FIRST TIME : ANG BUHAY OFW

“…ang lahat ng bagay na nangyayari sa isang tao ay base sa kanyang desisyong ginagawa…”

First Time. Kailan mo naranasan ang mga first time sa buhay mo?

Nakakatuwang isipin na ang mga bagay sa mundo ay laging nagsisimula sa isang hindi malilimutang karanasan. Mga karanasang bibihira kung mangyari sa buhay ng isang tao. At ang mga karanasang iyon ay tatatak hanggang sa huling mga sandali.

Ikaw? Ano ang mga first time mo? Ako? Simple at mababaw. Mga first time na nangyari pagkatapos ng isang napakahabang panahong iginugol sa apat na sulok ng silid-aralan.

Paano ba harapin ang mga unang pagkakataon? Madali ba itong tanggapin o kailangan pa ng mahabang panahon para sa riyalisasyon?

Maraming bagay na ang dumating sa aking buhay. Mga karananasang nagpatatag at nagpasakit sa aking emosyon at pagkatao. Hindi mabilang kung ilang beses akong nasaktan at nagging masaya. Nang dahil sa mga first time na nangyari sa akin noon, natuto akong tumayo sa sariling paa at nakakaya ko nang intindihin ang hatid ng buhay.

First time? Oo na, tama na ang intro. Anu-ano nga ba ang mga bagay na unang beses ko pa lang naranasan. Ang buhay ko bilang isang dayo. Buhay bilang bagong OFW.

Trabaho. Sa kauna-unahang pagkakataon, ako ay nangibang-bayan. Hindi ko lubos maisip na sa murang gulang ay naghahanap-buhay na. Kunsabagay, desisyon ko rin naman ito para makatulong sa mga taong nagbigay sa akin ng buhay – pamilya. Tama lamang na ibalik sa kanila ang pawis at sakripisyong kanilang ginawa sa akin noon. At ako naman ang gagawa ng paraan para maitaguyod ko ang mga taong nagtaguyod din sa akin.

Suwerte din ang lumukob sa akin. Magandang posisyon at sahod. Hindi biro ang dinanas ko sa paghahanap ng trabaho sa gitna nang napakatinding sinag ng araw. Napakahirap humanap sa gitna ng hidi malamang lugar. Sa awa ng Diyos, isang biyaya rin ang dumating. Isang karanasang lakas ng loob at tiwala sa sarili ang puhunan. Isang mahirap na desisyong hinarap at hinaharap ng iba pa nating mga kababayan. Ako ngayon ay sumasabay sa yapak at agos ng buhay ng ilang Pilipinong naghahangad din ng greener pasteur. Nagpapakahirap magpa-alipin sa mga dayuhan para makapag-uwi ng biyaya sa mga mahal na iniwan. Trabahong minsan ay hindi angkop sa kursong tinapos. Trabahong hindi angkop sa abilidad ay kasanayan. Trabahong pilit na titiisin para sa kakarampot na grasya. Kung tutuusin nga naman, ang sweldo ng isang Pilipino dito sa Gitnang Silangan sa isang buwan ay katumbas na nang mahigit tatlo hanggang limang buwang sahod sa Pilipinas o mahigit pa.

Ngunit sa kabila ng sahod ay lungkot at pag-aalala naman ang kapalit. Iba pa rin ang mamuhay kasama ang mga mahal sa buhay. Walang silbi ang laki ng kinikita kung hindi mo rin naman kapiling ang mga mahahalaga sa iyo. Ngunit talagang ganyan ang buhay, kailangang sumabay sa agos ng panahon at tadhana. Praktikal. Oo, ang mga tao sa ngayon ay nabubuhay na sa practicality. Ngunit sana ay hindi maalis sa isip ng bawat Pilipino ang salitang prinsipyo. Ang mga Pilipinong umalis ay tiyak na babalik. Iba ang buhay ng mya Pinoy at hindi mababayaran ninuman ang kasiyahang dulot sa piling ng mga minamahal.

Bedspacer. Isa na sa mga karanasan ng mga Pilipino sa ibang bansa ang magkaroon ng tahanan – tahanang malayo sa kinagisnan. At ako, sa kauna-unahang pagkakataon, naranasan ko ang mag-bedspace, Napakahirap ng nag-iisa. Napakahirap dahil wala katiyakan. Napakahirap sa hindi mo kinagisnang tahanan at lugar. Kauna-unanahang pagkakataong makisalamuha sa mga ipis at surot na nagsisipaggalawan sa ibabaw ng kinakainan. Isang siksikang silid na siyam ang laman. Walang espasyo sa pagkain at paglalaba. Isang napakahirap na karanasang hinding-hindi ko makakalimutan.

Nasanay ang aking katawan na manirahan sa sariling bahay. Noong panahon pa na ako ay nag-aaal ay hindi pinaranas sa akin ang buhay isang bespacer. Marami raw tukso sa lipunan. Mabuti nang nakikita ako araw-araw. At ang karanasang tumira sa isang bedspace lang kasama ang hindi kakilala ay isang bagay nakailanman ay hindi ko pa nagagawa.

Tiis. Iyan lamang ang tanging dapat gawin para makasabay sa agos ng buhay. Hindi lahat ng mga pangyayari sa buhay ay kailangan ay puro sarap. Kailangan din paminsan-minsan ay mamuhay base sa takbo ng panahon. Kung hindi mamakasabay sa daloy, tiyak mapag-iiwanan.

Walang Pasko. Iba ang Pasko sa Pinas. Wala nang iba pang bansa sa mundo ang makakapantay sa selebrasyon nating mga Pilipino. Noche Buena, Christmas carols, party, simban g gabi, puto bumbong, bibingka, gift giving, parol at Christmas songs ay ilan lamang sa palatandaan ng “paskong pinoy”. Sa kauna-unahang pagkakataon, wala akong Pasko. Meron man – simple at hindi ramdam. Dahil nga nasa Gitnang Silangan, walang pagdiriwang – at tanging ngiti na lamang at konting salu-salo ng mga kababayan natin dito ang siyang magaganap. May pasok ang mga opisina kapag Pasko ay sumapit dahil isa itong ordinaryong araw dito. Ngunit sa kabilang banda, buhay pa rin ang diwa nito kahit sa simpleng selebrasyon.

Napakahirap nang masanay sa masayang Pasko. Kahit na naghihirap ang Pinas, hindi lalampas ang Pasko nang walang pagdiriwang – ganyan ang Pinoy, pilit na nilalabanan ang buhay sa gitna ng krisis na nararanasan at ito lamang ang tanging araw na may dalang saya, ngiti at kagalakan.

Ngayon lamang ako nakaranas ng Paskong malungkot. Paskong malasyo sa kinagisnan. Paskong malayo sa pamilya at kaibigan. Sama-sama na lamang ang iba pang Pilipino para maidaos ang pagdiriwang. Sariling pasko – pasko sa piling ng ibang tao. Pero ganyan talaga ang buhay kailangang magparaya sa kagustuhan ng panahon. Kahit na walang pamosong selebrasyon, ang Pasko pa rin ay nasa puso ng bawat Pilipino saan mang panig ito ng mundo.

Races. It is one thing that we Filipinos should expect for and that is to deal with other nations and races. Ang katotohanan kasama ang iba’t ibang lahi ng daigdig: Asyano, Latino, Hapon, Intsik, Indyano, Arabo, Amerikano at Briton ay ilan lamang sa mga lahing nagkalat sa buong daigdig.
Ang makisalamuha sa ibang lahi ay isa sa mga hindi ko malilimutan. First time. Ngunit sa kabila ng pagkakaiba-iba ay nandoon naman ang pagkakaisa pagdating sa trabaho. Walang lahi-lahi dahil iisang pamilya ang turingan. Isang bagay ang aking ikinagalak – ang mapakinggan ang ibang lahi na sinasalita ang ilan sa mga wikang Tagalog. Napakalaking ngiti at nakakapawi ng pagod ang mapakinggan silang binibigkas ang mga salitang : salamat, kumusta ka?, pare, maraming gagawin, magandang umaga, babalik ka ulit, walang anuman, mabuti at maraming pang iba.

Ang pagkakaiba-iba ang naging tulay ng pagkakaisa sa pag-unawa ng iba’t ibang kultura, wika at pamumuhay ng daigdig. Nakakatuwang pakinggan na kahit ibang nayon ay nakikiisa sa pagpapalaganap ng wikang pambansa. At bilang ganti, nararapat lamang na matutunan din natin ang kanilang wikang may sariling kahulugan at pagkakakilanlan. Ngunit kung ihahalintulad natin ang ating sarili sa ibang lahi pagdating sa hygiene at manner — iba pa rin ang Pinoy, dahil tayo ay may kaaya-ayang amoy!

Trabaho, Bedspace, Pasko at Races ay ilan lamang sa mga first time na naranasan ko at mararanasan din ng ibang Pilipino na naghahangad din ng greener pasteur. Basta, always give your best shot. Kahit na ano ang uri ng first time ang iyong kahaharapin, laging tandaan na ang lahat ng bagay na nangyayari sa isang tao ay base sa kanyang desisyong ginagawa. Kaya sa lahat ng unang pagkakataon sa buhay, pangit man o maganda, ito ay tanggapin dahil ito ay mangyayari. Ang ginawa ko ay isang desisyon – na hindi na kailangan pa ng isang mahabang riyalisasyon.

Enhanced by Zemanta