Guro mo pala ako

Guro mo pala ako
‘Di ko alam sapagkat ikaw ay laging lumiliban
Hindi ko na matandaan
Kung ilan beses ka lamang
Nagpapakita at nagpaparamdam.

Guro mo pala ako
Bakit ‘di ko man lang maramdaman
Sapagkat sa tuwing ako’y nagsasalita sa harapan
Ayaw mo man lamang akong pakinggan
Atensiyon mo ay nasa iyong elektronikong kagamitan.

Guro mo pala ako
Nais ko sanang itanggi
Lalo na kapag bumubukas ang iyong mga labi
Na tila ‘di ko man lamang ba naituro
Ang magandang asal at pag-uugali.

Ang guro at ang kanyang mga estudyante na dahilan ng kanyang patuloy na pagtuturo.

Guro mo pala ako
Bakit wala man lang po o opo
Sa tuwing kinakausap mo ako
Minsan umaani pa ako ng irap mo
O kaya ng padabog mong pagtugon sa mga tanong ko.

Guro mo pala ako
Kahit ayoko
Sapagkat ‘di mo pinahahalagahan
Ang mga paghihirap ko sa pagtuturo
May kanya-kanya tayong kakayahan
Oo, subalit pagbibigay man lang halaga sa mga itinuro ko
Ay isa nang malaking karangalan at pagrespeto
Sa propesyong meron ako.

Guro mo pala ako
Sana maisip mo iyan na kapag mababa ang iyong marka
Sumasakit ang aking kalooban
Higit ka man sa numero
Subalit ang effort na ibinibigay mo
Ay isang tanda ng iyong pagrespeto.

Guro mo pala ako
Subalit hindi mo maintindihan
Na kapag ako ay nagagalit
Ako ay nasasaktan sa mga ginagawa mo.

Guro mo ako
Patuloy na inuunawa ka
Iniintindi ang iyong kalagayan at kakayahan
Pinagbibigyan ang madalas na kamalian.

Guro mo ako
Oo, guro mo ako
Guro mo ako
Pangalawang magulang
At ang magulang
Nirerespeto hindi niloloko
Ginagalang hindi binabastos
Pinakikinggan
Hindi iniirapan o pinagdadabugan
Sinusunod at inuunawa
Hindi kinakalaban.

Guro mo ako
Kung ikaw man ay napagsasabihan
Ito’y dahil nais lamang mapabuti ang iyong kalagayan
Iwasto ang kamalian.

Guro mo ako
Maging sensitibo ka naman
Sa mga binibitawang salita
At sa lahat ng iyong mga ginagawa.

Guro mo ako
Minsan ang pagkukulang ng iyong magulang ay pinupunan
Pero bakit lagi mo pa rin akong kinakalaban?
Guro mo ako
Isang kaibigan
Pero nangangailangan ng pagrespeto
Respetong ipinagkakait mo
Pinapakita mong wala kang pakialam
Sa mga pinaghirapan naming lesson plans
Para lamang mapayabong ang iyong kaalaman.

Guro mo ako.
Masakit, guro mo LANG ako.
Guro mo LANG ako na madalas mong niloloko.
Mas nais mo pang pumasok sa tambayan kasama ang iyong mga kaibigan
Kaysa makinig at matuto sa paaralan.
Oo, tunay ngang ang panahon ang magpapalawak ng iyong isipan
Subalit maisip mo sana ang paaralan ang nagpapayabong sa iyong kaalaman
At ang iyong kaalaman ay isang tunay na kayamanan.

Sa pagkakataong makita kitang mabuting tao
Maiisip ko, OO GURO MO NGA PALA AKO.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.