Go Home and Plant Kamote

Naalala ko pa nung high school ako, may naging teacher ako na mahilig magsabi ng “Go home and plant kamote” kapag nakakakuha ka ng mababang grade sa exam or quiz. Di ko makalimutan ito dahil isa ako sa madalas masabihan nito. Kasi naman Science teacher ko sya. Eh di ko naman favorite subject ang syensya. Lalo na ang Math. Para ba kaming di compatible sa isa´t-isa. Parang may kung anong di kami mapagkasunduang problem ni Math. Madalas ko pa nga sabihin noon, lalo na sa Algebra, “Number na kasi, dadagdagan pa ng letter, lalo nang pinakumplikado ang mga bagay-bagay”. Basta marunong kang mag-add, minus, divide saka multiply, di ka na maloloko sa suklian. Pero syempre, nagiging pilosopo na lang ako tuwing sinasabi ko ang mga bagay na iyan. Mahalaga ang bawat formula, method o operations na itinuturo sa paaralan. Iyon nga lang, dapat lubos ang iyong konsentrasyon at atensyon sa lahat ng sasabihin ng iyong mga guro.

Pero papaano magkakaroon ng tamang konsentrasyon ang isang mag-aaral kung ang upuan na pang-dalawahan lang dapat ay apat na estudyante ang nagsisiksikan? Malamang may away pa na maganap kapag isang kaliwete at di kaliwete magsulat ang magkatabi. Twenty-seven years ago, mula private school ay nai-transfer ako sa isang public school dahil sa isang problemang pinansyal na kinaharap ng aking pamilya. Doon ko naranasan ang kaibahan ng buhay ng isang public school student kumpara sa isang estudyante ng pribadong paaralan. Noon, sa isang classroom, 50 (more or less) bata ang nagsisiksikan. Mga libro na lumang-luma na ang pinagtitiyagaang gamitin araw-araw. Minsan, pag minalas ka, kulang na ang libro at kailangan ay dalawa na kayong maghihiraman sa iisang libro.

Nung nakaraang linggo lamang, habang nanonood ako ng isang Pinoy news program, narinig kong sinabi nung reporter na sa ngayon, ang isang karaniwang classroom sa isang public school ay binubuo ng mahigit kumulang 100 na bata. Walang electric fan. Gulagulanit ang mga libro. Sira-sira ang mga classroom. At dahil dito, ang mga estudyante ay nagkakasakit na. Eh papaano pa kakayanin ng iisang guro sa isang classroom na overloading na ang pagtuturo ng may kalidad sa mga bata? Papaano pa mabibigyan ng atensyon ng iisang guro ang lahat ng katanungan, pangangailangan at kahilingan ng mga bata na nais matuto para matupad ang mga munting pangarap?

Hindi biro ang magturo, nakita ko iyan sa mga tiyahin kong guro. At di rin madali ang mag-aral. Pero mas mahirap mag-aral kung kulang ang iyong mga pangangailan sa pag-aaral. Isa sa mga pangunahing pangangailangan ng mag-aaral ay isang lugar na maayos, malinis, at maaliwalas upang maging kumportable sya matuto. Ang mga libro na magsisilbing gabay nila para maunawaan ang lahat nang sinasabi ni Maám ang siyang dapat na ibigay ng gobyerno. Kung wala ang mga nabanggit kong iyan, papaano gaganahan ang isang bata para sundan at tuparin ang kanyang pangarap na makatapos ng pag-aaral sa kabila ng nararanasang kahirapan sa buhay?

Sabi nila, edukasyon ang susi para sa magandang kinabukasan. Sana ganyan din ang paniniwala ng mga tao na may katungkulan sa gobyerno. Malamang, kung hindi bibigyan ng suporta ang edukasyon sa Pilipinas, maraming estudyante ang masasabihan ng, “Go home and plant kamote”. At mas malala pa, pag di na talaga ganado sa pag-aaral si Totoy at si Neneng, at tuluyan nang bumaba ang kanyang mga grades, ay ito na ang masasabi ng teacher nya, “Go home and burn your house”!

About Joy Rebanal-Laygo

Residente ng ibang bansa, Pilipino pa rin sa puso at diwa. Isang anak, kapatid, asawa at ina. Walang pakialam sa sasabihin ng iba.