Hatid (A True Story)

Father and Son (Photo Credit: experiencethecowboytrail)

Unang kita ko sa kanya, akala ko may transaksyon lang sa opisina ng simbahan: magpapabinyag, magpapakasal, blessing ng sasakyan, bahay o patay, pero ang tagal na niya roon, nakailang labas-pasok na nga ako sa kumbento. Napansin ko lang na may kakaiba sa kanya nang nagsimula na siyang humakbang; mabagal at halatang nahihirapan. Ilang araw siyang nagpapabalik-balik sa kumbento, nang maaktuhan ko siyang minamasahe ang pari namin. May dala siyang hugis dolphin na pangmasahe na de kuryente. Sabi ni Father, mahusay raw.

Kinalaunan, nalaman kong isa pala siya sa mga pinahiran ni Father ng langis. Ibig sabihin, may malubhang sakit ang lalaki na nakilala ko sa pangalang Guiller. Malapit lang sa simbahan ang bahay niya pero dahil siguro sa kanyang pagiging bedridden sa mahabang panahon ay noon ko lamang siya nakita sa mahigit isang taon namin sa parokya.

Diabetes ang sakit ni Kuya Guiller. Hindi na nga raw nakalalakad noon, pero matapos itong mapahiran ng langis, makapangumpisal, at maipanalangin, ay bumuti ang lagay. Nakapaglakad nga muli, at nakalahok sa ilang pagdiriwang sa simbahan. Araw araw na siyang nagsisimba noon. Paminsan-minsan, nakikitaan ko pa rin ng hirap sa paglalakad pero nagsisikap. Pangalawang buhay na raw niya iyon.

Minsan, kahit walang dapat masahehin sa kumbento ay naroon siyang nakatambay, pinanonood ang mga kabataan. Noon ngang luminsad ang buto sa balikat ng isang sakristan dahil sa epekto ng gamot na iniinom nito para sa sakit niyang epilepsy, siya rin ang nagmasahe at naibalik nang maayos sa dati.

Kakuwento-kuwentuhan namin siya lagi. Madaldal siya. Nabanggit nga niya na minsan daw, dahil sa isang aksidente ay lumuwa ang isang mata niya. Nakalabas daw talaga at sapo-sapo niya lamang ito ng palad. Nagkusa siyang pumunta sa ospital at marami ang napapasigaw sa takot sa tuwing tatanggalin niya ang palad na nakatakip dito. Binendahan lamang daw ito, niresetahan ng kung anong gamot pero hindi naman daw talaga siya ginagamot. At nang tanggalin niya raw isang araw ang benda ay nakapagtatakang nakabalik na ito sa dati. Iyon ay dahil daw kay Niño. Oo, deboto siya ni Sto. Niño noon pa.

Sabi naman ng ilan, patungkol sa kanyang kuwento, ay hindi raw iyon totoo. Usap-usapan na minsan daw ay gumamit ng ipinagbabawal na gamot si Kuya, kaya kung ano-ano ang sinasabi. Marahil daw, ang isa sa mga dahilan ng kanyang pagkakasakit ay ang pag-abuso nito sa sarili noon.

Maganda raw ang takbo ng negosyo ni Kuya Guiller dati. May pagupitan at masahe siya. Hindi ko na alam ang kuwento sa bahaging iyon. Basta ang alam ko, bading si Kuya Guiller at may isa siyang anak na nasa Batangas. Siya lamang ang naninirahan dito sa Cavite, at noong nagkasakit siya, hindi niya ipinaalam ang sitwasyon niya sa anak, sa asawa at sa kung sinong kapamilya. Hindi ko rin alam ang malalim na dahilan kung bakit niya hinayaan iyon.

Nakilala siya at naging kaibigan ng mga naglilingkod sa simbahan. At dahil nauunawaan namin ang sitwasyon niya, tinulungan din siya ni Father sa pagpapagamot. Nabilhan siya ng mga kailangang gamot sa araw-araw. Naging mas maayos ang lagay niya, kaya mas napadalas ang pagpunta niya sa kumbemto, doon na rin namin siya pinakakain dahil alam naman naming hindi na niya kayang maghanap-buhay para sa sarili.

Nakakakuwentuhan ko siya lagi. Minsan, pinanood ko pa nga sa kanya ang ilang pagtatanghal ng mga paborito kong spoken poet na sina Juan Miguel Severo, Brian Vee at iba pa. Naaliw siya noon. Nagkusa siyang hawakan ang braso ko para may kapain, nanghina ako sa katatawa nang may pindutin siya sa may siko ko na siyang nagpagalaw bigla sa aking hinlalato.

Iyon ang huli naming pag-uusap at pagtatawanang dalawa, dahil ilang araw lang, inihatid siya muli sa kumbento na nahihirapang huminga. May Misa nang mga sandaling iyon kaya hindi siya agad naasikaso, pero pagkatapos-tapos ng Pagdiriwang ay ipinahatid siya agad ni Father sa ospital. Wala na akong naging balita sa mga nangyari sa ospital dahil naiwan ako sa kumbento, pero pansin ko ang paghihirap niya nang umagang iyon, ayaw ko siyang titigan. Kinahapunan, sinabi sa akin ng isang katekista na hindi na raw nagpa-function ang mga organs niya kaya kailangang ma-dialysis agad-agad, pero wala kaming handang pera para rito nang gabing iyon, at iiiskedyul pa raw ito kaya iniuwi na lamang muna si Kuya Guiller.

Mga ilang oras matapos kong marinig ang balitang iyon, may kumatok sa kumbento. Binuksan ko. Madilim na. Nakita ko ang nakahintong sasakyan sa labas at mga taong tila ba taranta. Ang agad na sabi ng isa sa kanila: nagpahatid daw si Kuya Guiller sa simbahan.

Nagpatuloy sa pagkukuwento ang lalaki: may tatlong bata raw na naglalakad nang mapasilip sa bahay ni Kuya Guiller, humihingi ito ng tulong, nagpapahatid daw ulit sa simbahan. Agad daw na tumakbo ang mga bata upang humingi ng tulong. Nakarating sa barangay at ang sasakyan ng barangay ang nagdala kay Kuya Guiller sa simbahan.

Nagmamadali ang nagkukuwento. Basta ang gusto niya ay maibaba na ng sasakyan si Kuya Guiller, pero nahihirapan sila dahil mabigat. Tinawag ako. Tinawag si Kuya Bong. Tinawag si Father. Tinawag lahat ng lalaki sa amin pero hindi ako kumibo. Natakot ako bigla, lalo na nang silipin siya ng katekista sa loob ng sasakyan. Parang iba na raw. Kinilabutan ako. Ayaw kong lumapit. Takot akong humawak sa patay kung totoo ngang ganoon na. Nabuhat si Kuya Guiller. Iniupo sa upuan sa gilid ng kalye. Ang sabi kasi nila: wala na raw pintig ang pulso. Napamadali tuloy ako sa pagkuha ng pam-BP sa kuwarto. Pagkabukas ko ng pinto, gumapang ang amoy ng nasusunog na kandila. Luminga ako sa paligid, walang anumang nakasinding maaaring umamoy. Pagkadampot ko sa pam-BP, kumaripas ako ng takbo palabas.

Ako lang ang marunong mag-BP sa lahat ng naroroon. Ayaw ko pa sana, pero wala naman akong magagawa. Unang beses kong humawak ng patay. Paulit-ulit na nagbasa ang Sphygmomanometer, at wala na itong masabi ni gaano man kataas o kababa. Wala na nga si Kuya Guiller.

Ipinapasok ni Father si Kuya Guiller sa kumbento. Nag-ayos siya ng mahihigaan nito. Kumuha ng folding bed, kumot, unan at sapin. Nang maiayos na si Kuya Guiller ng puwesto, dinasalan siya ni Father at tinulungang maipikit nang maayos ang mga mata.

Hindi namin alam ang gagawin. Kung paano ba aasikasuhin ang pagkuha ng punerarya, mabuti na lamang at may ilang maalam na mga lingkod-simbahan. Bukod sa problemang ito, hindi rin namin alam kung paano hahanapin ang kanyang mga kamag-anak. Basta ang alam ng mga naroon ay nasa Batangas. May mga pangalang iniwan si Kuya Guiller noong nasa ospital pa lamang siya, kaya doon kami nagsimula. Hinanap namin sa Facebook ang pangalan ng kanyang pamangkin, asawa at anak. Buong gabi namin silang kinokontak pero walang tugon.

Nang makita ko ang Facebook account ng anak niya, pinadalhan ko agad ito ng mensahe, subalit ilang araw na pala itong hindi nagbubukas ng kanyang account. Kaya ang mga kaibigan niya sa FB ang pinadalhan ko ng mensahe. Silang sa tingin ko’y agad na makapaghahatid ng balita tungkol sa kanyang ama na ang totoo pala’y matagal na niyang hindi nakikita (usapang pamilya itong hindi ko na maaaring isiwalat dito).

May isang sumagot pero hindi n’ya raw kilala ang anak ni Kuya Guiller. Nabukasan na nang may nag-reply sa aking kaklase niya noong elementarya at nasa Maynila ito. Siya ang naghanap ng paraan para makontak namin ang bata. At nang nakausap na namin ito, para bang ang sarap-sarap magbalita ng tungkol sa isang amang matagal nawala at ngayo’y matatagpuan na niya. Pero ang sakit-sakit naman ng sitwasyon dahil hindi maligaya ang magiging muling paghaharap nila.

Hindi ko alam ang pakiramdam ng isang anak na naghahanap ng ama. Hindi ko rin alam ang mga tinitiis na dahilan ng isang ama para hindi balikan ang kanyang anak. Wala ako sa posisyon para humusga. Ang pinahahalagahan ko ay: kaibigan siyang dumating isang araw sa simbahan, at pamilya na siya nang lumisan.

Sa kabila ng mga nangyari, anupaman ang mga hindi magaganda sa kanyang nakaraan, natutuwa ako na may huling sandali si Kuya Guiller ng pagbabago, ng pagbabalik-loob, at ng paniniwala. Ang lagi niyang pagpapadala sa simbahan sa tuwing sasama ang pakiramdam ay patunay na sa Diyos niya gustong manahan.

Hindi nagtapos sa pagpanaw ni Kuya Guiller ang pagkakaibigang nabuo sa pagitan niya at ng mga tao rito sa simbahan, dahil naging ekstensyon ng magandang samahan ang pamilya niya. Minsan, nagugulat na lang kami: may hihintong dyip sa tapat ng kumbento, may ibababang mga tilapya, prutas at gulay para sa amin. Pakiramdam ko, si Kuya Guiller ang naghahatid.

6 Comments

  1. Hello, I think your website might be having browser compatibility issues.
    When I look at your blog site in Safari, it looks fine but when opening in Internet Explorer, it has some
    overlapping. I just wanted to give you a quick heads up!

    Other then that, awesome blog!

Leave a Reply

Your email address will not be published.