga. Ang mga taong nagbibigay ng tunay na pagmamahal at kalinga.

Ayan, nagulat ako. Tumunog na yung doorbell, sigurado nang sila yan. Hindi ba sabi ko kanina ay may susundo sa akin? Sila na nga pala ang mga bago kong magiging magulang. Palagi na sila noong pumupunta rito eh, Si Tita Josephine at Tito Henry (Ay, kailangan ko na nga pala sanayin ang sarili kong tawagin silang Mama at Papa). Wala akong masasabi sa kanila dahil sobrang bait nilang dalawa sa akin. Matagal na rin silang sumusuporta dito sa bahay ampunan dahil hindi sila magka-anak. Huwag kayong mag-alala, alam kong magiging maayos ang kalagayan ko sa kanila.

Hayun at tinatawag na nila ako. Hindi na ako magtatagal ah. Sa ngayon eh, bibitbitin yung mga gamit ko na puno ng mga bigay na gamit mula sa mga magulang at kapatid ko rito. Mga damit, laruan at mga sulat. Bubuksan ko iyon pagdating sa bago kong tahanan. Talagang nasasabik na ako. ^_^

Higit pa sa mga gamit na iyon eh, babaunin ko rin ang kanilang pagmamahal at pagdarasal sa pagharap ko ng panibagong buhay.

Tama na nga, pupunasan ko na yung luha ko, kailangang nakangiti ko silang salubungin at hindi ganito. Salamat sa pagbabasa ah, mabuti nariyan ka at nagtiyaga. Ngayon nga ay masasabi ko nang handa na ako para sa susunod kong kabanata.

Nagmamahal,

Doydoy.

P.S. Marahil ay isa ka rin sa mga patuloy na sumusuporta sa mga tulad ko, natutuwa ako at kahit papano’y naging bahagi ka ng pamilya ko. Ipagpatuloy mo lang, hindi man kita kilalang personal eh, ipagdarasal ko ang biyaya na bumalik sa iyo. Ipagdasal mo rin sana ako.

About anne

Isang taong sa pagsusulat lamang naibabaling ang hindi lubusang masabi ng bibig. Seryoso ngunit madalas ay bata-isip. Hindi nag-aral ng pormal sa pagsusulat, hinahayaang ang puso at isip ang magtakda ng bawat titik.