“Ermitanyo”

Lumaki ang karamihan sa atin sa popular na katagang “No man is an island.”

Ibig raw nitong sabihin ayon sa mga ordinaryong tao ay hindi raw kaya ng tao ang mamuhay mag-isa. Kailangan niya ang ibang tao para may makausap, makasama, makatulong, mahalin, at alagaan.

Mula naman kay John Donne kung saan talaga hango ang katagang ito, sinasabi nyang ang bawat kilos o pangyayari sa ating buhay ay may epekto sa iba, hindi lamang sa sarili. Maging ang kamatayan ng isa ay may katapat na kabawasan sa kapwa tao niya.

Kung nakanta mo na ang “Pananagutan” sa simbahan, malamang naiintindihan mo ang sinasabi ni John Donne.

Pero minsan mapapaisip ka. Apektado nga ba tayo sa pagkawala ng isang tao? Nagmamahalan nga ba ang mga tao? Nagtutulungan nga ba sila sa panahon nang pangangailangan? Inaalagaan nga ba nila ang isa’t-isa at inuuna ba nila ang kapakanan ng iba pang tao kaysa sa sarili nila?

Nakakatawang isipin pero minsan mas nararamdaman ko ang pagmamahal ng Diyos sa sikat ng araw, sa huni ng mga ibon, sa kinang ng hamog sa mga halamanan, at sa sayaw ng mga puno sa hangin, imbis sa mga tao – mga nilalang na katulad ko.

Kaya hindi ako nagugulat kung may mga taong pinipiling makasama ang mga hayop (tulad ng aso o pusa) sa buhay nila. Ang iba pa nga’y pinamamanahan ang mga ito pagkamatay nila.

Minsan kasi astang tao na rin ang mga alagang minamahal natin, at astang hayop ang mga tao sa paligid natin.

Sabi nga ni Tessa kay Kapitan Sino (sa panulat ni Bob Ong), “Maraming tao rito and mas malungkot pa sa taong nakatira sa buwan. Saka hindi naman kailangan ang maraming tao para bumuo ng mundo eh.”

Sinabi rin ng ahas sa The Little Prince (sa panulat ni Antoine de Saint-Exupéry) “Nakapangungulila rin sa piling ng mga tao.”

Minsan, gusto ko na lang tuloy maging ermitanyo.

Photo credit: uniquegiftideashq.com

Enhanced by Zemanta

1 Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.