Domestic Helper…Amoy Sardinas ka!

(Photo credit: facebook)
(Photo credit: facebook)
(Photo credit: facebook)

Ihanda ang tubig hehehehe nais ko lang ibahagi ang kwentong ito alam ko na may aral kayong matutunan. Bawal ang magalit dadag sa beauty natin mga Inday iyan heheheh. Upo muna at basahin ang handog na kwento ko!

“Domestic Helper ka lang! Amoy Sardinas!”

Ito ang linyang umalingawngaw sa aking tainga, mahigit isang taon ang nakararan. Tama kayo sa nabasa ninyo, dahil muli kong bubuksan ang isang masakit na kabanata ng aking buhay. Minsan ko nang naisulat pero hindi ko nabuo, ‘ika nga.

Isa ako sa mga Inday dito sa Gitnang Silangan sa loob ng mahabang taon, naninilbihan bilang Domestic Helper katulad ng karamihan. Normal na problema ng mga OFW ay ang tukso sa pamilya. Sabi nga nila, mahirap labanan pag kusang lumapit at naghatid ng pagkain si Inahin kay Tandang. Kung hanggang saan ang kabaliwan ng dalawang nilalang, ay!  May katapusan ang isang ‘di legal na pagmamahalan!

Sa madaling salita: NAKAW NA MATAMIS AT MAPAIT NA SANDALI!

Tulad nga ng kasabihan na walang usok na ‘di lulusot, kaya komprontahan at denayan pa iyan sa unang imbestigahan! Wala naman tunay na kriminal na aamin sa ginawa niyang krimen, hindi ba? Pero, sa katagalan ay lalabas din ang isang katotohanan at haharap ka sa isang masakit na pag-amin! Ibuhos mo man ang luha, wala na, tapos na! Tagos hanggang kaibuturan ang sakit sa pusong nasugatan. Mawala man ang sugat,  habambuhay ang pilat na uukit sa lamat ng isang tahanan na binuo.

Ako si Inday, iyakin kapag nasaktan pero, isang malditang palaban din. Nang luminaw sa akin ang lahat ng pangyayari at para sa ikatatahimik ng aking pamilya, agad kong kinuha ang numero ni B2.  Sa isang ring ay hindi siya sunagot, hanggang umabot ng sampung miscall. Deadma pa rin ang tawag ko! Matalas kasi ang pang-amoy na hindi ang kanyang sinta ang tumatawag sa kanya. Kaya ako’y nagpadala ng isang simpleng mensahe na aking ginawa gamit ang wagas na tawagan nilang dalawa na “GANG” Aba! sa muling pag-dial ko, dibdib ko ay kumaba nang madinig ko ang basag din na boses gaya ko.

Sa simpleng pambungad na:

Inday: Hello..Si B2 ba ito?

B2: Oo, bakit?

Inday: Kumusta? Ako pala si Inday misis alam mo na kung wala kang ibang lalaki sa buhay mo kilala mo na ako di ba?

B2: Ano ngayon kung misis ka? Alam ko na hiwalay na kayo!

Inday: Ai, sorry bumalik ako eh para agawan ka at kunin ang ninakaw mo!

B2: Ang saya namin, may mga plano na kami! Bakit ka bumalik? Sana, nagpakantanda ka na lang sa pagiging ATSAY sa ibang bansa!

Inday: Naku po! Si Manang, high blood! Di pa kasi ako patay!  Kaya kukunin ko na ang dapat na para sa akin ha!

B2: Hoy, mas bata ako sa iyo, huwag mo akong tawaging MANANG!  Ako ang pumuno sa pagkukulang mo! Kapal ng mukha mo!

Inday: Ai sorry, sige, hindi  Manang ang itawag ko sa iyo, INENG pala!  Walang mukhang manipis siguro sa iyo, Ineng ano, dahil kita talaga ang kalandian mo!

B2: Ang yabang mo! Akala mo kung ano ka? Isang  DOMESTIC HELPER ka lang, AMOY SARDINAS!

Inday: Tama ka, amoy sardinas ako na imported! Ikaw?   Amoy basura na nakasusuka, amoy imburnal ang baho mo!  Kaya, dinadayo ka ng langaw eh dahil sa amoy mong nakadidiri! Kaya, bye..Kukunin ko na ang langaw para makasalo ko sa imported na sardinas ha!  Ingat ka, Ineng, baka pag nakita kita ay itapon ko ang sabaw ng sardinas sa pagmumukha mo!

Huling linyang binitiwan ko at ang huling pag-uusap na kailanman ay ‘di ko malilimutan. Na sa bawat salitang binitiwan at narinig ko ay pilit kong tinakpan ang mga luha at nagkunyaring hindi ako nasaktan sa babaeng naging kaagaw ko at dumura sa pagkatao ko at trabaho bilang isang Domestic Helper na amoy sardinas sa malaki niyang ilong!

Kaya ito ang isang Inday na nilalait dahil sa pagiging katulong ko dito sa ibang bansa at sa amoy ko raw na sardinas. Isang matapang na Ina at Misis na hindi magpatatalo sa nais sumira sa pamilya ko! At ang salitang pagpapatawad at paglimot sa nakaraan ay isang malaking tulong sa pagsisimula ulit dala ang bagong pag-asa. Lahat tayo ay nagkakamali dahil walang perpekto na nilalang dito sa mundong ibabaw, at ang bawat kamalian natin ay puwede pang itama at bigyan ng pagkakataon na mabago at mabuo ang isang tahanan na pinahahalagahan.

At sa babaeng minamaliit ako dahil sa pagiging Inday ko, isang pasasalamat sa bawat katagang binitiwan mo! Dahil ito ako ngayon, ang amoy sardinas na katulong ay patuloy sa pagiging marangal na Domestic Helper sa Gitnang Silangan at patuloy na inaabot ang bawat pangarap! Salamat dahil naging mas matatag kami sa aming pagsasama para sa aming anak! At isang patunay na ako ang MAHAL NIYA AT HINDI IKAW! Aray…

About jovelyn

Im not a good writer but i love to 🙂 Masaya din, Malungkot din (Karanasan ng OFW) this is my first book under my name as a writer and Sindi Ng Lampara OFW stories book with Raquel D. Padilla and DFBI writers, columnist in Pilipino Star Ngayon Middle East [email protected] Super kulit at kalog..proud bisdak at tamad na masipag na yaya:)