Demanding? House arrest na lang daw?

The detention facility being readied for the senators Photo Credit: GMA News

Kamakailan lang ang tatapang ng dalawang ito na sina Jinggoy at Bong para sabihin na handang-handa silang harapin ang kaso at kahit pa saan daw sila madetain, sa Crame man o sa Bilibid.

Na kesyo, handa silang magsakripisyo sa ngalan ng sarili nilang bersyon ng katotohanan at hustisya.

Bakit ngayon bigla yatang kumambyo at nagbago ang isip ng dalawa lalo na nang malaman nilang oras na lang binibilang ng mga ito bilang isang malayang mamamayan at sureball na ang napipintong pag-aresto sa kanila.

At kung pwede , hihirit pa sila sa Sandiganbayan na house arrest na lang daw at ‘wag na sa Crame. Si Jinggoy kung pwede raw, ‘wag siyang arestuhin sa harap ng kaniyang pamilya. At isa pa, kung wala daw talaga choice, at sa Crame sila mapunta, hihirit naman na magdala ng TV set sa loob, at may cable pa!

Utang na loob! Masyado kayong DEMANDING!

Aba eh, kung iisipin mas maganda pa yung inihandang detention facility nyo sa Crame kaysa sa boarding house ko nung college ako na binabayaran ng nanay kong titser na nagkakandakuba para lang magbayad ng buwis na di namin alam na ninanakaw lang pala nang masisiba sa gobyerno tulad nyo!

At di hamak na mas maganda pa yung detention room niyo sa mga kuwarto naming OFW dito sa Middle East na kailangang magsiksikan ang apat hanggang walo sa isang double deck na katre para lang makapagtrabaho at magbayad ng buwis sa gobyerno na di namin alam na ninanakaw lang pala nang masisiba sa gobyerno tulad niyo!

Di lalong hamak na mas maganda pa yung detention facility nyo kesa sa mga tent ng mga biktima ng bagyong Yolanda sa Leyte at ng kaguluhan sa Zamboanga, mga biktimang nagbabayad din ng buwis sa gobyerno na di alam na ninanakaw lang pala ng masisiba sa gobyerno tulad niyo!

Tapos meron pa kayong lakas ng loob para mamili? At mag-demand?

Kung tunay na bulag na hustisya talaga ang ipaiiral, kulang na kulang pa na sa mga kural kayo ng baboy ikulong at manatili habang buhay. Sa bigat ng kasalanan nyo sa bayan, sa mga tao at sa gobyerno dahil sa pangaabuso nyo sa kapangyarihang ipinagkatiwala ng batas at ng konstitusyon, mas may dignidad pa ang mga nasa oblo na nakulong dahil nagnakaw ng ipapakain sa pamilya.

Pero ang mga tulad nyo, ano ang ibinalik nyo sa amin? Panloloko? Pangungurakot? Tapos idadaan nyo kami sa drama, sa kanta at sa panunuyo?

Tumingin nga muna kayo sa paligid at ikutin niyo ang mga iskwater sa Kamaynilaan, ang kanilang kalunos-lunos na kalagayan na nagsisiksikan sa mga dampa at barong-barong na napapaligiran ng mga basura at mabuburak na kanal.

Pansinin nyo nga rin ang mga batang lansangan na walang matulugan sa gabi maliban sa malalamig na sahig ng konkreto sa ilalim ng mahamog na kalangitan.

Yung detention ‘nyo, may CR, may kama, may kutson at malamang may air-con din yan, at lahat ng gastos ay sagot ng gobyerno. Libre kuryente, libre guwardiya at libre pagkain, saan ka pa?

Silang mga nagtitiis sa malilit na espasyo, na salat na salat sa ayos at karangyaan, ay ang mga taong namumuhunan ng pawis at dugo para makatikim ng kaginhawaan ng di kailangang magnakaw.

Kayo, na lumaki sa rangya, yaman at kapangyarihan, ngunit kailangan pang magnakaw para lalong yumaman, ano karapatan nyo para magdemand?

Ayaw ko mang aminin, pero ang batas sa ‘Pinas ay maaari nilang baluktutin at paikutin upang makuha ang kanilang hinihiling.

Pero sana naman, huwag na sa pagkakataong ito!

About necessary_evil

The fact that no one understands you does not make you an artist! You can visit my website: http://retroandsoul.wordpress.com/ and my Facebook page Retro and Soul : https://www.facebook.com/retroandsoul?ref=hl