Finding Love in the Most Unexpected Places

7:20 A.M. Malapit na akong malate. Traffic pa naman sa may Kalayaan kaya siguradong di na ako aabot sa oras. 8 A. M. ang pasok ko sa office…Monday pa naman ngayon. Sinakripisyo ko na yung breakfast ko at umalis na ng bahay sabay para ng tricycle palabas ng village namin. Ganito ang scenario araw araw lalo pag malelate na ako. Ngayong araw na ito, umalis ako sa bahay ng hindi nakasuklay ng mabuti ang buhok, di na rin ako nagpulbos, maputla at halatang kagigising pa lang.

Pagkababa ko ng tricycle ay dali dali akong naglakad papuntang sakayan ng jeep. Medyo malayo rin yung lakaran kasi sa may dulo pa yun ng palengke. Habang naglalakad ay nagsusuklay, nag-aayos ng mukha at naghahanda ako ng pamasahe kong dose pesos mula C-5 housing hanggang Kalayaan. Lakad takbo na nga ang ginagawa ko dahil alam ko namang mahaba na naman ang pila sa jeep nyan.

7:35 A.M. nakapila na ako para makasakay sa jeep. Ang pila patok sa takilya! Hay kelan kaya ako makakasakay nito? Nawawalan na ako ng pag-asang umabot sa cut-off time na alas otso. Andami ko pa namang dala at inaantok pa talaga ako. Habang nangangalkal ako ng bag, biglang nalaglag yung panyo ko. Malas naman, di ko pa nagamit nadumihan na nga. Tapos pinulot ni kuyang nakapila sa likod ko, iniabot nya sa akin. Humarap ako, tapos ngumiti bilang pasasalamat. Cute si kuya. Ewan ko, nakatrip ba ako noon o inaantok lang, di ko maalala. Tapos sumakay na kami ng jeep. Magkaharap kami. Nakatingin sya sa labas ako naman nakatingin sa kanya.Tumigil yung jeep sa may Market Market tapos nahuli ako ni kuyang nakatingin sa kanya bigla tuloy akong naconcious at mula sa kawalan naisip ko na lang na, “Sana magkita kami ulit-sa ibang pagkakataon.”

Mga ilang linggo na din yung lumipas. Nawala ka na sa isip ko. Linggo noon. Pagkatapos ng samba, nakita kita sa labas ng kapilya. Mantakin mo, may koneksyon pala tayo. Mula noon lagi na kitang inaabangan sa labas ng kapilya pag linggo ng hapon. Minsan nakikita kita, minsan hindi. Ayos na ako sa patingin tingin lang. Masaya na ako doon. Sabi ko na nga ba, magkikita ulit tayo.

December 2011, malamig na naman, at dinadamdam ko ang pagiging single ko sa mga panahong ganito. Desperado na ba ako? Well, hindi ko alam.Sabi ko sa isang kasamahan ko sa kapilya bigyan nya naman ako ng pwedeng makausap sa FB o text na kachurch namin. Pero palyado pa rin. Suko na nga ako. Isang gabi habang naglalakad kami sa palabas ng kapilya nakita ko ulit si kuya at sa kagandang palad ay kilala pala ito ng kaibigan ko. Ayun nalaman ko ang pangalan ni kuya. Parang matagal ko ng naririnig ang pangalan na yun. Umuwi akong masaya noong gabing yun.

Nagdadalawang isip ako kung iaadd ko ba si kuya sa FB. Pero ginawa ko, nag “Hello” na rin ako sa kanya. Ilang araw ang lumipas, nagreply sya, nagchat kami. Lumabas and everything is history.

Pag umaga pumipila pa rin ako sa sakayan ng jeep. Pero ngayon, dalawa na kami ni kuyang pumipila.

Salamat sa panyo kong nalaglag, si kuya noon na ngayon ay si “mahal”na.

Photo credit: flickr.com