“Gas Stove” [Kuwento ng Buhay ni Kikay]

Photo credit: article.wn/stevendepolo

REWIND… (balikan, ulitin, tingnan, danasing muli.) Angkop na angkop ito sa salita ng mga kuwentong nakasulat dito, kuwento ng buhay na nagsilbing inspirasyon  sa akin, nagbigay ng lakas ng loob at nagpapatatag sa akin upang pagkatapos ng REWIND ay matutunan ko nang i-PLAY ang buhay at paminsan–minsan mag-REFLECT upang magkaroon ng katuparan ang mga pangarap…

UNA sa tatlong KWENTO (ng Pagpupursige, Pagmamahal at Pagsisi sa buhay)

Sa bawat sulok ng ating gunita, sa bawat halakhak ay may iba’t–ibang alaala na pilit nating kinukubli dahil sa mapait na karanasan, sakit na naramdaman. Subalit kung ating babalikan, bigyan ng pansin na magiging susi ito upang maging matatag tayo sa mga hamon ng buhay.

“GAS STOVE”

Nakatira kami noon sa isang barung-barong sa probinsya, labing-isa kaming magkakapatid. Simpleng  pamumuhay ang mayroon kami noon. Subalit sa bawat pamilya hindi maiiwasan ang pagsubok. Naputulan kami ng kuryente at napilitan kaming gumamit ng gasera. Laging maulan kaya laging basa ang mga panggatong, halos araw -araw parang laging mayroong koprahan sa amin sa tindi ng usok na nililikha ng panggatong.

Photo credit: video blocks

Isang araw, nakita ko ang inay na hirap hirap na sa pagpapaningas ng kahoy. Sa paglapit ko sa kanya, napansin ko na namumula na ang kanyang mga mata na dulot ng mga luha na umaagos dito sanhi ng usok na nalalanghap niya mula sa pagpapaningas ng kahoy.

Tinapik ko siya at tinanong “ok ka lang, Nay?”

Sumagot siya, “ok lang anak” at aking nasabi…”Hayaan n’yo, ‘Nay, pag nakaipon ako, bibilhan kita ng gas stove.

Hindi pa gaanong uso ‘yan sa amin noon. Matindi ang pagnanais ko na maibili ang nanay ko noon, kaya kung saan mayroon nagpapagapas ng palay, nandoon ako, at nagtitiyaga sa init ng araw upang maibili ang nanay ko ng gas stove, kahit  single burner lang.

Pagkatapos ng tatlong araw na pagbibilad sa araw, nakuha ko na ang share ko sa paggagapas, pinagbili ko ito at ang perang napagbentahan ko ay ibinili ko ng gas stove. Umuwi ako nang masayang-masaya para sa nanay ko. Wala siya noon. Inayos ko ang stove at hinugasan ang mga mauling ng mga kaldero, kaserola at iba pa.

Nang dumating ang nanay ay laking tuwa niya nang makita niyang malinis lahat ng gamit at may bago na kaming stove. Hindi na siya mahihirapan pa sa pagluluto, Laking pasasalamat ng nanay ko at halos maluha–luha siya habang nakatitig sa bagong gas stove. Simula noon, naging magaan na ang bawat araw ng nanay ko sa pagluluto para sa amin.

Photo by stevendepolo

PAUSE:

  • Isipin mo ang mga sandaling nakasama ka ng nanay mo sa paghihirap niya, kalungkutan at kasiyahan.
  • Ano ang pinakamalupit mong nagawa para sa nanay mo?
  • Pumikit sandal at mag-imagine na yakap mo ang nanay mo ngayon.
  • Iukit sa iyong puso ang mga masasaya n’yong sandali. Muli, humimlay ka sa kanyang puso at magpahinga..
woman closed eyes photo
Photo by 1DayReview

REFLECT:

Paminsan–minsan ay pansinin mo ang nanay mo. Ano ba naman ang maglinis ka ng bahay, ng mga gamit sa kusina, ipagluto siya ng pagkain, magkuwentuhan ng walang kamatayang lovelife nila ng tatay mo, samahan siya minsan  sa palengke, minsan yakapin at sabihing “mahal kita, Inay” o kaya ay ”ang bango mo, Inay” kahit amoy lupa na, o kaya “bolahin na ang sexy mo pa rin, Inay” kahit naghuhulagpos na ang mga kulubot na bilbil.

Ang mga “minsang” ito ang magsisilbing “kadeno tali” sa inyong relasyon upang hindi dumating ang panahon na mawaglit sa puso mo o malimutan mo na may isang ina na nagmamahal sa iyo nang tunay; na hindi naghihintay ng anumang kapalit.

PANALANANGIN:

Panginoon, kahit busy po sila sa maraming bagay huwag po sana nilang kalimutang bigyang-pansin ang kanilang mga nanay.

Kung may mga panahon na naasar ako sa aking nanay dahil sa pagiging nagger o pagiging abala sa work, bigyan mo po sana kami ng mahabang pasensya, malawak na pang-unawa. Upang kung sumapit ang mga sandaling ito sa buhay ko ay may ngiti sa aking puso na sasabihin ko sa sarili ko, pagod lang si inay.. lambingin ko nga para bumalik ang beauty niya…

Salamat kay Inay, ang takbuhan ko, kung wala akong magawa sa buhay, ang karamay ko kapag brokenhearted, takot, sa tagumpay at higit sa lahat kakampi ko kahit maputi na ang buhok.

Bless all the mothers in the world, especially those mothers who are thirsting for the love, embraces from their children.

mother photo
Photo by josealbafotos (Pixabay)

About REFLECTION

Isang taong mahilig mag muni-muni at magsulat. Nakaranas ng matinding hirap, kalungkutan, pagkabigo, pag-ibig, kasiyahan, pananampalataya at madami pang iba.