First Time Mo?

(Credits: ssprods.com)
(Credits: ssprods.com)
(Credits: ssprods.com)

Dikit-dikit sila habang naglalakad sa hospital, na parang sa oras na maghiwa-hiwalay sila ay katapusan na ng buhay nila. Hindi mo sila mauutusan kung walang kasama, bakas ang nerbyos, kaba at takot sa mukha at mata tuwing may mababanggit ka na medical terms, tipong gusto nilang biglang sunggaban si Pareng Mosby Dictionary at Pareng Mim’s…

Kailan ito nangyayari?    Tuwing pre-clinicals.

Pre-clinicals. Lahat naman yata tayo dumaan sa punto na takot at ilag pa tayo na maiwang mag-isa sa pasyente, dahil noong mga panahon na yun, the best asset na natin ang kakayahang magbilang ng pulso ng one full minute. Ni hindi pa nga tayo masyadong tiwala sa pagkuha ng blood pressure. Pero habang tumatagal, nadadagdagan ang kaalaman natin bilang nurse, lumalawak ang pang-unawa natin kung gaano ba kaimportante ang ginagampanan nating propesyon sa paggamot ng pasyente, pagtulong sa tao at pagpaparamdam ng halaga ng buhay nila.

Bakit nga ba hindi natin balikan yung mga panahon na yun, mga nakatutuwang alaala ng pre-clinicals?

(Paunawa: Hindi ko po balak maliitin ang kakayahan ng taong nabanggit, ito ay mga tunay na karanasan noong student ako at naging instructor, na maaaring makatulong at makapagturo sa iba pag nalaman nila)

  • Tinanong ng classmate ko kung ano yung nakahalo sa suwero ng pasyente niya, nawindang kasi siya dahil nun nagbreak siya kulay puti na PNSS ang nakasabit, tapos biglang naging kulay yellow green… tinanong niya sa akin kung ano yun, seryoso ang mukha kong sumagot na “Mountain Dew” yun… ending, nilagay nya sa charting nya:

>received patient on bed with IVF of PNSS 1L + 8 ounce Mountain Dew (muntikan nya ko di pansinin buong school year…)

  • Tinanong ng staff kung anong kulay ng suwero ni Pt. 1 (ibig sabihin pala nila, yung kulay ng sticker sa swero), sumagot ang CI ko ng pink, D5LRS daw, Pt.2 – light green (PNSS), Pt. 3 – red (D5W), nun ako na tinanong, sabi ko… clear po ma’am… hehehe…
  • OF feeding namin para sa naka-NGT patient, nang biglang tanungin ng student ko kung masarap daw ba yung kinanakain nya… Tumingin pataas ang pasyente, pinakiramdaman ang dila, nashock marahil… hehehe… ako man ay na-shock sa tanong ng student…
  • May isang lumapit na bantay bandang 9:00 am, puwede na raw bang tanggalin yung nasa bibig ng pasyente, nagugutom na daw kasi… tumakbo nang mabilis ang kaklase ko, at sabi niya, “sabi ko na nga ba, may nakalimutan akong thermometer eh…” hehehe, nakalimutan nga, tatag ni manong, one hour nakalagay yung thermometer.
  • First time kukuha ng vitals signs ng mga students ko, sabi ko “gisingin ang pasyente at magpaalam kung kukuhanan ng vital signs…” after 15 minutes, bumalik sa akin ang isang student, “Sir, ayaw pong gumising nung bed 4”, tiningnan ko ang endorsement – Bed 4, Diagnosis: CVA, in deep Coma… sabi ko sa student, try mo yung best mo na gisingin, balik ka sa akin pag nagising mo na…
  • Tinanong ko ang isang student kung ano ang meaning ng I and O, “…ahm, intake and out-take?… ahm… out-reach…?….outburst? …out-loud? ah, naalala ko na po… outpost?
  • Inutusan ko ang dalawang lalaki students na “pausukan” (nebulizer) si nanay, dali-dali silang tumayo at pumunta sa kuwarto ng pasyente, maya-maya bumalik sila, at nagtanong, “sir, san po pwedeng kumuha ng lighter?”
  • TSB para sa may lagnat, binilin ko sa student na punasan ang pasyente, pero sabi daw ng bantay siya na ang gagawa, binilinan daw nya na punasan every 10 minutes… 9:00 am may lagnat ang pasyente, 3:00 pm 36.5 C na temp, hindi pala tumigil sa pagpunas ang bantay… magilas… ending, hypothermia…
  • Charting:

Student: Vital signs taken and record.

Ako: Pate, hindi “Vital signs taken and record.”, dapat “Vital signs taken and recorded” with ED dapat.

Ending:

>Oral meds given

>Vital signs taken and record with –ED

  • Ilang pamatay na meaning ng acronyms:
  1. NSD – Normal Sesarian (Ceasarian) Delivery
  2. TSB – Towel Soap Bath
  3. D5W – Dextrose 5% Wilkins
  4. LMP – Last Menstrual Plow
  5. AOG – Age of Generation
  6. NICU – Newborn Infants Care Unit
  7. BUN – tinapay
  8. CHF – Common Heart Fails
  9. PTB – Partial Tuberculosis
  10. DHF – Dengue High Fever

Ngayon, subukan nating huminga at unawain ang mga bagay na pinagtawanan natin. Ano ba ang punto ko para ibalik pa ang mga alaala na ito? Simple, upang ipaalala sa atin na minsan, lahat tayo pumasok sa mundo ng pagkalinga sa kapwa natin na di natin alam ang lahat ng ginagawa natin. Na minsan, may mga pagkakamali din tayong ginawa nun una tayong sumubok mag-alaga ng sari-sarili nating pasyente. Na dahil dun, natuto tayo ng tama at dapat. Na dahil dun, matatag tayong humaharap ngayon sa anumang sitwasyon na ibabato sa ating ng ating kapalaran sa buhay ng pagiging nurse.

Nagkamali din tayo dati, imposibleng hindi kahit minsan, dumaan tayo lahat sa pagiging estudyante, kaya sana, unawain natin ang mga estudyante. Bilang staff o mas senior sa kanila, o kahit instructor pa, wag silang sigawan na parang hawak mo lahat ng karapatan dahil may lisensya ka. Tandaan mo na lisensya sa pagiging NURSE ang nakuha mo, at hindi lisensya para manuri ng pagkatao ng isang tao. Turuan sila sa paraang maiintindihan nila, sa paraang hindi sila natatakot at komportable sila… Makikita mo, matututo din sila, kailangan mo lang magtiyagang tulungan sila. Isipin mo na lang kung kailangan mong magmemorize ng isang bagay habang hinahabol ng aso, may matandaan ka kaya? ganun ang pakiramdam ng students kung habang tinuturuan mo sila eh ga-mega phone ang amplification ng boses mo, o signal number 4 ang intensity ng mura mo… Mga ma’am at Sir, dati din po kayong estudyante, dumaan po tayo lahat dyan.

Hindi naman daw masama ang magkamali, at lalong hindi kahinaan ang magkagawa nito. Ang pagkakamali ay isang paalala sa atin ng buhay na mayroon pa tayong iuunlad sa ating sarili. Hindi nga daw maituturing na kahinaan ang pagkakamali, bagkus ang kahinaan ay ang kawalan ng kakayahan subukan ang isang bagay… ang kawalan ng tapang na magpasya at magdesisyon sa isang bagay dahil sa takot mong magkamali…

Pero mas tandaan natin, na bilang mga nurse, buhay ang hawak natin. Dumaan tayo sa napasusing pagsasanay, dahil mahirap bigyan ng lugar ang pagkakamali kung aktwal na tayong nag-aalaga ng pasyente. Hindi ito lapis na puwede ulit tasahan pag naputol, calculator na puwedeng bumili ng bago pag nasira o papel na puwedeng ireprint pag may mali. Buhay ito ng tao.

Hindi ba napakalaking biyaya ang marinig mo ang unang uha ng bagong silang na sanggol? o magpunas ng luha at pawis ng nagsilang na ina? O nang minsan ay pasalamatan ka ng isang matanda dahil sa pagpapakain mo sa kanya? O ‘di kaya’y pagpapangiti sa isang bata upang mabawasan ang sakit na nararamdaman nito? Bilang nurse, maswerte ka dahil naramdaman mo ang wala nang mas makahihigit pa kasiyahan sa mundo, ang pagsagip ng buhay gamit ang mga kamay mo.

About Mga-sulat-kamay

Hindi ko sasabihin ako ang ideal na tao... nagkamali, nadapa, nasugatan, dumugo, umiyak.. tumahan, naghilom, nagpeklat at sinubukang muli... ganyan ako, hindi perpekto... pero at least totoo... mga sulatin na may konting amag, pero 100 % biodegradable at consumable... safe but with little side effects.. ^_^