Gintong Pag-Ibig

Old People (Photo Credit:www.bitrebels.com)

May kausap si Joyce noon sa telepono, isang wedding gown designer na taga-Quezon City, nang marinig niya ang marahan ngunit may kabigatang hakbang ay agad siyang nagpaalam sa kausaap sa kabilang linya at mabilis na bumaling sa kanyang likuran.

“Nanay, ba’t hindi n’yo ako tinawag, baka mapaano kayo n’yan,” buhat nito ang isang kahon na puno ng mga lumang damit.

Inako ni Joyce ang pagbubuhat.

Ang matandang Marta iyon, biyenan ni Joyce, ina ng asawa niyang si Lemuel. Matanda na, edad otsenta. Makakalimutin na rin, madalas nga’y sinasabi nito na sitenta y sais lamang siya.

“Nasaan ba si Lemuel?” Mabagal nitong bigkas. Hirap na ring magsalita ang matanda; may kasama pang nginig at malalim na paghinga.

“Ay nasa Ilocos ho, Nanay. May inaasikaso hong reception,” ang sabi ni Joyce na sa sandaling iyon ay inaalalayan na ang matandang Marta sa paglalakad patungo sa sala.

“Aba’y para saan ba ang reception?” sinadya nitong huminto sa paghakbang para mag-usisa. Sa katandaan ay kailangan na nitong tingalain ang kausap upang masayod nang maigi. Lumiit na rin itong tingnan dahil sa pagkakuba, malayong-malayo sa dati nitong hitsura noong dalaga pa. Sa katunayan ay mahilig pang sumali sa mga kontes ng pagandahan noon ang Marta, kaya kung minsan ay ayaw na ayaw rin magpapaalalay. Pilit na pinapantay ang hakbang, ikinokrus pa ang dalawang binti.

“Sa kasal po.”

“Aba’y bumitaw ka nga sa kamay ko, kaya ko pa namang maglakad,” paalala nito kay Joyce.

“Ano ngang sabi mo?”

“Sa kasal ho.”

“Bakit? Magpapakasal na naman kayo ni Lemuel? Pangalawa na iyan, ah. Para namang ang yaman-yaman n’yo, puro kayo kagastusan,” pagalit nitong sita.

“Nasa plano naman ho, Nanay. Nasa budget din.”

“Alam mo, Joyce, ang tunay na pag-ibig, hindi nabibilang kung gaano karaming ulit kayong ikinasal, ang isa ay sapat na. Ang magpapatunay roon ay ang tagal ng inyong pagsasama. Mayroon mang hindi naman ikinasal pero hanggang sa kamatayan ay hindi nag-iwanan. Sila ang gayahin n’yo.”

“25 years naman ho namin.”

“Ay bahala na kayong dalawa, matatanda na kayo.”

silver wedding photo
Photo by Clker-Free-Vector-Images (Pixabay)

Alangan ang ngiting pinakawalan ni Joyce, kahit na matagal na silang magkakasama sa iisang bahay ay may hiya pa rin siyang nararamdaman kapag sila na lamang ng kanyang mga biyenan ang magkakaharap.

“Si Toryo, asan ba iyon?”

Si Toryo, ang asawa nitong bulag na. Tuwing umaga, inaakay ni Marta ang asawa sa labas para paarawan. Sa tapat ng kanilang bahay ay naglalabas siya ng isang upuan para sa asawa, kapag naramdaman na ni Toryo ang mainit na dampi ng sikat ng araw, tatawagin lamang nito ang pangalan ng asawa at susunduin na siya.

Kada buwan din, sa likod ng kanilang bahay ay ginugupitan ni Marta si Toryo sa hapon. Tumatagal iyon ng halos isang oras dahil medyo malabo na rin ang kaliwang mata ng matanda. Kahit ganoon ay may taglay na husay si Marta, pantay pa rin ang pagkakatabas nito sa asawa, parang ginamitan ng dekoryenteng panggupit. Lagi niyang ginagawamg guwapo si Toryo kahit na hindi nito nakikita ang sarili: guwapo ka pa rin. At ngingiti lamang ang Toryo.

“Nasa labas pa ho, ah. Hindi n’yo pa kaya nasusundo,” pagpapaalaala ni Joyce.

“Ay oo nga pala, nakalimutan ko.”

Suot ang salamin nitong kulay brown na may grado rin naman ay marahan itong humakbang palabas ng bahay, nagpakitang-gilas pa nga’t iniwan ang tungkod na kahoy.

“Kaya n’yo ba, Nanay?”

“Mas malakas pa ako sa inaakala mo, Joyce.” Natawa na lang siya. Iiling-iling.

Dinatnan ni Marta ang asawa na akmang tatayo na, kanina pa pala ito nagsisisigaw roon, hindi lamang naririnig mula sa loob dahil sa kalakasan ng musikang tumutugtog sa kapitbahay.

“Ang tagal mo?” tila mainit na ang ulo ng Toryong literal pang pinainit ng sikat ng araw.

“Nakalimutan kita,” matapat na sabi ni Marta.

“Palagi mo na lang akong kinakalimutan. Ikaw, hindi ko nakakalimutan, pero ako, kinakalimutan mo ako.”

“Hindi, ah. Nakalimutan ko lang talaga.”

“Oh, kita mo, nakalimutan mo talaga. Nag-uulyanin ka na.”

“Aba’y natural, matanda na ako.”

“Hmmm, ikaw naman,” isang malamyos na haplos iyon ng kamay ni Marta sa braso ng asawang nagtatampo.

Sinubukan pang hulihin ni Toryo ang kamay ni Marta na tila may haplos na naglalambing ngunit hindi nagtagpo ang kanilang mga kamay, nauna nang tinanggal ni Marta ang pagkakadampi sa asawa kaya’t ang sariling braso na lamang ng Toryo ang kanyang nahawakan. Nakangiti silang pareho.

Dumating si Lemuel na nakamotorsiklo, angkas nito ang anak na galing sa eskuwela.

“Akala ko ba ay nasa Ilocos ka, Lemuel?” ang salubong ni Marta.

“Kanina pa ho akong umaga nakabalik, dumaan lang ako sa opisina, dinaanan ko na rin si Nica.”

“Ilocos? Matagal na akong hindi nakapupunta roon, ah,” sumabat si Toryo sa usapan ng mag-ina, subalit hindi siya napansin nang sumingit din si Joyce.

“Hon, nand’yan ka na pala,” sabay halik sa asawa. Sa labi.

Natikom ang dalawang matandang mag-asawa. Pumagitna sa kanila ang apong si Anica at inakay sila nito papasok.

“Dahan-dahan lang, Nica.” Iyon ang tawag ng dalawang matanda sa nag-iisa nilang apo. Na binibeybe pa rin kahit nagma-masteral na ng kanyang kurso.

Sa may pintuan, habang binobola-bola ng Nica ang kanyang lolo at lola, nagtatalo naman ang dalawang matanda sa edad nila. Pati ang kaarawan ng bawat isa ay pinagdududahan kung Setyembre 13 ba o 15 o Agosto 14 o 17? Tumuloy sila sa beranda.

“Ulyanin ka na kasi,” banat ng Toryo.

“Ako lang ba ang tumanda, ako lang?” Bawi ng Marta.

“Lola, ang birthday n’yo ay September 13, at ikaw naman Lolo ay August 17. Pareho ho kayong 1934,” nakialam na ang Nica.

“Aba’y ba’t alam na alam mo, hija?” pagtataka ng Marta.

“Dahil sariwa pa ang isip n’yan, tayo, labog na! Kumbaga sa itlog, bugok na! Kumbaga sa isda, bilasa na! Kumbaga sa prutas, lanig na!” Sabay humagikgik ng tawa si Toryo. Tumuloy sa pag-ubo nang may kalaliman.

Mabilis na umalalay si Marta, umalis ang Nica para kumuha ng isang basong tubig sa kusina.

Nangapa sa dilim ang Toryo, “Asan ka, Marta,” may halong takot ang tinig nito.

“Naririto ako,” sabay kapit nang mahigpit sa asawang patuloy sa pag-ubo.

Patuloy pang nangapa ang mga kamay ng Toryo hanggang sa nadako iyon sa baywang ni Marta, doon ay mahigpit na nangapit ang mga daliri ng matanda. Hinagod-hagod ni Marta ang likod nito at saka panay ang banggit ng “Ehem!”

“Mamamatay na yata ako, Marta,” nang muling makapagsalita si Toryo. Isang pahiwatig ang pagkakasambit niyon, hindi lamang isang biro.

“Ako rin, Toryo,” ang sagot naman ni Marta. “Sasamahan kita.”

Tila may katahimikang pumailanlang sa dalawang matanda, katahimikang nagbigay ng pahintulot para silang dalawa ay muling magyakap sa pagkakatayo. Ang musikang kanina pa gumagapang mula sa kalapit na bahay ay nakapasok sa kanilang mga damdamin, pagkuwa’y sumabay ang kanilang mga nangangatog na binti sa kumpas nito. Sa isip nila’y sila’y dating mga magnobya’t nobyo lamang na nagkakilala sa isang pista sa Ilocos.

Ang mga alaala’y naglakbay nang pabalik: matapos ang sayawan ay ginabi-gabi ng Toryo ang paniningalang-pugad kay Martang kilalang pinakamaganda at mayumi sa kanilang bayan. Sa paglipad ng panahon, ang singsing na nangangako ng kasal ay malumanay na sumuot sa daliri ni Marta. Pinaningning nito ang damdamin ng isa’t isang magsasama nang mahabang panahon nang hindi nawawalan ng alab ng pag-ibig sa dibdib. Ikinasal sila sa Paoay, Ilocos Norte noong sila’y may ganap nang basbas mula sa kabi-kabilang pamilya. At nagbunga ang mga gabing sila’y magkasuyo at magkatabi, si Lemuel na asawa ngayon ni Joyce.

Hanggang sa ang bunga’y naging puno na rin at muling nagkabunga: si Anica na nakamasid sa dalawang matandang umiiyak na palang magkayakap.

“Malapit na yata tayong mamaalam sa mundong ito, Toryo,” nadinig pa ng dalaga ang huling tinuran ng matanda.

Marahan itong lumapit para iabot kay Toryo ang isang baso ng tubig, kalmado na ang matanda, may mga luha lamang na umagos mula sa mata nitong hindi na nga nakakakita ay nakapikit pa.

“Lolo, ito ho ang tubig,” mahina ang tinig ni Nica.

Naghiwalay ang dalawang matanda, naghawak-kamay para sa paunang paninimbang. Ipinahawak ni Nica ang baso sa nanginginig na kamay ni Toryo. Nang hindi magkaigi ay si Marta ang trumabaho at saka marahang inilapit ang labi ng baso sa labi ng kanyang asawa.

“Kailan n’yo ba kami patatahian ng damit-pamburol?” ang nasambit ng Toryo pagkalagok ng dalawa.

“Lo, naman!”

“Anong lo naman? Napag-usapan na namin ito ng Mommy at Daddy mo. Sundin ninyo ang bilin namin, kung hindi, mumultuhin namin kayo.”

Hindi na nagsalita pa si Nica, tila nagkaroon din ng ilog ng luha sa kanyang magkabilang pisngi. Hawak na muli nito ang baso, bumalik siya sa kusina, sa may sala ay nasalubong niya ang kanyang ama’t ina na may kasamang isang lalaking nakadamit ng kulay gintong pambabae. Patungo sa berandang kinatatambayan ng dalawang matanda.

“Naroon sila, My, Dy,” turo ni Nica.

Tango ang itinugon ng mag-asawa.

“Ang gusto nina Nanay at Tatay ay simpleng-simple lang. Walang masyadong palawit o palamuti, baka raw magmukha silang Christmas tree. Saka namuhay sila nang simple simula noong mga dalaga’t binata pa lamang sila, kaya…” si Lemuel.

“At eto pa, makaluma sila, matanda sa una,” ibinulong na lamang niya iyon sa bisita.

“Ako ang bahala, sinisiguro kong ang bawat himulmol ay walang kaartehan at pawang kasimplehan lamang,” ang bisita na ang pangalan pala ay Marvin.

Naglabas agad ito ng notbuk, bolpen at medida. Lumapit ito kay Toryo at sinimulan ang pagsusukat na parang walang gustong sayanging sandali.

“Ito na ba iyon?” ang atat na matanda.

Sinukat ang dibdib, ang braso, ang baywang, ang leeg, ang hita at binti. Nasa magkabilang parte ni Toryo sina Joyce at Lemuel, umaalalay para hindi matumba sa pagkakatayo. Kasunod na sinukatan si Marta, nakatunghay na muli sa matanda ang saya.

“Ano kaya ang hitsura ko sa loob ng kabaong?” pabiro ng matandang Marta.

“Opkors, maganda ka, Nanay,” ang mananahi.

“E, ako kaya?” si Toryo na ang tuon ng tingin ay sa bahaging walang tao.

“Poging-pogi kayo, Tatay. Teka! Magsasama ba kayo ni Nanay sa iisang kabaong?” tanong ni Marvin.

Nagtawanan ang lahat. Ang dalawang matanda’y nag-akbayan pa nga.

“Iyon nga ang hiling namin sa Diyos,” si Toryo ulit.

Ang mapagbirong matanda ay may hiling palang ganoon sa Diyos. Malakas pa rin ang tawanan nang matapos ang sukatan. Pagkaalis ng bisita’y saka muling gumuhit ang katahimikan sa loob ng bahay, nawala na ang biruan, ang naiwa’y isang pangamba ng pamamaalam.

Magkatabi pa ring natutulog ang dalawang matanda. Kung hindi mangangalay ay nagyayakap pa nga sila, naghahalik din bago matulog. At nagdarasal na sana’y hanggang sa huli, ni walang katiting na mabawas sa kanilang pagmamahalan bilang mag-asawa. Dahil naniniwala sila na ang kasal na nag-isa sa kanilang puso at damdamin ay mananatili magpakailanman.

“Ngayon ko lamang napansin, mahina na pala akong talaga, Marta,” si Toryo na unang pumasok sa loob ng kulambo.

“Ako rin man, Toryo.”

“Sana’y maging mahimbing na ang ating tulog, yaong tulog na wala nang katapusan, para payapa tayo, Marta. Walang mararamdamang hirap at sakit.”

“Sana nga, Toryo. Nawa’y tayo muling dalawa ang nakatadhana sa susunod nating buhay sa mundo.”

“Sana nga.”

Patlang…

“Mahal pa rin kita kahit hindi mo na ako nakikita.”

“Mahal pa rin kita kahit wala kang nakikita.”

“Nadadama ko, Marta.”

“Nadadama ko, Toryo.”

At nakatulog na sila.

Tila naman hindi pa rin dinidinig ang kanilang panalangin dahil maraming umaga pa silang nagising, ngunit isang Linggo ang kakaiba sa lahat: dumilat si Marta na wala si Toryo sa kanyang tabi.

“Toryo?”

Ika-28 ng Disyembre. Wala ito sa buong bahay.

“Bakit ka naman umuna, Toryo?” Humagulgol agad ang matanda, mabilis ang pagbalong ng luha sa kanyang mga mata, “Toryo!”

Dumating si Joyce galing sa labas at agad na niyakap si Marta.

“Nasaan si Toryo, ha?”

“Ssshhh!”

“Si Lemuel, nasaan din?”

“Pupuntahan po natin sila, Nanay,” pilit nitong pinakakalma ang biyenang nasa pagluluksa ang isipan.

Dumating din si Nica sa kuwarto ng matanda, may dala na naman itong isang basong tubig. Napahinahon ng mag-ina si Marta, nagpaalalay ito sa pagpapalit ng damit. Palabas ng bahay ay kapit na kapit ang matanda, tila nadoble ang panghihina nito dahil sa hapis. Nagbiyahe pa rin sila.

Sa pagod ng matanda sa pag-iyak at sa pagdaramdam ay nakatulog ito, nagising na lamang siya na parang nasa loob ng isang magandang panaginip. Namasdan niya ang paligid, kung saan naroon ang kanyang sarili at si Toryo na naghahabulan sa dalampasigan. Tumanaw siya sa malayo, naroroon silang mag-asawa na nagsasayaw sa saliw ng kundimang tugtugin. Sumulyap siya sa gawing kanan, ang natanaw niya ay ang panunuyo ng binatang si Toryo. Na nakaluhod sa kanyang harapan, umaawit ng Anak Dalita sa gitna ng dilim; pinapaoo ang kanyang damdamin. Tumango siya’t tinanggap ang handog nitong singsing — at pagmamahal. Bumaling siya sa gawing kanan, naroroon ang pinakaunang sandali na kapiling nila ang sanggol pa lamang noong si Lemuel.

Huminto ang kotseng sinasakyan nila, bumungad sa kanya ang isang lumang simbahan. Ang kanyang nag-uulyaning isipan ay binalot ng alaala ng pag-ibig at nakaraan, doon sa simbahang iyon sila ikinasal ni Toryo taong 1960.

Tila nanumbalik ang lakas ng matanda nang muling masilayan ang simbahang iyon. Mabilis ang kanyang hakbang patungo sa bulwagang nag-aanyaya sa kanya. Bukas ang pinto. Naunang pumatak ang luha niya bago siya tuluyang nakapanhik. Sa unahan ay hinahagip niya ng tanaw ang kabaong ng kanyang asawa, kung bakit hindi natupad ang pangarap nilang magtatabi hanggang sa kamatayan. Ang kanyang pagmamadali ay may dalawang damdamin: ang damdamin ng unang tagpo at ng huling sandali. Nananaig ang huling sandaling pinapangarap niyang sana’y laging unang tagpo, subalit walang kabaong sa harapan ng altar. Wala! Kundi isang lalaking nakabihis-pangkasal.

Tahimik ang lahat. Nagsimulang tumugtog ang awiting Bituing Marikit ni Nicanor Abelardo. Napalingon sa gilid si Marta, naroroon si Lemuel na may hawak-hawak na isang bagong tahing bestida.

“Isuot n’yo, Nanay,” si Lemuel na nakangiting-nakangiti.

“Ano ba’ng mayroon?” pagtataka nito.

“Happy anniversary ho sa inyo ni Tatay, 50 years na ho kayong kasal.”

“Aba’y hindi ko na iyon natatandaan.”

Photo by rawpixel (Pixabay)

 

Isinuot nga ni Marta ang maganda ngunit simpleng bestida, naroroon ang Marvin sa gilid na siyang nag-zipper ng likod nito.

“Sige na ho, lumakad na kayo, hinihintay ka na po ni Tatay sa altar.”

“Aba’y nakakainis naman kayo,” sa puntong iyon ay parang nag-astang dalaga na ikakasal sa unang pagkakataon si Marta.

“Sige na, Nanay,” udyok ni Joyce.

Humakbang siya nang marahan, sa isip niya, o malamang sa isipan nilang pareho ni Toryo na nasa kanyang unahan, ay ito na ang tinatawag na walang hanggan. Na may pag-ibig na magpakailanman, yaong hanggang sa kahuli-hulihang pintig ng puso ay muli pang mangangako ng panibagong pag-ibig.

Hindi niya naririnig ang sigawan at palakpakan ng mga taong kanyang nalalampasan, bagkus ay nakikita niyang silang mag-asawa ay magiging tulay ng ibang nagmamahalang naroroon para sa walang hanggan ding pag-iibigan. Sa kabila ng pag-uulyaning iyon, ang tunay na pag-ibig ay totoong hindi nakalilimot, pagkat iyon ay nakatatak hindi sa isip, kundi sa puso.

Ang Toryo, kahit nag-aabang sa kadiliman, ay nasasabik pa rin sa paghihintay. Sa kanyang isipan ay nabubuo ang imahe ni Marta na nasasabik din sa kanya. Nang makarating si Marta sa tabi nito, bago pa man makapagsimula ang pari ng banal na seremonya, ay naghalik na ang dalawang matanda. Hindi na nakapaghintay na sabihing: hanggang sa kamatayan ay tayo.

“Ito na ang ating ikalawa’t huling kasal Toryo, sana’y nasisilayan mo ako, sana’y nakikita mo kung gaano ako kasabik na muling makasal sa iyo.”

“Nakikita kita, Marta, pagkaganda-ganda mo, pagkayumi-yumi. Ang mga mata mo’y singhawig pa rin ng dati; nangungusap.”

Nagtitigan nga silang dalawa. Ang Toryo’y umaasta lamang naman noon na nakakakita.

http://sheraldsalamat.blogspot.com/2014/10/gintong-pag-ibig.html

Ang Kuwentong ito ay nagwagi ng ikalawang karangalan sa Saranggola Blog Awards 2014 sa kategoryang maikling kuwento na may temang kilig-pag-ibig.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.