GAWIN MO (Isang hamon sa kabataang Filipino )

1448178195_bff4bcd6c2_q_pointing-fingerNakawan, holdapan, pagdodroga, pagpapatayan, pati korapsyon at pangingikil — lahat yan, hindi makakaligtaan na masangkot at maisangkot  ang mga kabataan.

Lulong sa internet, maagang nabubuntis, patambay-tambay sa bangketa at minsan dala-dala ang mga sakong paglalagyan ng kalakal, nabubuhay sa tira ng iba, palaboy laboy, natutulog sa kalsada.

Kung sa kinabukasan sila ba ang ating pagkakatiwalaan? May pag-asa pa nga ba ang ating bayan?

Sa modernong panahon ngayon, ang pagmamahal sa bayan ay isa na lamang multo ng nakaraaan.

Ang bayan?

Kinalimuta’t pinabayaan ngunit kung ating iisipin, dapat bang sisihin ang nakababatang henerasyon sa mga pangayayari ngayon? Hindi. At Oo, ang kabataan pa rin ang pag-asa ng bayan!

Sa patuloy na pagpapakita ng mga nakakatanda ng mga impluwensiyang taliwas sa kung ano ang naisipang tama ng mga kabataan, unti- unting nahuhubog ang kanilang pag-iisip na sundin kung ano man ang kanilang naaaninag. Kung sa halip na kumita ng limpak-limpak na salapi at pagpapayaman ang iniisip ng mga nakakatanda siguro’y napagtutuonan nila ng pansinang tunay na pangangailangan ng ating mga kabataan.

At ‘yan ay isang punto para sa mga nakakatanda. At kung sa tingin mo ay nakatakas ka sa mga pangaral ko, pwes batang Juan, ito ay para sa iyo.

Mahal ka ng magulang mo, dugo’t pawis ang sinakripisyo nila para sa iyo, buong araw kumayod at tiniis ang gutom para may maibigay sa iyo at ‘yan ang dapat una mong iniisip bago mo ginamit ang tuition mo pangbili ng regalong pang-anibersaryo sa girlfriend mo, bago ka rumampa suot suot ang mga maiiksing palda’t nakabuwang buwang ang harapan kasama ng mga kaibigan mong wagas kung uminom ng three-in-one na kape na may whip cream sa isang mamahaling coffe shop na ang tanging naidudulot sa iyo ay ang pagiging diabetiko sa edad na katorse.

Malaki ka na at alam mo na kung ano ang tama at mali at sa halip na maglustay at magpakasasa ka sa mga pinaghirapan ng magulang mo. Paano kaya kung nag-aral ka nang mabuti, kung ang sobra mong pera ay tinipid mo, kung ang sobra mong oras ay ginamit mo sa pagbabasa at paano kaya kung naging isa ka na lang sa mga batang gustong mag-aral ngunit hindi makamtan yaon sapagkat sa murang edad ay nagbubuhat ng bakal sa pier upang magkapera’t mapakain ang kanilang mga magulang at kapatid?

Hindi masama ang magpakasaya. Ang masama? Ay! ang pagpapakasaya na alam mong may naaksaya at may napapasama.

Madaling sabihin, mahirap gawin ngunit kung talagang gusto, palaging mayorong paraan. Datapwat, ito’y isaisip… na marami ang namatay upang ikaw ay mabuhay.

Kaya ang tanong ni Rizal, “ Kabataan, Ikaw pa ba ang pag-asa ng bayan?” kung oo… GAWIN MO!

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.