“Hangga’t May Natitirang Lakas, Mas Nanaisin Ko pa rin ang Manatili sa Abroad” (OFW story)

Image by lincerta via Pixabay

“Hangga’t may natitirang lakas, mas nanaisin ko pa rin ang manatili sa abroad,” pahayag ni Taylor sa akin.

Siya si Taylor, 56 taong gulang at 27 taon nang nakikibaka sa hamon ng buhay bilang OFW. Siya ang padre ng pamilya na minsang nabuway, dahil sa dagok ng paghihiwalay nilang mag-asawa.

Unang limang taon niya sa Saudi, sadyang sulat pa lamang o telegrama at voice tapes ang paraan ng pakikipagkomunikasyon. Kaya naman dahil na rin sa balakid, na ang pamilya ay nasa liblib na lugar ng Ilocos, hirap silang mag-asawa sa komunikasyon. At iyon ang naging dahilan ng pagkakalayo ng loob ng kanyang asawa.

Hindi naging madali para sa kanya ang unang limang taon; madalas na delayed ang kanilang sahod bilang mananahi. Naging dahilan kung kaya’t kahit mali ay naging lulong siya sa sugal na Lucky Nine. Madalas na suwertihin kaya nakapagpapadala pa rin ng labis-labis sa buwan-buwan. Ngunit sadyang hindi pa rin sumasapat; laging daing ng kanyang asawa na ginagamit pantustos sa mga anak.

Photo by StockSnap (Pixabay)

Sa loob ng limang taon na iyon, naranasan niya ang mahospital ng isang linggo na sarili lamang niya ang umaasikaso. Pakiramdam niya siya ay mababaliw na sa mga panahon ng kalungkutan. At kadalasan pa ay puro panunumbat at pakikipag-away ang mga liham na kanyang natatanggap. Hindi niya kahit kailan pinatulan ang kanyang asawa sapagka’t iniisip niyang maaaring ito ay nahihirapan lamang sa mag-isang pag-aasikaso sa mga anak. Malapit nang matapos noon ang ikalimang taon niya nang dumating rin sa Jeddah ang asawa ng pinsan niya, si Marie (hindi tunay na pangalan).

At doon nagkaroon siya ng taong makakausap sa panahon ng day-off. Parehas silang mananahi; nananahi ng mga damit ng mga stewardess at ibang crews. Dahil sa madalas nilang paglalapit, may nakapagtsismis na stewardes na malapit sa kanilang baryo sa isa nilang kamag-anak. At ito ay pinaniwalaan ng asawa niya at ng pinsan niya; na lubos na ikinagalit ng buong angkan nila. Pinagmumura sila ng bawat miyembro ng pamilya. Silang dalawa lamang ang nagkakapitan at nagkukuhaan lamang ng lakas ng loob. Mahal na mahal niya ang asawa at mga anak niya. Kaya hindi niya ito makakayang gawin. Kaya naman, patuloy pa rin ang ginagawa niyang pagpapadala. Ubos-ubos biyaya, lahat ay ibinibigay niya.

Ikalimang taon niya at umuwi siyang walang nakakaalam dahil nga galit pa rin sa kanya ang kanyang pamilya. Kaya pagdating sa kanilang baryo, ang inaasahan niyang bagong bahay ay wala! Naabutan niyang kubo pa rin ang kanilang bahay. Mas malala pa sa kahirapan. At sadyang nakalulunos ang itsura ng mga anak na puro payat. Tanging walang imik na nilapitan niya ang kanyang asawa na himbing sa pagkakatulog sapagka’t iyon ay 5:30 am pa lamang ng umaga. At ito ay mahigpit na niyakap.

Tumingin lamang ito sa kanya at bigla siyang sinampal. “Umuwi ka pa! Ang kapal ng mukha mo pang magpakita! Nasaan ang babae mo? Hindi ka na nahiya, asawa pa ng pinsan mo ang tinalo mo!” HINDI KA PA NAMATAY!”

Hindi niya kayang lunukin ang mga katagang sinabi ng asawa niya ngunit siya ay nagpaliwanag. Pilit niya itong hinawakan, ngunit pinagsasaktan lamang siya. Nakatungo siyang umalis sa bahay na iyon na dala ang mga nanunumbat na tingin ng mga anak niya. Nais niyang kausapin ang bawat isa, ngunit naging malamig ang pakikitungo ng mga ito. Ipinalabas ng kamag-anak ng asawa niya na hindi siya nagpapadala sa loob ng limang taon. Iwinaldas ng asawa niya at pamilya nito ang mga perang ipinapadala niya.

Pumunta siya sa mga magulang niya at siya ay pinagbubugbog ng kanyang pinsan at mga kamag-anak. Kaya ang ginawa na lamang niya ay nagpabook at bumalik sa Jeddah bagamat halos isang linggo pa lamang sa Pilipinas. Bigong bumalik sa nais sanang alayan ng kasal na asawa upang maalis ang mga agam-agam nito. Bigo sa pagnanais sanang magkaroon ng oras na mapalapit sa mga anak.

Iniwasan niya si Marie upang hindi na rin ito mapahamak. Sinubukan niyang paulit-ulit kausapin ang asawa, ngunit sarado na ang puso at isip nito. Ang kanyang mga anak naman ay kilala lamang siya kapag may hinihinging pera. Kapag sinusubukan niyang kausapin ang mga ito para mapalapit ay hindi siya sinasagot nang may respeto. Ang tanong niya sa kanyang sarili, “Ito ba ang kapalit ng pangarap kong mabigyan sila ng mabuting buhay?”

Ipinagpatuloy niya ang pagbubuhos ng atensiyon at oras sa trabaho, at umuwi lamang siya noong namatay ang kanyang mga magulang. Sobrang sakit iyon, dahil dala-dala nila ang galit sa kanya sa huling hantungan. Naniwala naman ang ibang kamag-anak na wala silang relasyon ni Marie. Ngunit hindi na maibabalik ang ayos ng pagkakaroon niya ng pamilya at hindi na nito maibabalik ang kanyang mga magulang upang siya ay maintindihan at maunawaan. Wala siyang kinimkim na galit sa kanyang mga magulang sapagka’t sila ay biktima lamang ng makating dila at traydor niyang kakilala.

Ngayon, hindi siya ipokrito at inamin naman niya na sumubok siyang makipagrelasyon, nguni’t bigo pa rin sapagka’t ang akala niyang walang asawa ay mayroon pala. Iyong iba naman ang habol ay pera na agad sa simula pa lamang ng relasyon.

Sino nga ba ang seseryoso sa matandang katulad ko?!” wika niya.

Kaya mula noon hindi niya tinalikuran ang responsibilidad at obligasyon sa mga anak. Sampung taon na ang nakalilipas; bigla daw umalis ang kanyang asawa at hindi na nagpakita.

Image by StockSnap via Pixabay

Kaya mas minabuti na lamang niyang ipagpatuloy ang buhay dito sa ibang bansa. Sa apat na anak tanging iyong bunso lamang ang nakapagtapos at nilalakad niya ang papeles nito upang makapasok sa kumpanya na kanyang pinagtatrabahuan. Iyong mga naunang tatlong anak ay nagsipag-asawa nang maaga, at siya ang tumutustos sa mga apo sapagka’t sa bukid lamang ang alam na hanapbuhay. Kaya kahit kinakantiyawan ng mga nakababatang mga kasamahan, “Tay, dapat retiro ka na, tama na iyan, malalaki na ang mga anak mo…”  ay napapailing na lamang siyang sumagot. “Edad lang ang tumatanda, pero hangga’t kaya kong magbanat ng buto at hindi itatapon ng kumpanya, mananatili ako dito sa Jeddah. Hindi naman ako magiging masaya sa Pilipinas.”

—–
Salamat sa iyo, Tatay, sa pagbabahagi sa akin ng iyong kuwento at sa pagtitiwala.

3 Comments

  1. YOU ARE A GOO MAN WHO ONLY THOUGHT OF WHAT’S GOOD FOR YOUR FAMILY. UNFORTUNATELY YOU WIFE AND CHILDREN WERE WEAK EXCEPT FOR THE YOUNGEST. DO NOT HELP YOUR GRANDCHILDREN FRO YOUR OTHER CHILDREN AS THEY WERE JUST BEING INFLUENCED TO USE YOU. ENJOY LIFE WHILE YOU’RE STILL ALIVE AS LIFE IS TOO SHORT. COME TO AMERICA, MEET A LOT OF PEOPLE, AND I WILL EVEN INTRODUCE YOU TO A VERY, VERY LADY. CHEERS.

  2. Mabuti kang ama at walang kuwenta ang asawa mo. Don’t works too hard now, life is short. Enjoy what is left. Your grandchildren are not your responsibility, they are just using you thru the influence of your other children. Come visit America and I will indroduce you to nice ladies who will value
    uou as an individual with a heart of gold.

Leave a Reply

Your email address will not be published.