Every Teacher’s Dream

Image credit to BG

Nakita ko ito sa aking newsfeed sa Facebook. Hindi ko nakayang lampasan dahil ang larawan na ito ay sadyang kapukaw-pukaw. Mapapaisip ka. Maaalala mo ang mga guro na naging mabigat ang dating sa iyo… o isang guro na nagbigay ng inspirasyon sa iyo para marating mo ang mga nais mo sa buhay.

Mayroong ganoon, ‘di ba? Mga guro na tila anghel sa panahon na kailangan mo ng motibasyon, ng inspirasyon, ng guardian angel.

angel photo
Photo by pixel2013 (Pixabay)

Ang kalakip na kuwento ng gurong awtor na si Ginoong Richard De Leon ay hahaplos sa inyong puso at isip.

Kung isa kang guro, marahil ay may mga kuwento ka ring masarap ibahagi — mga dating mag-aaral mo na hindi ka pa rin nalilimutan at nagbalik ng pasasalamat; mga dating estudyante mo na dahil sa iyong motibasyon ay nagkaroon ng bilib at kumpiyansa sa sarili. Fave teachers, ‘ika nga, na nakatatak na sa iyong puso.

Kung isa kang dating mag-aaral, marahil ay maaalala mo ang iyong mga kinagiliwang guro na ang mukha at pangalan ay tila nakaukit na sa iyong memorya….lalo na kung isa kang naging “Teacher’s Pet” o isang simpleng bata na binigyan ng mga salitang nagtulak sa iyo para baguhin ang iyong buhay at ito’y mas napabuti.

Ke Teachers’ Monthman o hindi…year round ang ating pasasalamat sa mga guro na may dedikasyon sa kanilang propesyon. Mahirap bilangin ang dami ng estudyante na dumaan na sa isang guro lalo na kung ilang dekada nang nagtuturo. Ngunit ang ilang mag-aaral na nakakaalala ay tila mga trophies ng kanilang pagpupursige, ‘di ba?

Narito ang kuwento ni Ginoong De Leon. Sino ka sa tatlong characters sa kuwentong ito?

Isang araw, naisipang kumain ng gurong si Ms. Pag-asa sa isang restaurant. Matapos umorder at makakain, tinawag niya ang waiter para magbill out. Lumapit ang nakangiting waiter at ang sabi, “Mam, you don’t need to pay na po.”

“Bakit?” Maang na tanong ni Ms. Pag-asa.

Lumabas ang manager ng resto.

“Hello po, Miss! Remember me po? Naging student niyo po ako sa dati…” sabi ng manager.

Masayang umuwi si Ms. Pag-asa dahil nakita niyang matagumpay ang isa sa mga naging mag-aaral niya. Sumakay siya ng dyip pauwi. Habang bumabagtas ang sasakyan, tatlong lalaki ang naghayag ng holdap. Ang isa ay sumabit sa labas, ang isa ay nanutok ng baril, ang isa ay isa-isang kinuha ang mahahalagang gamit ng mga takot na pasahero. Nang nasa tapat na ni Ms. Pag-asa ang holdaper, napahinto ito at napatitig sa kanya. Namukhaan ni Ms. Pag-asa ang holdaper: ang dati niyang mag-aaral na kabilang sa advisory class noong ikaapat na taon nito sa hayskul. Ang kanyang mag-aaral na tatahi-tahimik at laging nasa sulok. Nakita niya ang saglit na kislap sa mga mata nito, subalit saglit ding naparam dahil kailangan nitong magmadali sa pangungulimbat. Hindi nito kinuha ang kanyang mga gamit.

Bago bumaba at tuluyang tumalilis ang mga holdaper, makalawang sumulyap ang ikatlong holdaper kay Ms. Pag-asa, bago sila tuluyang lamunin ng dilim.

Share us your thoughts. May naalala ka ba?

About Mommyjoyce

Isang simpleng nanay na adik magbasa, adik magsulat at adik sa anak! Idol ko si Mother Theresa, kaboses ako dati ni Ate Shawie Cuneta (joke); maawain sa mga madudungis, siga sa mga taong nang-aapi, at lifecoach sa mga kabataan at mga magulang na walang ibang makausap, Ang simpleng motto ko in life: Cherish everyday (not just because it could be my last); kundi kasi, bukas iba na naman ang flavor ng buhay! Kaya namnaming maigi!