“Empanada” (OFW-Kuwento Ng Buhay)

empanada“Naku tinanghali ako ng gising! Mag-aalas singko na, papasok pa ang mga bata at kaming mag-asawa. Hindi ko pa nagagayak at naisasalang ang empanada,” sambit ko sa sarili na nagdudumaling pumunta sa kusina at mag-isang naghanda ng ilulutong empanada.

Hindi ko kasi maistorbo ang aking asawa na kauuwi lang kaninang alas dos ng madaling araw mula sa pagsideline sa construction.“Naku male-late ako nito sa pagamutan na pinagtatrabahuan ko!” sabay salang sa empanada sa hurno.

Pete, gumising ka na riyan! Pakigising na rin ang apat mong anak at mahuhuli na tayo; alas singko kuwarenta’y singko na. Bilis!” ratsada na naman ng bibig ko kapag may pasok.

“Bakit naman kasi itong mga anak mo hindi kusang gumigising!” sabay sigaw rito at sigaw roon.

Sa wakas kahit pasado alas sais na ay nakasakay na kami na nagsisiksikan sa kakarag-karag naming sasakyan.

Habang nakaduty bilang nurse sa pribadong klinika rito sa Yanbu, Saudi Arabia ay bigla akong napatulala. Marahil dala na rin ng kulang sa tulog at labis na pagkahapo. Umupo muna sa isang tabi at nagmuni-muni. Buti na lang at walang masyadong mga pasyente sa mga oras na iyon. Panahon ng nalalapit na mahabang bakasyon dahil sa Eid-al-Adha, Kaya naman nagkaroon ako ng pagkakataon magbalik-tanaw.

Mapalad daw ako sabi ng mga kaibigan, sapagka’t hindi tulad ng ibang OFW ay nasisira ang pamilya at nagkakawatak-watak at umuuwi pa rin sa Pilipinas na walang natutupad na mga pangarap. Iyon ang alam nila, kasi hindi ko magawang ikuwento noon ang mga masasalimuot na mga pangyayari ng buhay ko.

Ako si Elsa, labing-walong taon na akong OFW. Nagpalipat-lipat na ng mga bansa at dito sa Gitnang Silangan tumagal ng labing-dalawang taon.

Ang unang bansang sinubukan ko ay sa bansang Hongkong.  Naging caretaker ng isang maliit na gusali roon. Sa loob ng dalawang taon at dalawang buwan ay masasabi kong sa temang pinansiyal ay hindi naging maganda ang naging takbo ng buhay namin. Noon ay anim na ang anak ko; nagkasunod-sunod ang mga supling naming mag-asawa. Unang pag-aabroad, puro bayad ng utang pa lamang.

Sa mga unang buwan ay uliran ang aking asawa, awang-awa ako kasi alam kong mahirap ang magbantay at mag-asikaso ng mga bata. Nagtatrabaho pa siya noon at pati sa bahay kahit pagod na ay trabaho pa rin. Ipinagmamalaki ko ang mga ginagawa niyang sakripisyo. Ngunit pagkalipas lamang ng ilang buwan ay ibinalita niya sa akin na huminto na siya sa pagtatrabaho dahil hindi na raw niya makayanan ang lahat ng obligasyon.

Pumayag ako kahit katumbas noon ay pagpapart-time kung saan-saan para matustusan ko silang mag-aama.

Ngunit naging gumon sa sugal at doon na nagsimula ang paulit-ulit naming pagtatalo. Tiniis ko iyon kahit tatlong oras lamang ang halos itulog ko; makikikain nang libre sa mga kakilala, basta maipadala ko lamang ang kailangan nilang pera, lahat ay ginagawa ko.

Umuwi ako pagkatapos ng dalawang taong mahigit mula sa Hongkong na kahit anong kayod ay imbes na makabayad sa utang ay lalong nabaon sa utang. Kaya napilitan ako ulit mangibang-bansa at naging sumunod na destinasyon ay Singapore.

Dating gawi, tinitipid ang sarili, walang katapusan na pagkayod, pero nakangiti pa rin habang ipinadadala ang perang pantustos nila.

Nagkausap kaming mag-asawa at nangako siyang hindi na magsusugal. Naranasan niya kasing mapagbantaan ng buhay dahil sa may hindi makatanggap ng pagkatalo sa sugal. Nadala na raw siya at sana ay maunawaan ko at magtitino na nga raw siya.

Mahal na mahal ko ang pamilyang binuo sapagka’t ulilang lubos na ako at hindi naranasang lumaki na may matatawag na pamilya.  Ngunit panibagong dagok na naman ang sumubok sa pagsasama naming mag-asawa.

Sa mga panahon na nagpapaalila ako at subsob sa trabaho ay ang mga panahon na nakasubsob sa ibang kandungan ang asawa ko.

Minsan nang nagkasakit ang anak ko na kung hindi pa humingi ng tulong ang mga bata sa kapitbahay ay baka nahuli na ang lahat at binawian ng buhay ang maysakit nilang kapatid. Nanatili pa rin akong tahimik hanggang sa kusa na siyang nagtapat sa akin na may nabuntis siyang babae, pero huli na raw niyang napagtanto na hindi naman niya mahal ang babae at sana raw ay patawarin ko siya.

Tanging nasagot ko na lamang ay, “Bahala na!” Ang mahalaga ay huwag niyang pababayaan ang mga anak ko dahil nasa malayo ako!

Araw-araw halos ay nag-eeskandalo ang babae sa aming tahanan at doon na naapektuhan ang aking mga anak.  Ang pinakapanganay ay natutong lumayo sa amin at nagsimulang magbisyo at makipagbarkada. Lumayo ang loob sa kanyang ama at nais na akong umuwi.

“Nay, walang kuwentang ama si tatay! Bakit pumapayag kayo na ganituhin lamang samantalang nagpapakapagod kayo riyan at siya ay nagawa pa kayong lokohin! Sana hindi na lang kayo umalis ulit dahil ayoko nang makasama si Tatay! Gusto ko nang umalis sa bahay na ito! Nakakahiya na sa lahat ng mga tao sa paligid!”

Ipinaliwanag ko na nagsisisi ang ama at bakit daw ako nagpapakatanga at nananatiling naniniwala sa pangako ng kanilang ama.

Iniwan ng babae ang anak ng asawa ko sa bahay, at doon lalong sumiklab ang panganay na anak at nalaman namin na natutong gumamit ng droga dahil nasakote ng mga pulisya. Isang taon din siya naparehab at napakasakit noon sa akin ang mga pangyayari. Kasabay noon ay nahospital ako sa sobrang pag-iisip. Depresyon, sabi ng doktor. Hindi ako makauwi kasi ilang buwan na lamang ay matatapos na ang kontrata.

Ngunit pinilit kong hindi umuwi kaya halos tatlong taon ako sa Singapore. Hinintay ko ang paglabas ng anak ko. Nalalapit na ang pag-uwi ko at paglabas ng panganay na anak sa rehab ay may isang lalaki ang bumisita sa aming tahanan kasama ang mga kawani ng DSWD, legal na kinukuha ang batang iniwan ng babaeng minsan nang maging mitsa ng aming pagsasama.

Siya raw ang lehitimong ama ng bata at nakapirma sa birth certificate. Peke raw ang binigay sa amin ng babaeng nabuntis. Malaki raw ang binayad niya sa babae kasabay noong pagkalabas ng bata ay nagpasuri na rin ng DNA. Matagal niyang hinanap ang babae dahil makalipas manganak ay itinago ang bata at patuloy na humihingi ng pera. Natiyempuhan na ng pribadong imbestigador kaya natunton kung saan ipinamigay ang anak. Babaeng bayaran ito at iyon ang naging usapan nila; hindi rin lingid sa kanya ang kaalaman na ginamit lamang ang asawa ko noon.

Lalong nagpagaan ng loob ko ang nangyari at ipinagpasalamat na hindi ko makakasama ang inaakalang bunga ng kataksilan ng asawa.

Pagkauwi ko ay naintindihan na ng panganay na anak ang sitwasyon at nanumbalik na ang kapayapaan sa aming pamilya. Nagdesisyon naman ako magtrabaho sa Bahrain.

Sa loob ng anim na buwan ay masasabi ko na sa sarili ko noon na maaaring maging suwerte na sa akin ang bansang pinuntahan at sana ay wala nang maging sigalot.

Ngunit sadyang hindi pa iyon ang panahon na inaasam, sapagka’t ang Pinoy na Supervisor naman ang nagkaroon ng matinding pagtingin sa akin.    Tumanggi ako sa kanyang pagluhog ngunit sa pagtanggi ko sa kanya, dahil may kapangyarihan na malaman ang mga pribadong impormasyon ko ay tinawagan pala ang asawa ko at sinabing nagpakasal na kami sa bansang iyon.

Nalaman ko iyon nang minsang tumawag ako at umiiyak ang mga anak, lagi raw lasing ang ama nila na dati ay hindi  na raw ganoon sa matagal ng panahon.
Sinasabing kalimutan na raw ako at dumating na ang tiyempo ko na paghigantihan siya.

Hindi ako mapakali at wala sa sariling nagsumite ng resignation sa kumpanya at ang dahilan ko ay ang kabalastugan na ginawa ng Supervisor.

Napayagan ako at dali-dali akong umuwi. Ang asawa ko ay labis ang pagkagulat sa biglaan kong pagdating.

Lumuhod ako sa harap niya at nagsusumamong hindi totoo ang sinabi ng Supervisor ko. Ipinakita ang patunay sa mga papeles na hawak ko at isa sa mga iyon ay ang resignation letter ko at testimonya ng lalaki na wala kaming relasyon na hiniling kong ipagawa ng kumpanya namin kapalit ng hindi pagpapatalsik sa kanya.

Hindi niya ako kinibo ng mahigit dalawang buwan at lagi siyang umaalis na hindi ko nalalaman kung saan pumupunta. Lagi akong balisa at naguguluhan. Tanong sa sarili, “Ito na ba ang katapusan naming mag-asawa?”

Isang araw ay masayang-masaya siya at niyakap akong bigla. Sa susunod na araw raw ay ang paglipad niya sa Saudi Arabia bilang tagapangasiwa ng warehouse ng isang kumpanya.

Hindi na raw ako ang aalis at gampanan ko ang maging ina na lamang ng tahanan.

Maalwan na kaming mag-iina sa loob ng isang taon na nasa Saudi si Pete kaya lang biglang kinailanganang magsara ang kanilang kumpanya. Dito na siya nawalan ng trabaho at hindi ko pa iyon nalaman agad. Habang naghahanap siya ng panibagong mapapasukan ay naging hanapbuhay niya ang paggawa ng empanada. Nagawa niyang kumita at maipadala ang eksaktong halaga na ipinapadala sa amin para hindi ako mag-alala.

Nakikitira siya sa isang kakilala at hindi na rin halos nagpapahinga; makapamalengke at makaluto ng iba’t-ibang kakanin sa mga kalahi natin. Pati na rin pagluluto kung may kasiyahan sa mga Filipino community ay ginagawa niya.

Nalaman ko na lamang na ganoon ang sitwasyon nang nakausap ko ang asawa ng isa sa katrabaho niya noon. Anim na buwan na palang nakauwi ang asawa niya dahil nga sa pagsara ng kumpanya.

Umiiyak ang asawa ko sa telepono at sinabing huwag akong mag-alala. Naghahanap naman siya ng panibagong mapapasukan.

Sadyang hindi ako mapakali at naghanap din ng mapagtatrabahuan sa bansang Arabo. Ilang buwan din ako nagpursigeng naghanap bago nakatagpo ng trabaho roon. Hindi ko noon sinabi sa asawa ko na aalis ako at pupuntahan ko siya.

Maayos ang napasukan ko bilang pribadong nars ng dalawang matandang maysakit. Nagulat ako at kasama pati ang trabahong bahay na kailangan gawin rin. Hindi rin pinahihintulutan ang paglabas kaya dalawang taon naming tiniis na kahit nasa isang lugar kami ay nakikita niya lamang ako tuwing magtatapon ng basura.

Nakahanap na rin siya noon ng kompanyang mapapasukan kaya naman pinursige naming mag-asawa ang magkaroon ng pagkakataon na makapiling ang isa’t-isa.

Dininig ang aming mga panalangin at sumang-ayon ang amo ko na irelease ako at makapasok sa pribadong klinika.

Habang tumatagal ay umaayon na sa amin ang mabuting kapalaran at ang mga maliliit na anak ay nadala sa bansang Arabo.

Sa ngayon ay tapos na ang panganay at pangalawang anak. May mga maayos na pinagtatrabahuan. Patapos na rin ang pangatlo at ang pang-apat ay nasa kolehiyo na. Dalawa na lamang ang nasa sekondarya na pinag-aaral din namin dito. Dahil matagal nang maraming tumatangkilik sa produkto empanada ng asawa at ibang kakanin ay hindi kami nawawalan ng mga order. Kahit ang empanada niya ay gusto rin ng mga Arabo at ibang lahi.

Iyon ang ginagamit naming pantustos sa iba pang mga gastusin at may mga pinag-aaral pang mga pamangkin.

Araw-araw ay may binebenta kaming empanada. Pagkatapos ng duty niya ay may regular na siyang puwesto na dinarayo ng mga kakilala at mga suki.
Susunduin naman niya ako pagkatapos niyang makapagbenta at kadalasan ay may iba pa siyang pinagtarabahuan na dagdag kita.

Mabuti na lamang at parehas kaming naging matatag at pinilit na huwag bitawan ang isa’t-isa noong panahon na sinubok ang aming pagmamahalan.

Sa ngayon ay wala pa kaming planong pumirmi sa Pilipinas. Mga ilang taon pa kung sakaling magkaapo na kami at tahimik na maninirahan na lamang sa ipinatayong bahay na katas ng aming pagsasakripisyo at ipagpapatuloy na lamang ang pagtitinda ng empanada sa Pilipinas.