Hanggang kailan mo balak maging OFW?

Kabayan, aminin man natin o hindi, napapagod na rin tayo na maging isang OFW. ‘Yong feeling na gustong-gusto na nating umuwi ng Pinas, para muling makasama ang mga mahal natin sa buhay. Nakalulungkot iyong lagi mong iniisip na sana, kasama mo ngayon sila, habang kayakap o kasalo sa hirap at ginhawa.

Pero teka, hanggang kailan mo balak maging OFW?

Hanggang kailan natin titiisin ang lungkot at pangungulila sa mga mahal natin sa buhay? At ang mahirap pa nito, hanggang kailan tayo magpapaalipin sa mga banyaga?

Marahil, marami sa atin ang halos iisa ang sagot: “Hindi ko pa alam. Kasi, wala pa akong ipon. Naghihikahos pa rin ang pamilya ko sa Pinas!”

Tama nga naman. Kung ang hangad mo talaga ay ang maiahon sa hirap ang iyong pamilya, kahit mahirap, titiisin mo na mawalay sa kanila. Kahit pa abutin ka ng mahabang taon sa ibang bansa.

Wala rin tayong assurance kung magkakatotoo ba ito o hindi. Lalong hindi natin puwedeng pangunahan si God sa kung ano ang plano Niya para sa atin.

Bilang isang OFW dito sa Abu Dhabi sa loob ng limang taon, wala akong ibang hangad kundi mapabuti ang lagay ng aking pamilya. Lahat naman tayo, ito ang gusto, ‘di ba? Kaya habang naririto tayo sa ibayong dagat, huwag tayong mawalan ng pag-asa na magtatagumpay din tayo balang-araw. Huwag nating hayaang igupo tayo ng lungkot, pangungulila at depresyon. Lagi nating isaisip na may pamilya tayo na naghihintay sa muli nating pagbabalik.

Pero hanggang kailan nga ba talaga tayo mananatili sa ganitong sitwasyon?

Ang totoo, maski ako ay wala ring ideya. Marami pa kasi akong pangarap na gustong maabot. At sa nakikita ko, mas may chance kung dito sa abroad ako maghahanap-buhay. Dito kasi, mas maraming oportunidad na puwedeng i-grab, kumpara sa Pinas. Mas marami kang puwedeng matutunan na maaaring magbigay sa ‘yo ng mas magandang trabaho sa hinaharap.

Pero gaya nga ng sabi nila, hindi lahat ng nag-aabroad ay sinusuwerte. May mga kababayan tayong minalas at ang masaklap, umuwing isa nang malamig na bangkay.

Ganu’n naman talaga ang buhay. Parang sugal. May nananalo, may natatalo. Ganu’n din sa pag-aabroad. May nagtatagumpay at may umuuwing luhaan.

Anuman sa mga ito ang ating maranasan, sana’y lagi tayong handa. Expect the unexpected, ‘ika nga. But if you see some future to stay and work abroad, go for it. Isipin mo na ginagawa mo ito for the sake of your family.

At kung dumating man iyong panahon na may sapat ka nang ipon at stable na rin ang iyong pamilya sa Pinas, huwag ka nang mag-atubili. Dahil mas masarap pa ring mabuhay kapag kumpleto at sama-sama kayong magpapamilya.

There’s no place like home, ‘ika nga.

Ikaw, kabayan, HANGGANG KAILAN MO BALAK MAGING OFW?

Samantala, tara munang mag-emote sa awiting humahagod sa ating damdamin. Tayong mga tinatawag tunay na bayani na sige lang ang kapit sa buhay abroad para sa ating  mga pamilya.

 

 Video credit to Kuya Jeff James and to Mommyjoyce, the composer, of the Bayaning Tunay song.

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!