Gintong Pangarap ni Pepay

(Photo Credit: Deviantart)
(Photo Credit: Deviantart)

Ilang taon na ba siya?

Pakiramdam niya parang kailan lang siya gumraduate, ngunit hindi na maitatago ang edad niya. Hindi na nga siya bumabata.

Ilang taon na rin siyang nakikipagsapalaran sa buhay malayo sa kanyang pamilya. Ni hindi na nga alam ng pamilya niya kung ano ang mga pinaggagagawa niya sa buhay.

Ang alam niya lang kailangan niyang kumayod para mabuhay at matupad ang pangarap.

Ngunit habang tumatagal nararamdaman niyang kahit anong gawin niyang kampay ay wala pa ring nangyayari sa kanyang buhay. Isang kahig, isang tuka pa rin. Mas mahirap pa nga kesa dati dahil sa mabilis na usad ng mundo ngayon parang napag-iiwanan na rin siya.

Pagod na siyang makipagsapalaran, ngunit paano? Wala siyang  ipakikitang dokumento na mayroon man lang siyang kakayahan sa isang larangan. Mahirap ang buhay. At alam niya sa sarili niya, hirap na hirap na siya.

Saan nga ba nag-umpisa ang lahat?

Siyam silang magkakapatid, pang-anim siya. Dati naman ay sagana ang kanilang buhay. Kung tutuusin may kaya ang kanyang ina.  Mayroong mga lupaing pag-aari.  ‘Yun nga lang, ito ay hindi naman nakapagtapos at isang ordinaryong maybahay lang.

Ang kanilang ama, masipag naman, dedikado sa trabaho; hanggang maisipang maging OFW.

Naging sagana naman sila. Ang panganay na kapatid na babae ay nakapag-aral naman sa isang pribadong paaralan upang maging isang nars.

Ngunit sadyang mapagbiro yata ang tadhana.  Ang panganay na inaasahang maging gabay ng mga kapatid, nabuntis, hindi nakapagtapos dahil mas piniling mag-asawa.

Sa galit ng ama, dinamay lahat. Lahat ay  kailangang tumigil sa pag-aaral.  Sa kapanahunan noon, batas ang bawat salita ng ama.  Walang susuway.

Naging pabaya ang ama. Nawalan ng gana na isaayos ang buhay ng mga anak.  Ang kabiguang dinulot ng panganay sa kahirapan mas lalo silang nasadlak.

Ngunit hindi d’yan nagtatapos ang lahat.  Ayaw niyang matali sa bahay. Gusto niyang umasenso.  Kaya’t sa murang edad pinili niyang makitira sa ibang kamag-anak.  Nagtitiis kahit mawalay sa pamilya.

Kampay doon, kampay dito. Sinisikap na makaalpas sa bigkis ng kahirapan.

Minsang sumilay ang pag-asa, ang pangatlong kapatid na lalaki nagpumilit maging sandigan ng mas nakababata.

Pinulong ang natirang walo, kailangan niyang magtrabaho para mapag-aral ang sumunod sa panganay, para sa ikabubuti ng lahat. Kailangang may magsakripisyo.

Ngunit sa kasamaang palad, muling nabigo ang pangarap. Ang kapatid na inasahang magiging gabay, hayun, nagtanan. Ni hindi inisip ang kapakanan ng pamilyang siya ang inaasahan.

Sa sobrang kabiguan,  kapatid na tumulong ngayo’y nagdamdam. Nagpakalayo-layo rin upang ang sakit ng pagkabigo sa mga panganay na kapatid ay makalimutan.

Doon na nag-umpisang ang mga nakababatang kapatid ay magkawatak watak. Ang  bunso ay kinupkop ng mga madre at pinag-aral.  Ang iba kanya-kanyang lipad upang makipagsapalaran.

Disisais lang siya nang mapadpad sa Maynila. Pumasok bilang kasambahay para may masilungan. Dahil sa ipinakitang kasipagan, pinag-aral ng among sadyang may kabaitan. Ngunit hindi ganun kadali ang buhay.  Maraming pagsubok ang pinagdaanan. Maraming mapait na karanasan hanggang ang pangarap ay muling napabayaan.

Minsan pa ang pakikibaka ay sadyang kaakibat ng buhay.  Manalo, matalo basta’t kaya ng katawan.  Ngunit hindi s alahat nang oras ay kayang mapaglabanan.  Tao nga lang hindi perpekto ang buhay, nanghihina din ang katawan.

Sampung taon ang nakalipas, heto pa rin si Pepay, walang natapos sa pangarap na naumpisahan.

Hanggang isang araw isang angel ang nagdaan.  Kinumbinsing umuwi upang ang paglipad ay minsan pang ipagpaliban. Nakapag-isip isip….tama na muna aking katawan. Kailangan nang umuwi sa pinagmulan.

Hindi man natamo ang pinangarap na diploma, ngunit hindi pa rin d’yan nagtatapos ang aking nasimulan. Sapagkat siya ay nabubuhay pa at ang pangarap ay di namamatay.

Heto ako ngayon nangangarap pa rin.  Mayroon na rin akong puwedeng ipagmalaki sa aking pinaghirapan.  Ilang buwan ding binalik-balikan sa eskwelahan, isang sertipikong nagsasabing ako ay nakapasa sa isang pagsasanay at paglinang ng kakayahan.

May hawak na akong papel, may ipakikita na akong katibayan.  Hindi pa man ganap ngunit puwede na rin.  Hindi nga sa edad o kaya sa kasarian ang sukatan ng lahat, kundi kung sino ang matatag sa pagharap sa hamon ng buhay at may tibay na abutin ang mga pangarap.

Wala pa ako sa estadong ‘yan… ngunit ang masisiguro ko lang….ako ay aabot d’yan… mahirap mang abutin ang aking gintong pangarap.

Sadyang ganyan yata ang pangarap…kumikinang sa paningin ngunit kay hirap abutin.

Parang ang ginto sa lusak…akala mo punong puno ng dumi… kailangan mo lang maghanap at magtiyaga upang ito ay makamtan. Tiyak namang dala’y asenso sa kinabukasan.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.