Hanggang Kailan ang Pangako Part 7

hanggang kailan ang psngako

” Aking Sherina, nandito lang ako para sa ‘yo; hindi kita iiwan pangako ‘yan,” humihikbi na ako sa awang nadarama sa kanya.

Gumalaw ang kanyang kamay na hinahawakan ko, alam kong gising ang kanyang diwa; hindi man siya makapagsalita at hindi man niya ako makita alam kong nararamdaman ito ng kanyang pusong nandidito ako sa kanyang tabi. Pahalik-halik ako sa kanyang kamay na kung saan may maraming nakakabit. Nakaswero, mayroon pang para sa dugo at ang may nakakabit pa sa kanyang daliri na para sa ECG (echo-cardiogram) monitor. Naka NGT  (naso-gastric tube) din ito para sa kanyang pagkain at sa gilid nang kama ay may nakasabit na hose para sa Catheter sa kanyang pag- ihi. Nakakaawa talagang tingnan, durog na durog ang puso kong nakatitig sa aking pinakamamahal na si Sherina. Apat na oras ata akong nakatunganga at nakatunghay lang sa walang malay na aking nobya, binibigyan nalang ako nang pagkain ng kanyang Mama.

Nagpaalam munang sandali ang kanyang Mama para ito ay magbihis muna at umidlip sandali dahil hindi ito nakatulog nang mabuti dahil walang magbabantay kay Sherina. Since nandoon naman ako, iprinisinta ko ang aking sariling magbantay buong magdamag. Hanggang kaya kong magbantay, hanggang sa magkamalay ang aking mahal…

Lumalalim na ang gabi; kinain ko na ang rasyon na pagkain. May pagkain din naman siyang liquid lang na ipakakain sa kanya ng kanyang Nars  sa pamamagitan ng NGT. May ekstrang higaan sa gilid para sa bantay ng pasyente, pero nanatili akong nakayuko sa gilid ni Shey; napaiidlip at nagigising ulit para tingnan kung ano na ang nangyayari sa kanya.

” Sir, sir,  magbe-bed bathing po kami  sa pasyente.”  Ginising ako ng Nars.

Madaling araw na pala, napaidlip talaga ako; puyat din kasi ako sa paglalamay sa aking ama.

Ah,ok!” tugon ko.

Nakatunghay ako sa ginagawa ng dalawang nars pinaliliguan nila ang aking mahal sa kama lang, nagsha-shampoo din ito. Para daw presko ang pasyente kahit wala pa itong malay.

Pagkatapos ng dalawang nars, umupo ulit ako sa tabi nito.

” Oh! ayan, Shey! mabango ka na ulit, pinaliguan ka na ng mababait mong Nars,” bulong ko dito.

Hindi na ako nakatulog hanggang mag-umaga. Nakaupong nagba-browse lang sa aking cp. Alas siyete na ng umaga nang dumating ang Mama ni Shey. Presko na ito at mukhang nakapagpahinga naman kahit papaano.

” Jeff,  Salamat sa pagbabantay kay Shey ha, ang bait mo talaga!” wika nito

” Wala pong anuman tita,” sabi ko

” Ako’y sasaglit muna sa amin para magbihis at mamayang gabi ako’y babalik para magbantay sa aking mahal,” paliwanag ko.

” Sige! iho, mag iingat ka!” sabi nito

Habang nasa biyahe ako, hindi ko lubos maisip kung bakit  si Sherina pa ang nakapitan ng ganoong sakit?  Bakit pa ang mahal ko? Marami naman d’yan mga walang hiya, mga tao na masasama ang mga ginagawa dito sa mundo, bakit hindi na lang sila? Kinukwestyon ko ang Panginoon! Pero hindi daw dapat eh, ang lahat ay may dahilan. Sa kanya ang lahat ng pagpapasya sa mga mangyayari sa ating buhay, para lang tayong mga robot na de-susi at sunod-sunoran kung ano na ang mga naitakda.

Hindi ko namamalayang nasa may garahe na pala ako. Pinagbuksan ako ng aming guard at ito’y sumaludo sa akin.

Pagod at puyat ang aking katawan. Pero hindi ako dalawin ng antok, gising na gising ang aking diwa habang nakahiga sa aking kama. Nakita ko si Mama kanina sa sala kausap ang kanyang mga amiga at may dala itong mga apo kaya pansamantalang naaaliw ito. Nagpaalam akong matutulog muna; alam niya naman kung saan ako galing. Naaawa nga siya kay Sherina,  sinabi niya sa akin na isasama niya daw ito sa kanyang mga panalangin na agad gumaling.

Gagaling pa kaya ang aking Sherina? ah! alam kong gagaling pa siya, puno ang aking pananalig na gagaling pa ang aking mahal. Hindi ko siya iiwan, mamahalin ko siya kahit siya ay lantang gulay na. Mamahalin ko siya kahit ito’y makulong pa sa wheelchair basta ito’y humihinga. Ganon kalalim ang aking pagmamahal. Makita ko lang siyang buhay at and’yan palagi patuloy ko itong mamahalin.

Kringgg! kringgg!

Jennifer calling!

” Yes, Jen! kumusta na ang opisina?” tanong ko.

” Aba! Mr. Jeff Rodriguez, hindi ka ba papasok ngayon? maraming naghihintay na kliyente natin,” sabi nito.

” Jen, Pls. take charge muna  iidlip lang ako sandali punta din ako d’yan, Ok? Bye!” sabi ko kay Jen.

Isa pang tawag mula sa Mama ni Shey.

” Jeff,  si Shey!” humahagulgol ito.

Pinatay na ang Celpon at dali-dali na naman akong nagbihis para bumalik sa Hospital, abot-abot ang aking dasal na sanay ito’y aking maabutan pang buhay.

Nagtatakbuhan ang mga narses at doktor patungo sa silid ni Shey. Takbo-lakad din ang ginawa ko. Nasa may pintuan ako nakasilip nakikita kong gumagamit na ng AMBU bag ang isang nars para sa paghinga ni shey; hindi na kaya ng Oxygen. May nagpeperform nang CPR( Cardio pulmonary resucitation) pilit nilang nire-revive ang buhay nang nag-arrest na aking kasintahan. Nangingitim na ang talampakan nito. Ang mama niyang umiiyak at naglulupasay sa gilid nang kama ng kanyang anak. Nangangatog na din ang aking tuhod na sumisilip sa awang na pintuan.

” Pwedeng pumasok ako?” tanong ko sa isang nars.

” Puwede sir, pasok ka!” tugon nito.

Pumuwesto ako sa kanyang may ulo at binubulongan ko siya.

” Lumaban ka, Shey, mahal kita! Naghihintay ako sa iyong paggising. Hihintayin kita, Shey, ikaw ang buhay ko!” bulong kong umiiyak ako.

” Nandito lang ako para sa ‘yo, bubuo tayo ng pamilya, magiging masaya tayo kasama ang ating mga magiging anak;  sa’yo umiikot ang aking buhay. Sana naman ay huwag kang bumitaw; ipaglaban mo ang aking pag-ibig sa’yo Shey.  Ipaglaban mo ako sa cancer na ‘yan ‘wag kang padadaig,” hindi ko na mapigilang humikbi.

Hinahaplos ko ang kanyang ulong may benda, hinahaplos ng likod ng aking kamay ang mukha niyang hindi ko matitigan sa awa.  Tumutulo ang aking mga luha  pati na ang aking sipon. Hindi na ako nahiya sa mga narses at doktor na nakatunghay at nagre-revive sa aking mahal. Patuloy akong humihikbi at paluhod na namang bubulong sa kanyang may tainga.

” Kaya mo yan, Shey, nandito lang kami para sayo! Huwag mo akong iiwan, hindi ko kayang mawala ka, masyado akong malulungkot,” hikbi ko.

Nagstable ang Vital signs ng aking mahal. Inilipat sya sa ICU ( intensive care unit) for further management. Minsanan na lang kami makasilip dito. Nasa labas lang ako lagi ng ICU, naghihintay kung anong mangyayari. Minsan, ako ay nasa kapilya ng hospital, nagdadasal at ipinanalangin ko ang pagbuti ng lagay ng aking mahal na si Sherina.

Isang hapon napadpad ang aking mga paa patungo sa kapilya para umupo ulit doon at humiling ng dasal.

Panginoon, pasensya na sa aking pagkwestyon sa iyong kakahayahan, ako’y humihingi nang isa pang pabor at himalang madugtungan ang buhay ng aking pinakamamahal na nobya. Ikaw lang ang may kapangyarihan sa sanlibutan, iniaalay ko ang aking pag-ibig sa aking si Sherina, sana naman ay bigyan mo pa kami ng isa pang pagkakataon na maipadama ko kung gaano ko siya kamahal, maipakita ko sa kanya na mahalaga siya sa akin.  Akoy nagpapasalamat sa iyo aking mahal na Poon na kahit binigyan mo ako nang ganito ka bigat na pagsubok alam mong hindi ako bibitaw, kakayanin ko ito. Alam mo naman kung gaano ako katatag pagdating sa mga ganitong sitwasyon. Hinahangad ko lang na maghimala pa at gumaling pa si Sherina sa kanyang karamdaman. Ipinapangako kong mamahalin ko siya at pagsisilbihan habang ako’y nabubuhay.”

Umiiyak na pala akong lumalakad paluhod sa munting altar sa kapilyang iyon. Hindi ko namamalayan nang gumagabi na pala at kailangan ko ng sumilip sa ICU. Sisilipin ko ang aking mahal kahit man lang sa munting bintana basta masilayan ko siya. Masaya na ako, makita ko lang ang pagtaas at pagbaba ng kanyang dibdib palatandaang humihinga pa siya. Lumalaban siya!  Alam kong ipinaglalaban niya ang aking pag-ibig sa kanya. Alam kong gagaling pa siya. Alam ko at ako’y nananalig..

Nagtagal pa nang dalawang linggo sa ICU ang aking mahal.  Sa bawat araw na lumilipas ay unti-unting bumubuti ang kanyang pakiramdam, dinidinig na ang aking mga panalangin. Kahapon lang ng hapon ay  inilipat ulit siya sa ordinaryong kuwarto.

Nakapagsasalita na ito nang dahan- dahan, ipinatatanggal na nga niya ang kanyang Ngt dahil nakikiliti daw siya at hindi makalunok ng kanyang laway. May benda pa ang kanyang ulo at  ngumingiti na;  may buhay na ang kanyang mga mata, kay saya ko! Kay ligaya ng aking nararamdaman.

” Mahal kita sobra!” sabay halik sa kanyang kamay.

Isa na lang ang nakakabit na swero dito. Ngumiti siya at may namumuong luha sa kanyang mga mata, patuloy ko siyang kinakausap, patuloy kong sinasabing lumaban siya. Patuloy ang aking panalangin na sana tuluyan na siyang gumaling.

” Hindi kita kailan man iiwan, mananatili ako sa iyong tabi hanggang sa iyong paggaling. Hanggang sa ating huling hininga.”

Patuloy nang naglalandas ang kanyang mga luha sa makinis nitong pisngi.

ITUTULOY

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.