Dugo ang Kinang ng Ginto

Nabigyan ako ng pagkakataong mapanood ang advance screening ng isa sa mga pelikulang kasali sa MMFF2016, ang ORO.
Una sa lahat, wala akong alam sa paggawa ng pelikula at wala akong ano mang pinagaralan ukol sa sining na ito. Gusto ko lang ibahagi kung paano ako sobrang naapektuhan ng pelikulang ito.
Ang pelikulang ORO ay base sa totoong buhay, masakit sa puso ang mga eksena at totoong tao talaga ang mga namatay! Sa eksaktong pinangyarihan ng krimen din ito ginawa at bukod sa cast ay gumanap din ang mga taong mismong dito nananahan. Walang ekstra! Maski hampas ng alon sa dalampasigan, huni ng mga insekto at ilaw ng bangka ay umaarte. Isa itong pelikulang magmumulat sa ‘yong mga mata kung ano nga ba ang totoong nangyayari sa ilan sa ating mga kababayan. Pinigilan kong umiyak sa una pero, ‘di talaga kaya! Mahirap kasing makitang parang nagutumang mga tao ang mga nakatira dito, mga taong walang-wala na nga ay ninakawan pa ng hanapbuhay. Tinakot, binaboy, pinagsamantalahan at pinatay ng mga armadong alipin ng ginto at salapi. Isang krimeng hanggang ngayon ay wala pang nagbabayad!
Luhaan man ako pagkatapos ng pelikula, ngunit salamat at aking natanggap ang mensahing gusto nilang ipahatid. Na ako’y maswerte at maayos ang aking hanapbuhay at mayroon akong maayos na pamilya at tirahan, may kaalamang magagamit para hindi maisahan at mapagsamantalahan ng kahit sino man. Na pwede tayong tumulong sa pinakmaliit na bagay ngunit siyang pinakamabisang tulong na kanilang kailangan – ang respeto at pakikipagkapwa tao.
Sana mapanood din ito ng lahat ng nakakabasa nito – hindi para ito’y kumita, ngunit para maiparating din sa lahat ang ipinababatid nilang GINTONG MENSAHE – na ngayo’y tila halos di na natin nakikita.
Mabuhay kayo, Team Oro! Mabuhay ang pelikulang Pilipino!
#ORO #MMFF2016 #MAGIC8 
P.S. Atin ding tangkilikin ang iba pang pelikula hatid sa atin ng MM2016- batid kong marami din silang mensaheng gustong iparating.