Hapdi ng Kahapon, Ligaya ng NGAYON……..

(Photo credit: Blindgossip)
(Photo credit: Blindgossip)

Kabit, immoral, mistress, kulasisi, malandi, mang-aagaw.  Yan ang karaniwang tawag sa mga babae/lalake na umibig sa may asawa.

Isa ako sa mga babaeng nakapangasawa ng lalakeng babaero.

Sa loob ng 13 years naming pagsasama, hindi na mabilang ang babaeng naging kabit ng asawa ko.

Taong 1995, nakapag TAIWAN ang asawa ko.  Ewan ko ba, pero immune na yata ako sa pambababae niya at sa pangakong hindi na siya mambabae.

  Two years old pa lang ang aming anak noong mga panahong yon.  Sa awa ng Diyos, lumipas ang 2 taon na wala akong naramdamang kakaiba (woman’s instinct) kaya sa halos 9 na taon naming paglilive-in ay napapayag niya akong magpakasal sa kanya.

Taong 1997 … nagbakasyon siya at kami’y nakasal sa huwes at muli siyang bumalik sa TAIWAN para tapusin ang last year contract niya. Lintek, pinakasalan ako para wala na akong kawala, dahil sa huling taon niya nag-umpisang muli ang kalbaryo ko.  May gf pala siyang naghihintay doon at nakaplano na sabay silang magfinish contract at uuwi dito sa Pinas.

1998, umuwi ang asawa ko, sa airport pa lang, iba na ang pakiramdam ko. Ibang tao na ang asawang sinundo ko nang araw na yon. Bagamat hindi niya inamin, noong una pa lang na nakita ko ang mga litrato sa kanyang wallet nang hindi sinasadya (hindi ko ugaling mangalkal ng wallet at personal na gamit niya) o sadyang gusto niyang makita ko.

Nang gabing komprontahin ko siya, nagsabi siya na ‘”KAHIT ILANG BABAE PA YAN, SA UNANG PUGAD PA RIN AKO UUWI”, at para manahimik daw ako, bigyan ko siya ng Jr. (isang lalaking panganay at isang babae ang anak namin that time). Sa kagustuhan ko na ‘wag masira ang aming pagsasama, pumayag ako at binigyan ko siya ng isang Jr na kamukha niya, pero kasabay noon ang bumulaga sa aking katotohanan na sa huling babae niya mula Taiwan hanggang dito sa Pinas ay nagpatuloy pa rin ang kanilang relasyon.

Kampante ako dahil lagi niyang sinasabi na ako ang LEGAL at ina ng mga anak niya. Pero ewan ko, sadya yatang minumulat ako ng Diyos.  Sa numerong nakuha ko sa telephone bill namin, sinubukan kong tawagan ang numerong iyon at doon bumulaga sa akin ang napakasakit na katotohanan.

BINATA AT WALANG ANAK; yon ang kanilang pagkakakilala sa asawa ko. Kung ako daw ang asawa, patunayan ko, sa udyok ng KARAPATAN ko at para sa mga anak ko, nakipagkita ako sa mga kamag-anak dala ko ang litrato naming mag-anak, pati yong nasa Taiwan pa siya at marriage contract namin pati birth certificate ng mga bata.

Yon ang pinakamasakit sa isang asawa; ang kailangan niyang patunayan sa kamag-anak ng KABIT na siya ang legal wife ….na buong akala ko ay  makatutulong sa akin para maisalba ang aking pamilya…..

Nagkamali ako, dahil pag-uwi ng asawa ko, ako pa ang inaway at sa harapan ko ay kanyang inaalo ang kabit niya na umiiyak sa telepono..  Hindi pa doon nagtapos, inaway ako hanggang sa magdesisyon muna akong umalis dahil hindi ko kayang lumaban sa harapan ng aking mga anak na nanonood at nag-iiyakan.

Dalawang araw kaming nagpalamig sa bahay ng ate ko.  Wala silang alam kung bakit dahil ang sabi ko lang dumalaw lang kami.(Ayaw kong ipaalam sa aking mga kapatid dahil basang-basa na ang papel at pagkakakilala nila sa aking asawa). Umuwi kami kinabukasan upang MULING MABULAGA, dahil nasa bahay namin ang KABIT at masaya silang kumakain sa MESA KO.

Pagkakita ng mga bata sa senaryong ganoon, inilabas ko ang mga anak ko at dinala sa tiyahin ng asawa ko at saka ako bumalik sa bahay namin.

Nang mga panahong yon, hindi ko alam kung paano ko nakayanan dahil nakikita na ng mata ko at nararamdaman ko ang sakit, pero ang puso ko, ayaw pa ring maniwala na asawa ko ang taong nasa bahay at kasama ang kabit niya!

Pagpasok ko sa bahay, agad akong hinarang at sinabihan ng asawa ko na huwag akong mag-eskandalo at pabayaan ko muna yong babae at uuwi din naman kinabukasan.

IMAGINE, MATUTULOG KAMI SA IISANG BAHAY!!!!!!

Kahit sinong matinong babae ay masisiraan ng loob sa narinig!!!!!!!

Pumasok ako sa kuwarto at sa harapan ng babae ay pinapili ko ang asawa ko habang hawak ko ang mga anak ko.  Buong kampante ko siyang tinanong.

“MAMILI KA; KAMI NG MGA ANAK MO O ANG BABAENG YAN?”

Ang sagot: “EH KUNG SABIHIN KONG SIYA? ME MAGAGAWA KA?”

Alam n’yo ba ang pakiramdam ng isang taong unti-unting nababasag ang mundo, o kandilang nauupos?

YON ANG PAKIRAMDAM NA HANGGANG NGAYON, AFTER 13 YEARS OF MY LIFE, kahit napatawad ko na sila, ang sakit ay DAMANG- DAMA KO PA RIN.

PASALAMAT NA LANG AKO SA DIYOS AT SA MGA ANAK KO NA SIYANG DAHILAN KUNG BAKIT BUHAY PA AKO AT MATATAG NA LUMALABAN SA HAMON AT MGA HAMON PANG DARATING.

Hanggang ngayon, sila pa rin ang magkasama, me limang anak na siya at ngayon ay may kabit at mga ‘di mabilang na babae. Ang kalbaryo, napasa sa kabit niya, na ngayon ay nararanasan at nararamdaman niya ang sakit na dinulot niya sa aming mag-iina……..

SA KABILA NG LAHAT NG ITO, HINDI KO PA RIN MAGAWANG MAGDIWANG SA PAGDURUSANG DINARANAS NG KABIT NG ASAWA KO…..

DAHIL kung iisipin ko, kung halimbawang hindi nangyari sa amin o hindi ko dinisisyonang iwan ang asawa ko, hanggang ngayon ay kalbaryo ang buhay ko.

HINDI KO MAGAWANG MAGALIT SA KABIT dahil sa isang banda, inako lang niya ang kalahati ng kalbaryong daranasin ko pa sana; pasakit na papasanin ko pa sana.

NGAYON, SA TOTOO LANG, IPINAGDARASAL KO PA SA POONG MAYKAPAL NA SANA MAKAYANAN PA NG KAYANG KABIT AT MAGING MATATAG PA SIYA PARA SA KANYANG MGA ANAK……..

PARA SA AMA ng aking mga anak: MAY MGA TAONG SADYANG MANHID O MAKAPAL NA LANG TALAGA ANG MUKHA, HINDI KO ALAM KUNG HANGGANG KAILAN KA MANINIRA NG BUHAY. NAWA’Y KAYANIN MO ANG KARMA NG PINAGGAGAGAWA MO SA KAPWA MO.

2 Comments

  1. buti at nagkaroon ka na ng lakss ng loob na iwan ang asawa mo, intindihin mo na lang ang mga anak mo.. hayaan mo na lang ang ganung klaseng lalaki, sana pagnapagud siya sa ganung gawi may mga tao pang handa siyang mahalin… god bless you

Leave a Reply

Your email address will not be published.