Grandparents Day: Top 10 Reasons kung bakit masarap ang may lolo’t lola

Masarap ang makaranas ng buhay na may lolo’t lola. Well, generally siguro, base sa mga kakilala ko at mga nababasa. May mga medyo minalas man, mas marami ang sinuwerte na lumaki na mayroon mga lolo at lola — gaya namin sa magkabilang panig ng aming mga magulang.

Bakit ko nga ba nasabi na masarap?

Marami kasing role ang mga ito sa ating buhay.

1 – Nurturer  –  Iba ang kanilang pag-aalaga. Masarap mang mag-alaga ang ating mga nanay, may ibang klaseng hagod kasi ang ating mga lola’t lolo. Parang espesyal na mahirap ipaliwanag. [“Ano’ng masakit sa iyo, tignan ko nga.]

2 – Historian – Masarap makipagkuwentuhan sa kanila…kasi marami silang alam tungkol sa nakaraan. Marami silang kuwento na nakakasabik pakinggan. Sa kanila mo rin malalaman kung anong klase bang bata ang magulang mo noong kabataan nila. Throwback, ayan! Marami silang throwback stories na minsan kahit nauulit na nila (kasi ulyanin na) masarap pa ring marinig muli. {“Naku, ‘yang Daddy mo, noong araw matigas din ang ulo…namana mo! hahaha]

3 – Mentor – Bilang bata, mayroon din tayong tampo moments noon at masarap tumakbo sa kanila para pagsumbungan. Nangangaral din sila at nagbibigay ng mga kuwento na makakarelate ka. Ni minsan hindi ko naranasan na masigawan o magalit sa akin ang mga lolo at lola namin, kaya nabuo sa isip ko na mabait talaga sila. Minsan kakutsaba mo rin sa ilang sikreto. hahaha  [Ok lang magka-crush. May crush din ako noon pero bawal magpa-cute noong panahon namin!]

4 – Heroes – Kapag mapapalo ka na sana, hindi matiis ni Lola o Lola na hindi umawat. Mamamagitan pa iyan para lang huwag lumagapak sa puwit mo ang pamalo ni Nanay. [“Sabihan mo na lang, ‘wag mo sasaktan ang apo ko!”]

Pag short si nanay o tatay sa budget, palihim pa iyang mag-aabot ng saklolo para sa school project mo. “O bumili ka na, ‘wag ka na lang maingay!”]

5 – Role Model – Dahil karamihan sa kanila ay may wisdom na, alam nila ang kahalagahan ng good example dapat sila. Parang may wisdom ni Haring Solomon. Titingalain mo sila sa kanilang pinagdaanan sa buhay, sa nakita mong tapang nila sa mga pagsubok ng buhay. Yung kasipagan nila, maagang gumising, maaga matulog, maraming alam na skills, gaya ng aking lola sa ama na mahusay manahi ng mga damit naming pambahay, pantulog; masarap magluto, maraming alam lutuin at iba pa.

6 – Friend – May mga bagay na hindi natin masabi sa ating magulang… pero bakit sa dalawang lola ko parang ang dali sa akin na sabihin ang nasa isip ko? Kampante ako na hindi nila ako babarahin o irereject. Naranasan ko na ngang umiyak sa lola ko at inalo niya ako na para siyang anghel. O sinuwerte lang ako talaga sa mga lola? Well, ang mga anak ko ay sinuwerte rin naman sa kanilang lolo’t lola na biyenan ko. Spoiled nga sila, kung tutuusin, pero lumaki namang mababait ang aking 4 kids kahit pa bumuhos ang pagpapala sa kanila ng kanilang mga lolo’t lola.

7 – Spiritual Guide – Naging bahagi ng aming buhay ang pagdarasal araw-araw at ang regular na pagsisimba. Sa kanila ay madalas kong marinig ang “magtiwala dapat sa Diyos at laging tatawag sa Kanya.” Ilang kuwento hango sa Bibliya ang aming narinig na rin mula sa kanila. Nagpapaalala sila ng mga mabubuting asal; kung paano maging magalang at mabait na bata.

8 – Teacher – Nagbabahagi sila ng karunungan at kaalaman sa maraming bagay. Lalo na kung dating guro ang lolo at lola mo! Ang tatay ko ay mabuting lolo sa kanyang mga apo at gumagabay sa kanilang mga projects sa paaralan. May Math tricks pa nga siyang tinuro, pero ako, dahil waterloo ko ang math, hindi ko na matandaan!

9 – Nannies – Sa pamilyang Pinoy, bahagi ng pamilya talaga sila. Sila ang gumaganap na tagapag-alaga lalo na ngayon na karaniwan na sa mag-asawa ang parehong nagtatrabaho. Filler ng gaps, ‘ika nga. Ginagampanan ang role ni Nanay kapag wala ito. Nagluluto, naglalaba, nag-aalaga ng bata at tinitiyak na ok ang mga apo. Ang ibang lolo, tagahatid pa nga ng mga apo, gaya ng tatay ko sa aking mga pamangkin naman. Hatid-sundo talaga sila sa paaralan.

10 – Source of Joy – Oo, makararamdam ka ng ibang klaseng tuwa mula sa kanila. Yung makasama mo sila sa ilang gawain na kaya pa nila, ‘yung makalaro mo si Lolo sa chess o sa basketball shooting. ‘Yung maka-tong its mo si Lola na medyo malabo man ang mata eh nananalo rin sa labang piso-piso sa bahay pag medyo may boring na araw o walang pasok. hahaha

Masarap din sa pakiramdam na ikaw naman minsan ang nagiging guro sa kanila lalo na sa technology. ‘Yung tuturuan mo sila mag-chat gamit ang computer para madali nila makakuwentuhan ang mga kapatid nilang nasa malayong lugar. ‘Yung tuturuan mo sila gumamit ng cellphone o kaya ay makapaglaro ng Diamond Dash o Bubble Witch Saga para hindi nila mapansin na nirarayuma sila. hahaha

Isali mo pa diyan ‘yung makasama mo silang manood ng sine o kahit movies sa bahay o kaya ay maka-bonding mo sila sa Karaoke sa mga kantang 50s-60s. At kung sinusuwerte ka pang dancer ang lola o lolo mo, tapos tuturuan ka ng Chacha o Tango o Boogie? Naku, super enjoy ‘yun! Gaya ng nanay ko sa aking mga anak at pamangkin.

Hayyy..marami pang masasayang alaala na napakasarap balikan.

Lalo na ngayon na wala na sila sa aming piling.

Kaya kayong mga may lolo at lola pa..naku, samantalahin n’yo na! Priceless moments ‘yan.

Sunday, Grandparents Day…. atin silang bigyan ng halaga. They deserve that!

Photo credit: WinCalendar

About Mommyjoyce

Isang simpleng nanay na adik magbasa, adik magsulat at adik sa anak! Idol ko si Mother Theresa, kaboses ako dati ni Ate Shawie Cuneta (joke); maawain sa mga madudungis, siga sa mga taong nang-aapi, at lifecoach sa mga kabataan at mga magulang na walang ibang makausap, Ang simpleng motto ko in life: Cherish everyday (not just because it could be my last); kundi kasi, bukas iba na naman ang flavor ng buhay! Kaya namnaming maigi!