DF Bloggers Presents ….Blogger “Anne”

ANNE
ANNE
ANNE

Sino si ANNE ng DF Blogs?

– Emy Anne Clima Gesite, ‘yan ang buong pangalan ko. Noong nag-register ako sa DF Blogs, wala akong maisip na gawing pen name.

Nag-iisip sana ako ng mga tipong tunog bayani ng kasaysayan, kaya lang wala talaga eh. Kaya para hindi hassle, nickname ko na lang –ANNE.

21 years old, tapos ng kursong Nursing at isa nang rehistradong nars. Isa ako sa mga “baby” pa lang sa larangang ito, pero masasabi ko na mahal ko na agad ang pagsusulat. Kapag hindi ko hawak ang ballpen ko, madalas mo akong makikitang tumutugtog ng kahit ano lang sa electronic keyboard ko. Minsan ay hawak ang camera, o ‘di kaya ay namamangha sa ganda ng langit sa dapit-hapon at gabi.

Q: Paano mo ilalarawan ang sarili mo?

-Ang sabi ng iba, ako raw ay tahimik, mahiyain at simple. Pero sabi nga nila, mas malalaman mo ang dahilan ng ugali ng isang tao kapag nakasama mo na ito ng matagal. Lalo na kung nagtanong ka kung bakit.

May mga oras na tahimik ako dahil nagmumuni-muni tungkol sa iba’t ibang bagay na nasa paligid ko. Dito ako minsan nakakukuha ng bagong maisusulat. Mahiyain dahil madalas akong mag-isa, sanay ako doon. ‘Wag mag-alala, marunong naman akong makipag-kapwa. Simple dahil naniniwala akong ang ka-simplehan ay kagandahan. (Joke! Wala lang akong maisip na dahilan sa SIMPLE)

Ngunit higit dito, tulad ng iba, may “crazy side” din ako. Bata-isip kung tawagin ng iba, dahil daw sa kilos at pananalita ko. Ewan, ganito na talaga ako eh. Madalas akong mag-joke na ako lang ang naka-iintindi. Tumatawa sa mga bagay na hindi nakatatawa para sa marami, minsan naman baligtad, tahimik ako sa mga bagay na tinatawanan ng marami.

Q: Ilang bagay na gusto mong malaman ng mga mambabasa tungkol sa iyo?

-Kapag napapadaan ako ng bookstore, ang unang hinahanap ko ay notebook upang mapagsulatan, isama mo na ang ballpen. Pero minsan hindi ko rin iyon nagagamit. Mas sanay kasi akong mag-type ng blog sa sariling laptop ko. Mas mabilis kasing pumapasok ang ideya sa utak ko kapag ganun. Kaya ang labas tuloy eh, nangongolekta ako ng notebook at ballpen.

Nakapagsusulat ako ng maayos kapag tahimik ang paligid, minsan kapag may musika na masarap sa tainga, madalas kapag nag-iisa. Ang mga paksang sinusulat ko ay dumedepende rin sa kung anong mood ko, at sa kung anong nakikita ko sa paligid.

Nakapagsusulat ako ng masayang love story kapag inspired ako. Malungkot na love story kapag heart broken. Paksang tungkol sa Pilipinas at pagiging Pilipino, kapag nakaparinig ako ng balita o nakapagbasa sa dyaryo. Tungkol sa pamilya kapag kumpleto kami sa hapag kainan, at kapag minsang pinagtitimpla ako ng kape ng mama ko.

Dalawang bagay lang ang dahilan kaya’t kung minsan ay hindi ako nakapagsusulat, o hindi nakapagpapasa ng akda sa DF Blogs. Una, kapag busy-busyhan sa maraming bagay. Ikalawa, kapag naputulan ng internet connection.

Sa ngayon, pinapanalangin ko pa na wag kaming pagtagpuin ni WRITER’S BLOCK.

Q: Ano ang una mong karanasan sa pagsusulat?

-Nasa 3rd year high school ako noong una akong makapagsulat ng tula. Oo, mga tula ang una kong sinusulat. Nakapagbasa kasi ako ng libro na puro tula ang laman. Kaya, ayun, sinubukan ko. Katulad din ng blogging, depende ang tema sa mood ko. Natuwa naman ang mga magulang ko, kaya ‘yun pinagpatuloy ko. Hanggang sa nadiskubre ko ang blogging.

Q: Gaano katagal ka nang nagbabahagi ng blog? Ano ang nagtulak sa iyo upang mag-blog?

-Sampung buwan na akong nagba-blog, nag-umpisa iyon noong June 2012. Nadiskubre ko kasi ang Definitely Filipino site mula sa isang kaibigan. Nakapagbasa ako ng ilang articles, saka sinabi sa sariling gagawa rin ako ng akin.

Ang una kong pinasang article ay may pamagat na “Minsan, May Pilipino” na tumutukoy sa bansang Pilipinas at pagiging Pilipino. Wala akong pag-aalinlangang ipasa iyon. Ang pagmamahal sa bayan at pagiging proud bilang isang Pilipino ang nagtulak sa akin upang ipabasa iyon sa marami. Alam kong ang DF ang magandang daan upang gawin iyon.

Q: Tungkol sa anu-anong paksa ang kalimitan mong isinusulat? Saang paksa ka pinaka-kumportable at bakit?

-Mga paksang tumutukoy sa bansang Pilipinas, sa Pilipino at pulitika. Paksang tungkol sa pag-ibig sa kapwa. Sinusulat ko rin ang mga karanasan ko tungkol sa isang bagay; paghahanap ng trabaho, at ang minsang paggala sa ibang lugar.

Masasabi ko na mas kumportable ako sa pagsusulat ng mga kinakikiligan na kuwento. Una dahil wala akong pinatatamaang kung sino mang Ponsio Pilato. Ikalawa, dito ko minsan naibabaling ang kilig at ang pagiging hopeless romantic ko.

Ito rin ang dahilan kaya kung babasahin ng marami ay puro love story ang kadalasang naisusulat ko.

Q: Sino ang mga taong nagkaroon ng impluwensya sa iyo sa paraan mo ng pagsusulat?

-Marami na akong nabasa na libro ng mga sikat na manunulat sa bansa. Isama mo na siyempre ang mga akda ni Bob Ong at iba pa. Namamangha ako kung papaano nila nagagawang maka-connect sa mga mambabasa. Kung papaano nila naipapadama ang kanilang ibig sabihin sa pamamagitan ng mga papel at tinta, at ng mga unique na pamamaraan nila.

Ngunit higit dito, ang aking mga magulang at ibang kamag-anak na hilig din ang pagsusulat noong kabataan nila. Ang mga tagong sulat nila na nasa lumang kuwaderno na binabasa-basa ko noong maliit pa ako, ang tingin kong higit na nakapag-mold sa akin unconsciously sa pamamaraan ko ng pagsusulat sa ngayon. Ang pagpapalaki sa akin ng aking mga magulang, at ang dugo nilang nananalaytay sa akin. Ang dugo na nagmamahal sa sining, sariling kakayahan at panitikan.

Isama na rin siyempre ang mga kapwa ko bloggers dito sa DF na talagang sinasaluduhan at hinahangaan ko. Ang pagpapa-alala sa pamamagitan ng pagpalo na may kasamang pagmamahal ni Mommy Joyce, ay malaking impact sa pagsusulat naming lahat.

Q: May sinusundan ka bang routine sa pagsusulat? May nagpapalakas ba ng pagnanais mo magsulat? Pangyayari, bagay o tao?

-Madalas pumasok ang ideya kapag tahimik ang paligid at kapag mayroon akong oras upang magmuni-muni. Kaya naman madalas ay hating gabi, at siesta kapag hapon ako nakapagsusulat ng maayos.

Gusto kong magsulat kapag malungkot at masaya ako. Kapag malungkot dahil isang way din ito ng pagpapalabas ng bigat ng kalooban ko. Kapag masaya naman ako dahil, ayokong may makalimutan sa bawat minuto.

Q: Anong klaseng mambabasa ang pinakagusto mo?

-Katulad ng maraming manunulat, ang hinihiling ko lang sa mga mambabasa ay maging open-minded at malawak ang pag-iisip. Iniintindi ang bawat konteksto ng bawat kuwento at akda, at ang mood at attitude ng author. Nirerespeto ang opinyon ng bawat isa, at marunong magbigay ng constructive criticism. Natutuwa naman ako sa karamihan ng mambabasa sa DF, dahil ganito sila.

Q: Ano ang pinakamasakit na komento ang natanggap mo mula sa mambabasa?

-So far, wala namang masyadong masakit na komento. Mga ilang komento lang galing sa halatang hindi natapos, at hindi masyadong nawari ang mensahe na pinalalabas sa kuwento.

Q: Maaari ka bang magbigay ng ilang artikulo o blogs ng kapwa mo blogger na nagustuhan mo?

-Lahat ng mga nasa “All-time popular” section ng Definitely Filipino site. Lalo na ang “Minsan May Isang Puta” ni Ms. Mike Portes. Lahat talaga ng akdang iyon ay karapat-dapat na mapabilang doon. Siyempre dahil iyon sa magagaling nilang mga authors. Kasama na rin ang mga akda mula sa malilikhaing kaisipan ng mga kapatid ko sa DFBI Family!

Q: Sa mga blogs o artikulong naisulat mo, alin dito ang maituturing mong top 5?

1. Elementary Days: Anong Naaalala mo?

2. Saka Na, Kapag Wala Nang Bawal Sa Pag-ibig

3. Hinihintay Kasi Kita: Love Letters

4. Secretly In Love

5. Ganito Lang ‘Yan

Q. Ano-anong tips ang maaari mong ibigay sa mga mambabasa na nag-iisip na ring lumikha ng mga akda?

-Go! Isulat mo ‘yan. Huwag magpadala sa mga pag-aalinlangan sa sariling kakayahan. Kung makatanggap ka man ng negatibong komento, take it as a challenge. Gawin mong opportunity to learn more and excel. Who knows? Baka makapagsulat ka pa ng sarili mong libro, at manghihingi pa ako ng autograph galing sa iyo.  ^_^

Tara na pong magsulat!!!

Ang mga akda ni Blogger Anne sa Definitely Filipino ay matatagpuan sa:

http://definitelyfilipino.com/blog/author/emyanne/

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.