Exclusive Human Rights: Hindi para sa lahat ang Karapatang Pantao

fist-icon

Ito ang simula ng isang panahon ng pagbabago at ang sentro nito sa mga nakalipas na buwan ay ang balangkas ng karapatang panato. Pero ano ba ang ating pagkakaunawa sa ideya ng karapatang pantao at ano ba ang pagkatao’t pagiging tao para sa marami ng ating mga kapwa mamamayan.

Naniniwala ako na kagustuhan ng marami sa ating mga kapwa mamamayan na baguhin ang ating pagkakaunawa ng karapatang pantao, o sa madaling salita, umuusbong na ang isang kaisipan kung saan ang karapatang pantao ay para lamang sa mga may kakayahan at kagustuhang igalang ang mga karapatan ng iba; na ang mga salot ng lipunan ay hindi nararapat dahil binubulok nila ang ating lipunan.

Naniniwala akong tama ang pananaw na ito subalit hindi natin maaaring iwasan ang katotohanang labag ito sa ideya ng Universal Human Rights na kasalukuyang at patuloy na ipinagdidiinan ng mga liberal na sektor ng ating pamayanan. Nakasalalay sa kasalukuyang tunggaliang ito ang kinabukasan ng ating mga prinsipyong pambayan at pampulitika at dahil dito nararapat lamang na ating mas bigyan diin ang adhikaing baguhin ang kasalukuyang balangkas ng karapatang pantao dito sa Pilipinas.

Marami ang naniniwala na ang mga salot ng lipunan ay hindi mga tao’t mas masahol pa sa hayop, at tinalakay ng mga nauna kong akda ang paniniwalang ito (http://balita.definitelyfilipino.com/posts/2016/08/karapatang-pantao-mga-salot-ng-lipunan/ at http://kickerdaily.com/posts/2016/08/commentary-universal-human-rights-state-building-under-the-duterte-administration/). Bukod pa rito, ramdam nang marami ang pangangailangang isailalim sa naaayong pagbalik ng Death Penalty ang kampanya laban sa droga’t kriminalidad (http://kickerdaily.com/posts/2016/08/the-necessary-return-of-death-penalty/).

Ngunit paano nga ba sumibol ang kaisipang ito? Ano ba ang ugat nito? Maraming maaaring matukoy na dahilan subalit mas gusto kong bigyan ng bigat ang mga sumusunod na paniniwala: (1) na hindi lahat ay nakikinabang sa mga karapatang pantao; (2) na maaari itong gawing taguan ng mga criminal; (3) wala naman itong naidudulot na mabuti sa ating lipunan.

Sa likod ng paniniwalang ito ay ang katotohang marami’t malalim ang mga naging pagkukulang ang pamahalaan; mga pagkukulang na nagdulot ng di sapat na kasiguruhan para sa nakararami sa ating mga kapwa mamamayan. Marami ang patuloy na namumuhay sa takot at kahirapan at dahil dito, lumalabas na walang pakinabang ang karapatang pantaong inilapat United Nations. Bukod pa rito ang mga korte’t kapulisan ay lugmok sa mga problema’t pagkukulang nagdulot di lamang ng mga backlog sa loob ng mga korte kundi pati na rin sa kawalan ng kakayahang itaguyod ang batas sa harap ng mga may yaman at kapangyarihan sa ating bansa.

Ayon sa mga pananaw na ito, kailangan nating alalahanin na ang tibay ng batas ay ayon sa kakayahan at katinuan ng mga dapat magpatupad nito (ang pamahalaan), at ang malawakang kawalan ng tiwala sa pamahalaan ay nagbunga ng kawalan ng tiwala sa batas, kabilang na ang ating mga karapatang pantao.

Bukod pa rito, ang karapatang pantao ay di batay sa mga pamantayang biological kundi sa kung ano ba ang pagkatao para sa ating mga sarili at sa ating bayan. Ano ba ang mga pamantayan natin ng pagkatao, kapwa, at salot. Ano ba ang nararapat na relasyon sa pagitan ng pagkatao’t sistemang pampuilitika (ang ating mga batas, korte, kapulisan at pamahalaan bilang isnag kabuuan).

Dahil dito, makikita na ang kasalukuyang pananaw ukol sa pagsuspende sa mga karapatang pantao para sa isang kampanya laban sa kriminalidad ay isang panawagan para sa isang malalimang pagbabago sa mga prinsipyong pampulitika ng ating bayan.

Ito na ang panahon para muling pag-usapan ang ugat ng karapatang pantao at bilang panimula, aking iminumungkahi na ayon sa kagustuhan ng marami sa ating mga kababayan, ang karapatang pantao ay dapat ituring na para lamang sa mga may kagustuhang igalang ang karapatan ng mga kapwa nila. Bukod pa rito, dapat nating pagtibayin ang ating pagkakaunawa’t pagkasuklam sa mga salot ng lipunan hanggang sa punto na mapagtatanto natin na ang mga ito ay dapat mabura sa ating lipunan sa pamamagitan ng isang matatag at matinong pamahalaan. Ako’y naniniwala na ito ang pulso ng nakararami; isang pulsong isinantabi’t pinilit na kalimutan o puksain pero patuloy at matagal nang tumitibok dahil sa paghahari ng mga salot sa ating lipunan.

Salot ang kahirapan ngunit ang dapat mawala ay ang mga taong nagpapahirap sa iba. Salot sa lipunan ang pagkalulong sa droga ngunit ang dapat mawala ay ang mga taong nagtutulak nito at ang mga kondisyong kanilang sinasamantala, at hindi ang mga naging biktima. Salot sa lipunan ang korupsyon sa pamahalaan at dapat mawala ang taong bumubulok sa ating sistemang pampulitika. Salot sa lipunan ang kawalan ng trabaho’t kasiguruhan sa bawat pamilyang Pilipino ngunit ang dapat mawala ay ang mga taong pinagkakakitaan ang hirap, dugo, at pawis ng iba. Mahalaga ang karapatang pantao subali’t hindi nakakatulong kung igiit ito nang hindi ayon sa ating dikotomiya ng kapwa at salot, at sa kasalukuyan at malawakang kawalan ng tiwala sa kakayahan ng ating pamahalaan.

Nagsisimula pa lang ang kasalukuyang administrasyon at nararapat lamang na ito’y kumilos nang ayon sa mga adhikaing batay sa isang panibago’t nakabubuting prinsipyo ukol sa karapatang pantao. Ito ang panahon para baguhin ang ating mga balangkas at lubusan na iayon ang mga prinsipyo’t gawain natin sa kung ano ba ang itinuturing ng nakararami na mabuti para sa ating bayan.

Anthony A. Borja

Tingnan:

(United Nations Universal Declaration of Human Rights: http://www.un.org/en/universal-declaration-human-rights/)

 

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.