“GIMBAL..”

Nagising ako sa isang hindi pamilyar na silid. Hindi ko maintindihan kung paanong napunta ako dito.

Tanging mapusyaw na liwanag na nagmumula sa isang bumbilya ang siyang nagbibigay ng liwanag sa buong paligid. Sinubukan kong kumilos subalit…

“Ano ito? Bakit hindi ako makagalaw?” sigaw ng isip ko.

Noon ko lang napagtantong nakagapos pala ako. Suminghot-singhot… may naamoy akong mabaho. parang patay na daga.

Nagpalinga linga ako sa paligid at gayun na lamang ang panlalaki ng aking mga mata!

Nagkalat ang mga laman-loob sa paligid ko… mga natuyong dugo…
mga bahagi ng katawan ng tao na pinagpipiyestahan ng mga uod.

Halos bumaliktad ang sikmura ko.

May itak, kutsilyo, martilyo, maso, palakol, plies, alambre at kung anu ano pa ang nakasalansan sa isang tabi.

Hindi nakaligtas sa aking paninghm ang naiwang marka ng natuyong dugo sa itak. Halos manginig ako dulot ng matinding takot.

Sinubukan kong sumigaw, subalit hindi makawala ang tinig ko dahil sa naka-busal ang aking bibig.

“Diyos ko, tulungan n’yo po ako..” piping usal ko habang tigmak sa luha.

Bahagya akong natigilan nang mapansin kong may kung anong bagay na gumagalaw sa gilid ko, partikular sa kanang bahagi. Tila ba may bagay o mas tamang sabihing bahagi ng katawan na dumadantay sa aking balikat. parang umuuga na katawan ng isang.. tao?!

“Diyos ko po!” napalunok ako.

Dahan-dahan kong iniangat ang aking mukha… dahan dahan hanggang sa..

Tumambad sa akin ang nakalambiting katawan ng isang babae sa aking ulunan. Nakatirik ang mga mata at may pumapatak pang likido mula sa bibig nito!

Ang mga matang iyon.. kilalang-kilala ko ang mga matang iyon na para bang nanlilisik na nakatitig sa akin!

Nayanig ang buo kong pagkatao.

Hinde!

Nanginginig ako. umaagos ang luha sa aking mga mata.

Ang katawang nakabitin sa harapan ko ay walang iba.. kundi.. AKO!