Gown ng Isang Bb. Pilipinas candidate, binuo ng mga inmates

Larawan mula sa Bb. Pilipinas (Official) at BJMP Angeles District Jail Facebook page

Ikinamangha ng maraming netizens ang Facebook post ng Bb. Pilipinas (Official) kung saan itinampok ang iba’t ibang National Costume ng mga kandidata ng Bb. Pilipinas 2019.

Isa sa pumukaw ng atensyon ng marami ang gown ng kandidata na si Emma Mary Tiglao mula Pampanga na sa ngayon ay mayroon nang mahigit 65k reactions sa Facebook.

Ang gown na ito ni Bb. Tiglao ay dinisenyo ng Kapampangan designer na si Rich Sabinian. Ang tela na ginamit sa paggawa ng gown ay hinabi ng mga inmates na tinawag na “basket weavers” mula sa Angeles District Jail Male Dorm.

Larawan mula sa BJMP Angeles District Jail Facebook page

Itinatampok ng gown na ito ang tradisyonal na paghahabi na tinatawag na “solihiya” at pag-uukit sa kahoy na tinatawag naman sa Pampanga na “pinukpok.”?

Tinawag ni Rich Sabinian ang gown na ito bilang “FE ESPERANZA CARIDAD” na nangangahulugang “Faith, Hope, and Charity.” Sinisimbulo ng gown na ito ang mayamang kultura at pamana ng Pampanga.

Larawan mula sa BJMP Angeles District Jail Facebook page

Ang gown ay isinuot ni Bb. Tiglao bilang National Costume mula sa Pampanga para sa photo exhibit na binuksan sa publiko noong Mayo 8 sa may Gateway Mall, Cubao.

Larawan mula sa BJMP Angeles District Jail Facebook page

Sa isang Facebook post ng Bureau of Jail Management and Penology Angeles District Jail, humingi sila ng pasasalamat kay Bb. Tiglao at kay Rich Sabinian sa kanilang pagtitiwala sa husay ng mga basket weavers upang mabuo ang gown.

Larawan mula sa BJMP Angeles District Jail Facebook page

Bukod kay Bb. Tiglao, makikita rin sa photo exhibit ang mga nakabibighaning National Costumes ng mga kandidata mula sa iba’t ibang probinsya dito sa Pilipinas.

Ang kanilang mga gown na dinisenyo ng iba’t ibang local designers ay nagtatampok ng naturang yaman ng Pilipinas.

Ang mga gowns na ito ng mga Bb. Pilipinas candidates ay personal na makikita sa papalapit na National Costume Fashion Show sa Mayo 29 sa New Frontier Theater. Abangan!