First Kiss ni Lesbian

(Photo credit: writeandreadnow.blogspot.com)

 

(Photo credit: writeandreadnow.blogspot.com)
(Photo credit: writeandreadnow.blogspot.com)

Ako si Ading; lumaki nang hindi naranasan ang pag-aaruga ng isang ina. Ako ang bunso sa aming anim na magkakapatid, lagi kong kasama si Tatay at ang mga kapatid kong lalaki sa bahay. Kaya nagkaisip ako nang kilos lalaki, sa tindig at porma.  Astigin talaga!

Minsan, ni pagsaing ay si Kuya ko pa ang gagawa at ako ang tagahugas ng mga pinggan. Lumaki ako sa piling ni Ama, dahil isang OFW si Ina. Minsan, ‘di ko maiwasan ang mainggit sa mga kaklase ko na may Inang kasabay sa paglalakad o sa mga kasiyahan sa paaralan. Pero ako, si Tatay at Kuya ang naging Nanay ko.   Kaya pati pantalon nila ay sinusuot ko.

Sa aking pagbibinata, este sa pagdadalaga ko, isang parte ng buhay ko ang hindi ko malilimutan; nang minsan kami’y napadaan sa isang bahay na may puno ng mangga na hitik sa bunga. At dahil tulo laway kami,  sinubukan naming magpaalam bilang respeto sa may-ari.  Ngunit isang masungit na lalaki ang humarap sa amin!

Kung pusong babae lang sana ako, tiyak matitipuhan ko ang mokong na iyon. Isang sigaw na NO! Bawal daw manguha sa mangga nila.   Ngunit ang pagtanggi n’ya ay sinuway ko.  Agad akong kumuha ng malaking bato, sabay itsa nang malakas, sentro sa mga bunga at sabay karipas ng takbo! Sa kamalasan nga naman, naiwan ang paborito kong sumbrero. Kaya nadali at linyang:

“Hoy! magnanakaw!” ang sigaw n’ya sa akin.

“Hoy ka rin! Pagnanakaw ba iyon?  ‘Di ba nagpaalam kami?”  matapang kong sagot.

Kahit nasa ibang bansa si Ina ay nakamonitor ang mga marka ko. Ang tanging hiling lang ni Nanay ay 80 na grado. Salamat na lang at isang subject lang ang bagsak ko, sa Math 78.  Hindi nadala ng hila ni Titser. ‘Di ko kasi puwedeng kindatan, ang sungit kasi ni Maam.  Kahit malayo si Nanay, kahit hindi ko nadama ang kanyang pag-aaruga, bilang anak naman, gusto ko pa ring ipadama sa kanya ang pagmamahal at pagpapahalaga; handog sa kanyang pinaghirapan para sa aking kinabukasan.

Isang araw, si Tadhana naman talaga’y mapaglaro;  sa lahat ng tao na ayaw kong makita ay siya pang sadya ang aking nakasalamuha.  Dagdag pa sa sama ng panahon, habang  kalakasan ang ulan, kung mamalasin nga naman; isang malakas na boses ang aking naulinigan.

“Hoy! Suplada, sakay na!” sigaw n’ya sa akin.

“Hoy ka rin! Bastos!” sa astig kong boses.

Di ko namalayan na may kasama pala siyang bebot, at sa hitsura nito na ala-chaka doll ang make up, halos hanggang tainga ang takong pangratsada. Super badtrip akong makita ang dalawa.

Pagkalipas ng isang linggo, isang gabi na kailanman ay hindi ko malilimutan; habang kabisihan ng sayawan sa discohan at inuman, halos lahat ay may kanya-kanyang bubuyog.  Ako lang ang napa-out of place dahil wala akong matipuhan. Medyo naghari na ang alak sa utak ko, at bago ako masuntok nina Kuya, agad akong nagpaalam sa tropa upang umuwi, ngunit isang boses ang aking narinig mula sa aking likuran:

“Sabay ka na sa amin, pauwi na kami!” sabay hila sa braso ko.

“Ano? Teka! Ano ba’ng problema mo?” galit kong sagot.

“Ikaw ang problema ko!” galit din n’yang sagot sa akin.

Di ko na matandaan kung ano pa ang mga linya na aking nabanggit. Ang tanging natatandaan ko ay ang mainit n’yang labi na humalik sa akin. Biglang nawala ang kalasingan ko sa mga sandaling iyun; at isang damdamin na hindi maipaliwanag. Bigla akong natauhan at isang malakas na sampal ang aking pinakawalan sa pisngi n’ya. Pero, imbis na magalit, isang halik sa aking pisngi at linyang:

“Ingat ka, nandito lang ako,” sabay kindat sa akin.

Lumipas ang anim na taon, maraming nagbago sa buhay ko. ‘Di lang sa pisikal kundi natuto akong kumilos bilang babae, nakisabay na rin ako sa pagsuot ng may mga takong.  Bagong ako, nawala na ang astigin na Ading sa bayan namin.  Sadya nga bang pilit pagtatagpuin ni Tadhana ang landas namin ng lalaki na unang humalik sa akin?  Dahil habang sakay ako ng bus, isang boses sa aking likuran, boses na kahit maraming taon na ang lumipas ay sariwa pa rin sa aking pandinig.

Ano ang number mo?” tanong n’ya sa akin.

“Bakit, reloader ka ba?” suplada kong sagot.

Dito nagsimulang magbago ang lahat; naging masugid ko s’yang manliligaw. Tawag at text, ‘di siya napapagod na ihatid-sundo ako. Pero, isang malaking hadlang sa amin ay ang aking pamilya.  Isa sila sa may malaking pagtutol sa panliligaw n’ya.

‘Ika nga nila, sa unang pagkakataon ay naranasan ko ang umibig. Tama, pag-ibig o pagtingin na pilit ko palang pinapatay sa mahabang panahon. Binigay ko ang matamis kong OO sa taong nagpadama at nagpabago sa akin.

Sinuway ko ang batas ng aking pamilya, sa kabila ng isang katotohanan na may anak na pala s’ya sa karatig bayan.  Ipinaglaban ko ang pagmamahalan namin. Umalis kami; sa madaling salita, NAGTANAN.  Nagpakalayo-layo kami sa pamilya namin, ngunit pagkalipas ng dalawang buwan at dahil sa karamdaman ng kanyang ina, sumuko at umuwi kami. At dahil tatlong buwan na rin akong buntis, pinakasal kami sa Mayor.

Naging maayos ang pagsasama namin, pero ang hindi ko makalilimutan ay nang ganap na akong patawarin ng aking pamilya. Araw ng aking kapanganakan nang taos-puso akong pinatawad ni Tatay.  Tanggap na n’ya ang aking mister na inayawan n’ya at sabay hinimas niya ang aking tiyan na kung saan ilang oras na lang ay iisilang ko na ang kanyang apo. Tama nga ang kasabihan na walang magulang na kayang baliwalain ang anak, nandiyan lagi ang pagpapatawad sa puso ng isang magulang.

Ngayon, Heto! Isa na rin akong OFW, sumunod sa yapak ni Nanay.  Malayo man ako sa mga mahal ko sa buhay, panatag ang loob kong nasa maayos na tahanan ang aking pamilya, at naghihintay sa aking pagbabalik upang makapiling ko silang muli.

At siyempre, upang madamang muli ang FIRST AND EVERLASTING KISS.

About jovelyn

Im not a good writer but i love to 🙂 Masaya din, Malungkot din (Karanasan ng OFW) this is my first book under my name as a writer and Sindi Ng Lampara OFW stories book with Raquel D. Padilla and DFBI writers, columnist in Pilipino Star Ngayon Middle East [email protected] Super kulit at kalog..proud bisdak at tamad na masipag na yaya:)