Gusto kong ibalik si Bossing Vic, Vice Ganda at Kris Aquino

 

Namimiss niyo din ba sina Bossing, Vice at Kris? Ako din e, ‘yong sobrang nakakatawang punchline ni Bossing at Vice at ‘yong nakakatakot namang pelikulang ginaganapan ni Kris. Nagulat ako at nawala sila sa mga entries ngayong MMFF2016. Maraming nagsasabing maraming malulungkot at lalangawin nga daw ang mga nakapasok na pelikula. Maraming bata ang di makakapanood sa mga idol nila. Pero naisip ko lang – festival ito ng mga Pelikulang Pinoy di ba? Ito yung pinakamalaking movie festival sa Pilipinas, kumbaga. Dito itinatampok ang sining at pelikulang gawang Pinoy. ‘Yong pwedeng ilaban sa ibang bansa. Hindi sapat na pangblockbuster lang, dapat dekalidad at may laman talaga ang istorya.

Salamat sa mga bagong hurado at ngayon makakapanood naman tayo ng mas makabuluhang mga pelikula. Malungkot ako’t at hindi nakapasok ang aking mga idol – Bossing, Vice at Kris! Pero hindi ibig sabihin na ‘di ko na sususportahan ang mga nakapasok na pelikula. May susunod pa namang pagkakataon para sa kanila at gusto ko sa pagbabalik nila, mas maganda na ang kontento ng ipapalabas nila. Gusto ko mas palaban at mas dekalidad na. Ayaw ko na sana sa parang may sponsor pang kasama sa bawat eksena, parang commercial lang. ‘Yun bang eksena na ipapakita pa ang brand ng sabon na ginagamit sa paglalaba. Ayaw ko na ‘yong nakakatawa lang, gusto ko ‘yong tawang tagos sa puso at may aral na pwedeng baunin paglabas mo ng sinehan. Ayaw ko na sa pelikulang parang tatlong araw lang ginawa.

Huwag nating sanayin ang ating mga kabataan sa mga pelikulang walang laman, walang aral. Ito na ‘yong pagkakataong hubugin natin sila sa mas malalim at mas kapupulutan ng aral. Ang pagbabago ng line-up ng MMFF2016 ay isang paghamon sa ating mga nakasanayan -ito’y paghamon sa mga producer at director na gumawa at magisip ng mga konseptong hindi naglalayung kumita lang, kung hind para ipakilala ang galing at sining na tatak Pinoy! Mas malalaking producer ang may hawak kina Bossing, Vice at Kris at alam kung mas kaya nilang gumawa ng pelikulang mas palaban. See you next MMFF mga idol 🙂
P.S. Napanood ko na ang ORO by Alvin Yapan at sobrang namangha ako sa galing ng mga aktor at busog na busog sa lahat ng mga eksena. Papanoorin ko pa ang iba pa.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.