“Gusto Mo Maging Household Worker Sa Gitnang Silangan?”

dh clueDahil sa naaalibadbaran at halos pumuputi na ang mga buhok mo sa kawalan ng pag-asa dahil sa laging butata ang bulsa…

Kahit anong kayod ay talagang hindi kakasya ang kinikita, kaya mas pinili ang mangibang-bansa dahil maraming nanghihikayat na madali ang kumita ng pera at mabilis kang matatanggap.

Ang galing manghimok ni recruiter, “Iha, kung ako sa iyo magtrabaho ka sa ibang bansa, napakadali lamang at dolyar pa ang kinikita! Hindi tulad rito na magkakandakuba-kuba ka na sa kakatrabaho walang magiging pagbabago sa buhay mo!”

May manghihikayat pa, si Ate na kapitbahay na galing sa ibang bansa na ang mga kuwentong karanasan ay puro magaganda, walang kahirap-hirap ang pagiging kasambahay sa ibang bansa. Lalo na kung makikita mo sa kada pag-uwi niya ay maraming mga pasalubong o kung anu-ano man.

Kaya mabilis maeengganyo ang sinuman lalo na sa bansang Gitnang Silangan, wala masyadong gagastusin o bayarin at matagal na ang tatlong buwan ay tiyak ka ng makakaalis.

Hindi puwede rito na porke’t ay kaya mong maglinis, magluto o maglaba ay puwede na. Na kaya ang iba kahit labag sa batas ang lumabas ng bansa bilang kasambahay ng hindi bababa sa edad na dalawampu’t tatlo ay dinadaya pa ang mga papeles kasi nasa isip ay madali lamang.

Ngunit lingid sa iba na ang trabahong minamaliit o inaalipusta ay isang trabaho na kailangan ng lahat ng diskarte sa buhay. Bilang kasambahay puwede kaming kusinera, labandera, tagapag-alaga ng mga bata, tagapagturo ng mga aralin at wikang Ingles, tubera, hardinera, karpintera, at tagakumpuni ng ilang kasangkapan, matador minsan ay nagiging manihero pa. “Jack of all trades but master in cleaning!”

Hindi totoo na dahil sa ibang bansa ka ay puro madali ang trabaho at puro de kuryente at makina lamang ang kumikilos.
Dahil sa laki ng mga tahanan na nililinisan ay hindi lamang simpleng paglilinis ngunit dapat lahat ay pulidong-pulido. Mula sa pinakatuktok hanggang sa kasuluk-sulukan ay dapat dinadaanan ng iyong laging kasama na basahan. Masasanay ka pang lunukin ang lahat ng takot mo sa pag-akyat sa mataas na hagdanan para maglinidls ng matataas na aparador o mga bintana.

Ang pagiging kasambahay sa bansang Gitnang Silangan lamang ang kaya kong ilahad. Dito suwertihan ang maka-anim o walong oras na tulog. Bihira rin ang panakaw na tulog kasi itong mga lahi nila ay hindi yata sanay matulog ng matagal.

Mag aalas -singko pa lamang nang umaga ay dapat nakagawa ka na ng tinatawag nilang arabic coffee para kapag nakapagdasal na sila ay iinum sila ng kape. Ito ay madalas sa mga may nakatatandang kasama sa bahay mga sisenta pataas na mga lahi nila.

At ang mga bata rito ay kahit nasa tabi na nila ang mga bagay na kailangan nila ay tiyak na ipapaabot pa sa iyo at triple sila kung magkalat. Malinaw na hindi uso ang disiplina sa katawan. Maninibago ka kung hindi matatawag ang pangalan mo ng mahigit tatlumpong beses sa isang araw.

Okay para maayos ano ang kadalasan ng buhay kasambahay sa Gitnang Silangan kung mag-isa ka ay ganito ang magiging takbo ng pangaraw-araw mong buhay.

Mula Linggo hanggang Huwebes…

Sa umaga, magmamadaling ayusan, bihisan at pakainin ang mga bata para sa pagpasok sa eskwelahan, kahit ang kalinisan at kaayusan ng mga gamit sa paaralan ay kailangan mong gawin. Ang pagbibihis ng maayos at sa mga matatanda naman na ay dapat lahat ng gamit ay nasa malapit lamang sa kanila dahil tamad silang maghanap at bunganga ang ginagamit sa paghanap ng mga gamit nila mismo. Siguraduhin ang mga baon pagkain ay naaayon sa gusto at panlasa nila dahil kaunting sumbong sa magulang ay tiyak mapagsasabihan ka. Ang sa amo naman ay dapat din na ibinilin na dadalhin kinabukasan ay nasa kotse na nila bago pa sila lumabas kundi katakot-takot na “Quickly!” ang isisigaw sa iyo!

Pagkaalis nila ay tiyakin na bawat sulok ng bahay nila ay nalinisan, may mga metikulosang amo at talagang ipapadaan ang mga kamay sa mga muebles o mga kasangkapan at kaunting alikabok ay sasabihan ka na hindi ka naglinis.

Sumunod ay ang pagkakaroon ng mabangong kabahayan nila ang gustong-gusto nila. At ang pagbalik sa maayos ng mga walang habas nilang mga kalat. Kapag kumuhuha ng mga damit ay tiyak na dinaanan ng buhawi.

Kung ilang palapag ang kabahayan ay tiyak na aabutin ka ng tanghali ay hindi ka pa tapos ngunit kailangan mo na magluto kaya mula alas dose hanggang alas kuwatro ay nasa kusina ka. Mahirap intindihin ang mga nais nilang putahe pero kapag nasaulo mo ay paulit-ulit lang naman.

Pagkatapos niyan ay kinakailangan mong turuan ang mga bata kung may mga asignatura sa Ingles ngunit bibihira lamang kadalasan kasi mayroon naman kukunin na tagapagturo o tagapag-alaga na ng bata. Maganda ito kung sakali, isang kagaanan ng trabaho.

Pagkatapos ng ilang oras sa kusina at pagligpit ng pinagkainan ay kinakailangab mong maglaba kasabay ng paglilinis ng ilang bahagi ng bahay na hindi mo natapos. Kasabay din noon ay ang ilang beses na iba’t-ibang utos ng mga kasama sa bahay.
Kapag nag-utos sila gusto nila ora-orada mo rin magagawa.

Mga alas-sais ay balik kusina para sa hapunan at pagpapakain sa mga bata. Hintayin silang matapos at saka iligpit ulit ang mga ikinalat ng mga bata at ng mga amo.

Pagkatapos noon ay haharapin ulit ang labahan at plantsahin at aabutin ka tiyak ng alas diyes na ng gabi. Minsan ay disoras ng gabi magpapagawa pa ng pagkain ang amo.

Kaya naman tiyak na alas dose ka pa mawawalan ng trabaho.

Kapag araw ng Biyernes at Sabado ang mga mas nakakapagod na araw nandiyan iyong pupunta sa ibang bahay ng kamag-anak at kasama ka hindi para lamang umupo kundi kadalasan ay magtrabaho rin doon.

Minsan hindi lamang sa mga araw na iyan, bigla kang ipapahiram sa kamag-anak o kaibigan ng amo para maglinis ng bahay ng mga iyon kahit labag sa kalooban mo.

Bukod sa mga gawain na iyan ay lagi silang mahilig sa pagtitipon at tiyak ang katakot-takot na dami ng gawain.

Kaya kung mahina ang katawan mo at hindi ka sanay sa mga mabibigat na trabaho dahil sa Gitnang Silangan ay lagi mo iuurong ang mga kasangkapan para lamang linisan ang ilalim niyon kaya tiyak na kailangan mo ng lakas ng katawan. Kailangan iyong katawan mo madaling makabawi sa pagod.

Sumunod ay normal na sa bansang iyon ang paninigaw ng amo at kahit sabihin mo na hindi tama ang pananakit ngunit sadyang nangyayari ang mga ganitong bagay. Kaya tibay ng loob ang kinakailangan at katatagan.
Dahil alam mong may mga ganun na pangyayari sa iba, bago ka pumunta ay maging handa alamin ang mga tao na malalapitan kung magkaroon ng ganun na sitwasyon. Laging maging handa sa mga posibilidad na pangyayari at laging huwag pangunahan ng takot. Bukas lagi ang isip sa solusyon at hakbang na gagawin.

Sumunod ay ang kawalan ng day-off o pahinga sa loob ng dalawang taon. Masanay ka ng ang magiging buhay ay sa loob ng bahay ng mga amo o kamag-anak lamang ng mga amo. Ngunit huwag mawalan ng pag-asa may mga amo na isinasama sa bawat lugar na puntahan nila ang mga kasambahay ngunit hindi ka makapamamasyal sa sarili mo lamang.

Madalas din ang paghihigpit sa selepono kaya maging disiplinado sa katawan na iwasan ang paggamit nito para maiwasan ang mga pagdududa ng amo na wala kang ibang inaatupag kundi ang pagseselepono.

Mayroon din na sa kasamaang palad ay hindi nasusunod ang pinirmahan na halaga ng sahod sa pinirmahan na kontrata pero puwede itong ipaglaban. Makipagusap ng maayos sa amo at kung ayaw talaga nila sumunod ay humingi ng payo sa ahensya at kung walang aksyon ay sa POLO-OWWA.

Sumunod ay umiwas sa pakikipagpalagayan ng loob sa mga lalaking Arabo sa bahay. Una para hindi ka pagselosan at mula sa pagseselos ng among babae ay doon na lalong lalabas ang lahat ng pagpapahirap at problema sa inyong dalawa. Maging maingat sa kasuotan at maging mapagobserba. Huwag makikipagngitian sa among lalaki at kung may kailangan sa among babae ka lagi magsabi at mas hulihin ang kiliti ng mga ito. Igalang ang mga tradisyon at kultura nila. Iwasan ang magbigay ng motibo sa mga lalaking ibang lahi at papatol para makipagrelasyon dahil iyan ang magiging unang problema mo.

Madalas ay hindi ito sinasabi ng ahensya, dahil puro positibo at panghihikayat lamang ang mga bukambibig. Kaya naman iminumulat ko na ang mga nagnanais makipagsapalaran pa lamang sa bansang Arabo.

Huwag din isipin kung akala mo ay pinagdadamutan ng amo kasi kahit ang mga arabo ay bihira kumain ng mabibigat na pagkain. Kadalasan ay tinapay lamang sila kaya matutong tanggapin ng sikmura ang ganun sistema ng pagkain. At hindi rin iaabot sa iyo ng amo mo ang pagkain. Gumawa ka ng paraan para sa ikatitibay ng katawan at makakain pa rin sa ayos na hindi ka magkakasakit o magugutuman.

Dito suwertihan lamang ang magiging buhay mo, kadalasan ay wala naman talaga sa hinagap mo kung sino ang magiging amo mo kaya dapat baunin mo lahat ng pagpapasensya at pagtitiis. Dito gamitin lagi ang utak at makiramdam sa ugali ng amo para alam mo kung ano ayaw at gusto nila.

Maging mapagmasid at bilisan na matuto sa mga bagay-bagay dahil mataas ang ekspektasyon nila sa ating mga Filipina kumpara sa ibang lahi. At huwag kang isang utos, isang gawa! Magkaroon ng pagkukusa kung alam mo naman na iyon na madalas ng kailangan o ikaw rin naman lang ang siyang gagawa.

Magkaroon din ng malasakit at pagmamahal sa trabaho kasi pinasok mo iyan, ginusto mo iyan. Tanggapin mo ng maluwag sa loob mo para ang bawat pagkilos mo ay magaan at makakasanayan mo na rin ang pangaraw-araw na sistema mo sa pinapasukan. Hangga’t maaari habang tumatagal ka ay magkaroon ka na ng sistema sa mga gawain mo para mapabilis ang trabaho ngunit mas pulido ang paggawa.

Magtanong-tanong ng mga diskarte sa mga kakilala para naman kung halimbawang nahihirapan ay mapadali ang trabaho at hindi ka mabubugnot o susuko na lamang.

Ngunit higit sa lahat ay ang dahilan mo ng pag-aabroad ay may plano ka sa buhay at iyon ang gawin mong inspirasyon para huwag bumitiw at matapos ang kontrata kahit anuman hirap, problema o pasakit pa ang maranasan ay mananatili ka kasi may nais kang makamtan sa buhay.

Bukod diyan, lagi kang magdadasal at hindi katwiran na walang simbahan o mga gamit na pangdasal sa lugar na pinuntahan ay mawawala na rin ang pananampalataya mo sa Panginoon kasi hindi ka niya ilalagay sa daan na iyan kung hindi mo kahilingan at kung hindi mo kakayanin.

Huwag kang padadaig sa mga negatibong mga sabi-sabi o kuwento bagkus ay gawin mo iyon panuntunan sa buhay na kailangan mong lampasan ang lahat at kailangan magsakripisyo para sa iyong magandang kinabukasan.

Bawal na rin ang basta tumakas kaya kung ayaw mong pulutin ka sa kulungan, gawin ang lahat ng paraan para kung inaabuso ka ay maipagbigay alam sa kinauukulan.

Kung sakaling may mangyaring hindi maganda una pong tinatawagan ang ahensya, kaya tiyakin na hindi lamang isang numero ang hawak ng kontak sa ahensya. Ibigay ang mga mahahalagang impormasyon sa mahal sa buhay at ituro ang mga dapat na gawin kung sakaling may negatibong pangyayari. Mas mabuti na ang handa kaysa tumunganga at walang magawa sa oras na kinakailangan na.