Debate: Pera o Pag-ibig, Alin ang mahalaga sa pag-aasawa?

pera o pagibig
Pera O Pag-ibig?

Mayroong dalawang matalik na magkaibigan ang gusto nang mag-asawa. Maraming bagay silang pinagkakasunduan, pero magkaiba ng opinsyon pagdating sa pag-aasawa. Kaya nag-debate kung ano ang tamang paraan ng pagpili ng minamahal.

Pero dahil parehong mahilig sa musika, nagkasundo silang mas magandang ipaliwanag ito kung daanin na lang sa title ng kanta. Tignan natin kung sino ang mas tama sa kanila- Pera o Pag-ibig ba?

Pera : No money, No Love – David Guetta

Sa buhay na ito importante ang pera.  Makakain mo ba ang pag-ibig? Sa panahon ngayon babae man o lalaki parehong naghahanap na rin ng seguridad sa buhay. Kahit di ka maganda o guwapo nag-iiba ang paningin sayo kung maykaya ka. Pera ang magpapaangat ng iyong mahirap na kalagayan. Ang pag-ibig napapag-aralan, ang puso madaling turuan pero hindi ang kumakalam na tiyan. Kaya kung iibig ako, pera ang pangunahing dahilan. Mahirap hanapin ang pera, kaya kung may manligaw sayong maykaya magdadalawang isip ka ba?Kahit nga maglakad ka mula Aparri hanggang Jolo di ka basta makakakita ng piso. Subukan mong mageksperimento. Dahil sa hirap ng buhay sa Pilipinas kahit sino papatol sa piso.

Pag-ibig: Love will find a way – Lionel Ritchie

Dahil sa pag-ibig kahit wala kang pera makakagawa ka ng paraan dahil sa pagmamahal na magbibigay sayo ng inspirasyon para kumilos, mag-isip at gumawa ng paraan at mga desisyon na magpapabago ng iyong kalagayan. Mas masipag kang magtrabaho at mas gusto mong magtagumpay dahil sa mahal mo. Madaling kumita ng pera kung magsisipag ka lang. Aanhin mo ang isang taong hindi mo naman gusto? Mahirap pilitin ang pusong umibig.
Paano ka magiging masaya sa araw-araw kahit na nakahiga ka pa sa pera kung ang puso naman ay malungkot at walang gana? Dahil ang puso kapag nagmahal harangan mo man ng itak ay gagawa pa rin ng daan upang ito ay lumigaya. Walang mahirap gawin. Walang impossible kung tungkol sa puso ang usapan.

Pera : Money changes everything – Cindi Lauper

May kasabihan tayo, ” When povery knocks at the door, love flies out of the window.” May pagkakataon na kahit mag-asawa na kayo kapag nakakita ang isa na mas may pera, lahat nagbabago. Lahat iniiwanan alang-alang sa pera.
Kahit na nagsumpaan pa kayong magsasama habang buhay. Maraming kasong ganyan. Kahit sobrang in-love kayo sa isa’t isa minsan hindi nyo na iniisip ang kinabukasan at epekto nito. Nasaan ang dakilang pag-ibig na sinasabi mo? Ayun at sumama na sa iba na may pera.

Kaya kung ganun lang din pala e di sa una pa lang mag-asawa ka na agad ng maykaya at legal pa. Bakit kamo? Ito ang magiging dahilan ng mabilis na pagbabago ng iyong buhay. Makakabili ka ng bahay, kotse.  maraming pera sa bangko, makakapag aral ang mga anak sa magandang eskuwelahan, makakapaglakbay sa iba’t ibang lugar. Hindi lang naman para sa sarili mo ang mahalaga syempre pati pamilya at mga anak mo pa. Minsan, sinasakripisyo mo rin ang sarili alang-alang sa kapakanan ng iba.

Pag-ibig: Nothing’s gonna change my love for you – George Benson

Maaaring piliin ka ng isang tao dahil lang sa pera mo pero darating din ang araw na malalaman niya na hindi nakakapagpaligaya ang pera. Bakit maraming mayaman ang pumapatol din sa mga hindi nila kauri? Pero kapag umibig ka ng tunay sa isang tao, kahit mahirap ka pa sa daga ay tatanggapin mo siya dahil ito ang magiging inspirasyon mo para kayo maging masaya. Kahit magdildil pa kayo ng asin at bagoong , kung maligaya naman kayong nagsasama kahit sa isang maliit na kubo lang yun ang mas mahalaga. Hindi naman lahat ng bagay nabibili ng pera diba? Simpleng buhay. Simpleng saya. Marami ka ngang pera, marami ka ring problema.

Pera : Money, Money, Money – ABBA
Marami rin naman ang problema kahit mahirap ka. Ano ba ang mas gugustuhin mo? Hindi ba mas madali at magandang ayusin ang problema habang nakahiga ka sa maraming pera? Inlab na inlab ka nga pero ang sikmura mo naman ay kumakalam. Kung paminsan-minsan okay lang pero kung araw-araw naman, hindi ba nakakasawa na? Matitiis mo bang nagugutom ang pamilya mo?

Ano ba ang masama sa pera kung marami naman itong idudulot na saya sa buhay mo , marami ka pang pwedeng paggamitan at magawa kung mas me pondo ang bangko mo kesa wala. At kapag meron kang mabigat na problema sa buhay, pera lang ang katapat niyan ay solve na solve na. Kung may sakit ka, gamot at operasyon mo magagawa mo bang bayaran kung wala kang pera? Hindi mo nga alam kung saan ka uutang minsan eh humahanap ka ng madedelihensiya lalo na kung mahal mo sa buhay ang nasa panganib. Kaya sa oras ng problema o anumang sakuna hindi na masama kung marami kang pera.

Pag-ibig: Love, Love , Love – Of  Monsters and Men

Dahil sa pag-ibig napuno ng tao ang mundo. Dahil din sa pag-ibig masaya at malusog ang tao dahil ang pagmamahal ang isang bagay na nagsisilbing gamot sa ating isip at pusong sugatan. Minsan nga hindi mo na kailangan ang gamot o ano pang remedyo sa katawan o isipan basta pag-ibig lang sapat na. Lahat ng problema nakakaya mo. Ilang libong tao na mayaman na ba ang nagpakamatay, naglasing, nag-droga at naloka dahil iniwan ng kanilang mahal? So ngayon bakit mo sasabihin na hindi ito mahalaga sa buhay kung ito mismo ang nagiging dahilan ng kamatayan? Nasaan ang perang kayang bumili ng ligaya? Kung ang mayamang may pera nga ay nagagawa ang mga bagay nato, edi mas lalo naman ang pangkaraniwang tao na wala-wala na nga sa buhay, mawawalan pa ng minamahal? Ito na ang pinakamasaklap na bahagi ng buhay. Mas kakayanin ko pang mawalan ng pera dahil pwede namang magtrabaho kesa mawalan ng minamahal.

Pera : Show me the money – Petey Pablo

Kapag nag-asawa ka, pera lang ang kailangang ipakita at magiging iyo na ang binukayong “OO” niya. Kahit nga di ka na magsalita pa, kapag nagliliwanag na ang mata ng kaniyang pamilya, siguradong hinihila ka pa ng papasok na sa tahanan nila at sa gara pa lang ng kotseng dala mo, eh palakpak tenga na sila, lalo pa kung may dala ka pang mamahaling regalo, cool agad ang dating mo para sa kanila. Minsan pa nga pipikutin ka pa para lang wala ka nang kawala. Meron talagang ganung mga magulang, Masisisi mo ba sila lalo na kung puro kahirapan ang pinagdaanan nila.  Security ang habol nila para sa anak nila dahil nagsawa na sila. Just show them the money. Walang kahirap-hirap, diba? Kaya nga tinawag na bulag ang pag-ibig dahil di nakikita ang realidad ng buhay.

Pag-ibig: Show me love – Sam Feldt

Mas wala namang kahirap hirap kung sa pag-aasawa at pagpili ng isang minamahal, tapat na pag-ibig lang ang kailangan mong ipakita upang mapatunayan mong karapat-dapat kayo sa isa’t isa. Maging ang turo ng simbahan nga ay sinasabing , ang tanging dahilan lang ng pagpapapakasal ay kung kayo ba ay talagang nagmamahalan.Madaling kasing sabihin sa taong mahal kita pero ang patunayan ito yan ang mahirap gawin. Mahal mo siya, oo. pero sakripisyo, kaya mo?

Maraming halimbawa ng mga kuwento ng pag-ibig na naging inspirasyon natin sa araw-araw na buhay tulad ng mag-asawang magkasama ng 75 na taon at magkasunod na namatay dahil hindi nila matanggap ang buhay na wala ang isa. Ang pagiisang dibdib ng isang may kapansanan at normal na tao. Ang pagpapakasal sa isang taong maysakit at malapit ng mamatay pero buong pusong sumumpa hanggang kamatayan.  Pero tignan mo ang mga bonggang kasalan na gumastos pa ng milyon at pagkatapos ng ilang taon ay naghiwalay na at minsan pera pa ang dahilan kung bakit pinapatay ang asawa. Nakakalungkot kung iisipin.

Pera : Moneytalks – AC/DC                                                                                                                                                

Saan mang bagay , lugar at sitwasyon, pera lang ang usapan okay na. Sa pag-aasawa, sa mga kaibigan, sa pulitika,sa lipunang ginagalawan iba ang pagtingin sa taong may pera kesa sa wala. Oo, sadyang merong mga tao lang talaga na mapanghusga ng kapwa pero di kasalanan ng pera yun. Kapag wala kang magarang sasakyan, malapalasyong
tahanan o wala kang titulo sa pangalan hindi ka mabibigyan ng tinatawag na special treatment saan ka man magpunta.

Nabalitaan mo ba ang isang simpleng lalaking naka shorts at sinelas na pumasok sa isang sikat na tindahan ng kotse at nagtatanong sa halaga ng isang sasakyan? At dahil hindi pinansin ng mga empleyado dahil sa kanyang kasuotan bumili sya ng kotse sa kalabang tindahan. Oo nga sa delikado ang panahon ngayon at, nag-iingat sila sa mga ganyang hitsura pero paano bakit ka nahuhusgahan dahil lang sa iyong kaanyuan.. True enough, money talks a LOT.

Maraming kaso rin ng mga bangkong nahoholdap dahil sa gwapo at nakaporma pa ang mga kriminal. Syempre seryosong business din ang panghoholdap kaya kina-career nila yan. Ayon daw sa mga pag-aaral na ginagawa, ang mga gwapo at magaganda ang unang natatanggap sa trabaho, yung mga nagtapos sa mga sikat na eskuwelahan o yung may backer na sikat. It’s who you know, diba?Dahilan: PERA.

At sa U.S maraming mga babaeng Amerikano ang yumayaman sa pamamagitan ng divorce at alimony. Mas maraming asawa, mas bongga. At ang mga divorce lawyers din kumikita. Maging ang mga suspek sa isang krimen ay nahahatulan minsan base sa kanilang panglabas ng anyo, hitsura at kasuotan. Mas masama daw ang tao kapag pangit ang hitsura o kaya maitim. Racist ang dating pero tama ba naman yun? At higit sa lahat, kahit na guilty ka pa, milyones mo lang ang katapat ay abswelto ka na sa isang krimen. Ang mga walang pambayad madaling itapon sa kulungan. Kaya kung tatanungin mo nasaan ang hustisya? Walang duda, nasa PERA.

Pag-ibig: Love says it all – Corey Smith

Makata at mahiwaga ang pag-ibig. Maraming bagay ang di kayang ipaliwanag ng mga simpleng salita. Dahil puso lang daw ang makakapagsabi ng tunay na nararamdaman. Kapag mayaman ka sa pag-ibig daig mo pa nga ang tumama sa lotto. Lahat ng bagay maganda. Lahat ng bagay sayo may meaning. Nakakaya mo lahat ng problema. Maraming halimbawa ng mga tao noon at ngayon na namuhay ng maligaya kahit walang pera. Pag-ibig lang ang isang bagay sa mundo na hindi matutumbasan ng pera.

Pera : I Wanna Be Rich – Calloway 

Mas gusto kong yumaman kesa manatiling mahirap. Mas gusto kong umangat ang aking pagkatao sa pamamagitan ng pera. Mas gusto kong mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang aking pamilya. Hindi naman masama ang pagiging mayaman kung gagawin mo sa tamang paraan. Hindi mo gagamitin ang pera para abusuhin ang kapwa o bumili ng isang tao, posisyon o bagay sa hindi magandang rason. Huwag nyong kamuhian ang salapi dahil hindi naman ito ang nagdudulot ng kasamaan sa mundo kundi ang kaisipan ng taong mapang-abuso at mapangsamantala.

Pag-ibig: I Want To Know What Love Is – Foreigner       

Sa pagtatayo ng isang pamilya, sa pagpapaunlad ng kinabukasan mas gusto ko pang magsimula sa tamang paraan. Yung mahal mo ang taong iyong pinakasalan, yun umangat ang buhay dahil sa pagsisikap at  malinis na paraan. Yang pag-ibig na yan kung gagamitin ng tama ang magbibigay ng inspirasyon at magdadala sa tao para umangat ang kanyang kalagayan. Kahit gaano tayo katagal na naglalakbay sa buhay ng kasaganaan at kayamanan, dumarating yung punto na kailangan natin ng isang bagay na totoo – pag-ibig.

Masaya nga ang iyong isip at katawan pero malungkot naman ang iyong puso at kalooban. At kapag dumating na ang oras ng ating kamatayan, hindi pagpanaw ang mahalaga kundi yung katotohanang may mga tao bang tunay na nagmamahal sa iyo o wala. Kadalasan kapag ang isang taong mayaman ang mamamatay lahat ng kamag-anak ay dumadating dahil sa iisang bagay – pera. Pero kapag ang isang taong mahirap ang mamatay at nandoon lahat sila, isa lang ibig sabihin nun- totoong mahal ka nila.

Pera : She works hard for the money- Donna Summer

Kapag nagasawa ka ng mahirap at kulang ang perang binibigay ng asawa, napipilitan tuloy ang mga babaeng magtrabaho dito sa atin o sa labas man ng bansa para lang makatulong sa mga gastusin sa bahay lalo na kapag may mga anak na. Pagdating pa sa bahay trabaho pa rin at alaga pa ng mga anak. Kadalasan pa, kahit pagsusuklay lang ng buhok ay hindi na magawa at pagdatiing ng asawa galing ng trabaho , ayun at amoy kusina pa siya. Pero kung may pera ang napangasawa ng isang babae, kahit na sitting pretty na lang siya maghapon dahil may katulong na gagawa ng mga trabaho sa bahay at may yaya na mag-aalaga ng mga bata, pagdating ng katapusan susuweldo pa siya sa asawa ng walang kahirap-hirap.

At syempre, ang ganda niya mas lalong bobongga dahil hindi siya stress sa paghanap ng pera. Pagdating ng weekends, lalabas lang kasama ng mga amiga para magshopping sa allowance na bigay ng asawa. At kung gusto niyang magtrabaho, ang perang kikitain niya syempre nae-enjoy pa nya. But she doesn’t have to work hard for the money talaga.

Pag-ibig: That’s the way love works – Toni Braxton

Hindi mo makikita ang tunay na kahulugan ng salitang pag-ibig kung lagi kayong masaya at walang problema. Kapag dumating sa buhay na kailangan nyong mag-away dahil sa maraming dahilan tulad ng pagsubok, tukso, problema, yung pinaka-lowest point ng buhay na wala na kayong pera diyan lang napapatunayan ang lalim ng pagsasama. Yung kailangan nyo pang dumaan sa maraming stages ng paghihiwalay, pagbabalikan at muling paghihiwalay at pagbabalikan, doon lang nyo malalaman na ganito pala talaga kahalaga ang pag-ibig. Kayo lang dalawa ang makakaalam niyan dahil sabay nyong pagdadaanan.  Yung mga mabibigat na problema, wala yan sa mga taong tunay na nagmamahalan.

Pera: : Money for nothing – Dire Straits

Kung mag-aasawa ka hindi ka ba matututuwa kung magkakaroon ka ng bonggang kasalan at honeymoon at ang tanging puhunan mo lang ay iyong gandang taglay. Hindi mo na nga kailangan ang masyadong maging matalino dahil sa desisyon mong magasawa ng isang mayaman ay isa sa da best the desisyon na gagawin mo sa buhay para sa iyong magandang kinabukasan. Isang magandang investment na yan. Bakit mo papahirapan ang sarili mong magkuskos ng sahig buong maghapon kung pwede ka naman bumili ng vacuum cleaner o mag-hire ng isang maid para gumawa nito? Hindi mas magandang nandun ka sa parlor na nagpapa-spa at nakiki-chika sa iyong mga amiga?

Pag-ibig: Nothing but love – Mr. Big                                                                                                                                    

Gaano man tayo kayaman, kasikat o matagumpay sa ating pamumuhay dito sa lupa, minsan parang pakiramdam natin parang kulang pa rin dahil walang taong maari nating pagbigyan ng ating totoong nararamdaman. Yung isang taong tatanggap ng lahat ng ating kahinaan, lahat ng ating mga nagagawang mali. Yung taong kasama mong tatalon sa tuwa sa oras ng iyong tagumpay at kasama mo ding iiyak sa iyong pagkatalo. Yung taong susuporta sa lahat ng iyong pagdadaanan, mahirap man o madali. Yung taong hinding hindi ka huhusgahan at lagi kang maiintindihan. At kung sakaling hindi ka man niya maintindihan, pero nananatiling nandiyan lang para sa iyo at hindi ka naman niya iiwanan.

                                                                                                                                                                                                          Pera : For the love of money – The O’ Jays                                                                                                        

Maraming bagay kang gagawin alang-alang sa pera. Magsikap para umangat sa trabaho. Magtapos ng pagaaral para makahanap ng disenteng trabaho. Tumaya sa lotto, malay mo manalo after 20 years. Sumali sa lahat ng klaseng pakontes sa TV, radio at social media. Singing kontes sa barangay hanggang national TV.. Mag -networking. Direct Selling. Magworking student. Mag-OFW. Overtime everyday. Home based business.Buy and Sell. Pasaload. Maraming naman talagang paraan. Yung lang ang isa sa pinakamabilis lalo na kung may hitsura ka naman – magasawa ng mayaman, walang kahirap hirap. Dahilan? For the love of money.

Pag-ibig: Love is stronger far than we – Esther Satterfield

Mas malalim ang pag-ibig mas nagiging matibay ang pagsasama. Pagdating sa pag-ibig lahat nagiging maganda at masaya. Kapag malayo sa isa’t isa pag-ibig lang ang taling nag-uugnay sa inyong dalawa harangan man kayo ng sibat o guera. Kapag magkasama naman lahat ng bagay nagiging makulay at walang impossible. At kapag naman nasawi, hindi rin maipaliwanag ang sakit na nararamdaman. Parang gusto mo na ring mamatay dahil nawawalan ng saysay ang buhay. Yung iba’t ibang kulay ng bahaghari napapalitan ng maitim na ulap. At sa kapal ng ulap na yan tuluyan itong babagsak kasama ng lungkot na nararamdaman na para bang umiiyak din kasabay sa malakas na pagpatak ng ulan.

Pera : What’s the color of money- Hollywood Beyond                                                                                              

Wala akong nakitang taong mayaman na hindi masaya dahil may pera. Dahil kung may pera ka lang mas madaling iresolba ang mga problema. Ang nagpapasama lang ay ang kaisipan ng mga taong nagsasabing ,” money is the root of all evil.”  Ang pagtatayo ba ng malaking kumpanya at pagkakaroon ng tao ng mga trabaho ay isang masamang bagay? Ang pagpapalago ba ng negosyo upang mapaunlad ang ekonomiya ng isang pamayanan o bansa ay isang bagay na gawa ng demonyo?

Pag-ibig: Red is the color of my love – Britney Spears

Oo marami ngang paraan para kumita ng pera sa maayos na paraan pero paano naman ang mga hindi mabubuting bagay na ginagawa ng tao alang-alang sa pera. Ang paghahari-harian ng mga kapitalista na sumisira sa mga tao at mundo. Ang pagnanakaw. Pumatay ng tao. Lokohin ang kamag-anak o kaibigan. Pyramid scam. Prostitution. Easy Money Scheme.Drugs at mga kartel. Sinasamba ng iba. Sinasangla ang kaluluwa para lang dito. Nawawala ang prinsipyo. Kinakain ang pride. Lahat lahat na. Love yan ang mahalaga. Yan ang nagbibigay pag-asa sa mga problema. Yan din ang dahilan kung bakit patuloy pagdami ng tao. Pag-ibig ng Diyos o pag-ibig para sa kapwa tao. Pag-ibig, yan lang ang nag-iisang bagay na pang-habangbuhay. Mamamatay man lahat ng tao, mananatili pa ring pag-ibig ang patuloy na bubuhay at magpapaikot sa mundo.

VERDICT:

Sino nga ba sa kanila ang tama, Pera O Pag-ibig ba ang mahalaga sa pag-aasawa?

Tama kaya ang binitawang salita ni Lola Nidora tungkol sa pagsubok na pinagdadaanan ng pag-iibigan ng ALDUB sa ngayon na . . .

“Hindi sapat ang yaman para ibigin ang tao. Ang pag-ibig, nararamdaman, hindi binibili!

– Lola Nidora

Ang hatol ng inampalan, maaari rin namang pagsamahin ang dalawa dahil pareho naman itong mahalaga sa pag-aasawa at pagtatayo ng pamilya. Hindi ba mas okay kung mahal mo na, may pera pa. Actually, bonus na lang ang pera dahil pag-ibig naman talaga ang unang dahilan diyan. Pero sa isang banda maraming kaso rin ng mag-asawa na nagsimula sa wala at nagtutulungan dahil sa matinding pagmamahalan sa isa’t isa ay umaangat ang buhay dahil sa pagsisikap na mapaganda ang buhay nila.

Maaari rin namang mahalin ang isang taong maykaya nang buong puso nang hindi tumitingin sa pera at walang pagnanasang kamkamin ang kayamanan niya at sa halip ay tulungan ang kapareha na palaguin at pagyamanin ito para sa mas magandang kinabukasan ng pamilya.

 

Eniwey, bilang pagtatapos sa mainit na usapang ito, isa lang ang masasabi ko.

Tandaan, ang pag-aasawa ay isang importanteng desisyon ng isang tao, anuman ang maging dahilan mo dapat na laging ihanda ang sarili, puso at isipan sa anumang magiging kahihinatnan o resulta ng desisyon sa buhay at kinabukasan mo. 

 

About miradelle14

She;s a midlife woman who works somewhere in the Gulf and on the path of discovering her life's calling. She aims to share the lessons of life and to inspire others through art and creative writing. She enjoys the day in silence with nature, zen writing, a hot cup of coffee and a book in hand. Get up close and personal thru her personal blog: https://pinayinrosecoloredglasses.wordpress.com/ Please visit and like this page: https://www.facebook.com/theblogjourney/