Dear Millennials (An Open Letter)

millenials

Dear Millennial Generation,

Sa mga bagong henerasyon ng kabataang kung tawagin ay ‘millennials’ sana ay nababasa n’yo ang open letter na ito pero teka nakapagbabasa pa ba kayo?

May panahon pa ba para makapagbasa kayo?

Kakatwa kasi na sa napakarami ng pwede n’yong basahin at alamin pero tila kinalimutan na ninyo ang kahalagahan ng pagbabasa na makpagdadagdag sana ng inyong kaalaman, pero ayun at abala kayo sa mga bagay na hindi naman ninyo dapat binibigyang pansin at pinagkakaabalahan, inuubos n’yo ang inyong mga oras sa mga bagay na walang katuturan.

Alam n’yo suwerte nga kayo e, dahil noong aming kabataan napakalimitado ng aming pagkukunan ng impormasyon sa mga bagay na kailangan naming malaman dahil kailangan pa naming maghagilap ng aklat na mahihiram, magsaliksik ng libro sa kung saang silid-aklatan dahil sadyang magastos at impraktikal para bumili ka ng overpriced na encyclopedia.

Nag-survive kami sa pag-aaral kahit wala pa noong computer at internet na kagyat na magbibigay ng mga kasagutan sa halos lahat ng inyong katanungan; ‘di tulad ngayon na anumang oras ay available ang Wikipedia, Google, You Tube, at iba pang website o search engine pero nakapagtatakang napakarami sa inyo ang tila inosente at mangmang sa maraming bagay.

Kung alam n’yo lang kung gaano kasalimuot noon ang paggawa ng term papers, research paper, thesis at school projects, siguro ay mas lalo ninyong pahahalagahan ang benepisyong ibinigay ng internet at hindi lang Facebook, Instagram, Twitter, pagda-download at paglalaro ng kung ano-anong apps sa iTunes o Google Apps ang kayang gawin nito. Ayokong sabihing ginagawa kayong tamad ng teknolohiya pero nakalulungkot na tila ganun nga ang ginagawa sa inyo nito sa kasalukuyan.

Aminin n’yo man o hindi alam naming karamihan sa inyo ay mga spoiled brat children na halos lahat ng inyong naisin ay gusto n’yong makuha agad-agad in an instant ‘di tulad noong henerasyon namin na kailangang may nagawa ka munang ikasisiya ng aming tatay o nanay para maibili lang kami ng isang pirasong bola o manika, na kailangang may rasonableng dahilan kung bakit humihiling ka ng isang bagay.

Marami sa inyo na sa napakabatang edad ay may mga latest smartphone na at sopistikadong iPad o tablet at kadalasan nga ‘pag hindi kayo napagbibigyan sa gadget na inyong gusto kayo pa ang may ganang magalit sa mga magulang n’yo, e kung tutuusin naman e karamihan sa inyo ay hindi naman deserve magkaroon nito dahil ginagawa lang kayo nitong unproductive at unreachable. At sa kabila nang pagkakaroon ninyo ng mga smartphone, gadget at tablet na may kakayahang kumonekta araw man o gabi sa inyong kaanak at magulang, tila ito rin ang nagiging dahilan para lumayo kayo sa kanila — ang ironic lang ‘no?

Kung halos ginagawa kayong robot ng inyong modernong kagamitan tila itong teknolohiya ring ito ang dahilan kung bakit kulang kayo sa physical activities at pakikipagkapwa-tao. Mas okay sana kung maranasan ninyo ang nakagisnan naming laro sa kalsada gaya ng tumbang preso, sipa, trumpo, text, saranggola luksong-baka, taguan-pung, patintero, chinese garter, jackstone at piko na kahit pa tirik ang araw o pumapatak ang ulan ay sobrang enjoy ang aming paglalaro pero alam naming mukhang malabo na nga itong maibalik pa dahil sa ngayon busy kayo sa paglalaro ng Minecraft, GTA, Plants Vs Zombies, Modern Combats, Watch Dogs, Clash of Clans at iba pa na pawang mga virtual games lang naman at ‘di kailangan ng physical contact and communication.

Kung maaari nga lang sanang hilingin ko sa inyo na subukin n’yong magtampisaw kayo minsan sa maruming tubig baha at putik, maglaro at maghabulan kayo sa kalsada, magpawis kayo, magtakbuhan kayo at hanapin ang inyong kabataan sa rurok ng mainit na raw o sa gitna ng buhos ng malakas na ulan na nanggagaling sa bubungan.

Masaya ‘yun at may kakaibang hatid na kasiyahan bilang kabataan at kahit pa sa pag-uwi ng bahay tiyak na ang pagalit ni nanay dahil sa nanlilimahid naming damit, nagpuputik na kamay at paa, marungis at nagpapawis na katawan at masangsang na amoy na anino’y batang lumangoy sa estero — hindi namin ‘yon inaalala.

Hindi ko alam kung dapat namin kayong kaiinggitan dahil higit na marami ang inyong school holidays kumpara noong aming kabataan. Wala namang holiday noon kahit pa may selebrasyon ng Eid Al Adha, Eid Al Fitr, EDSA I Anniversary, Chinese New Year at iba pa, idagdag pa rito na sa tuwing papatak ang ulan malakas man o kahit mahina lang na kahit wala namang bagyong inanunsiyo ay nakatanghod na kayo agad sa balita umaasa at nananalangin na sana ay walang pasok na madalas naman ay napagbibigyan.

Tila ang mga unnecessary school holidays na ito ay umaayuda sa inyong kahinaan bilang kabataan mapa-pisikal man o sikolohikal kumpara sa aming henerasyon na kahit pa malakas ang ulan at may baha sa aming dadaanan ay napakabihira ang pag-anunsiyo ng ‘walang pasok’ at sige lang kami sa paglalakad at pagpasok sa eskuwela at pabalik sa bahay kahit pa mukha kaming basang-sisiw dahil hindi naman umuubra ang baon naming kapote o payong — ang karanasan naming ‘yon ay nakatulong at humulma sa amin kung ano kami ngayon at kung gaano kami ka-mature kumpara sa inyo.

Malamang marami sa inyo ang hindi naranasan ang makalumang pagdidisiplina ng mga guro at magulang gaya ng pagpapaluhod sa munggo, mapingot sa tenga, hilahin ang patilya, makurot sa singit, tumayo sa harap ng blackboard, mabato ng eraser, mapalo sa puwet, mapalo ng stick sa kamay at iba pang uri nito — ngayon daw kasi ang mga ito ay uri raw ng pagmamalupit at child abuse.

Pero marami pa rin ang sasang-ayon na kadalasan ay epektibo ang ganitong uri ng disiplina dahil kung hindi ba naman ay bakit mas maraming millennials ang pabalang sumagot sa nakatatanda, may pagkasalbahe ang asal, pasaway sa guro at magulang at sila’y matitigas ang ulo kumpara sa mga kabataan noon — kadalasan nga ang pag-abuso sa salitang ‘child abuse’ ang nagiging dahilan pa kung bakit ang mga pasaway na millennials na ito ay ‘di nakuhang madisplina nang husto.

Kayong mga millennials, ano ba ang dahilan kung bakit sa inyong murang edad ay maaga kayong namulat sa usaping seksuwalidad?

Bakit maaga kayong nahuhumaling sa bisyo ng yosi at alak?

Noon kasi ang makikita mong nag-iinuman lang sa kalsada ay mga ama ng tahanan ‘di tulad ngayon na ang maiingay na nagtatagayan sa eskinita o kalsada ay ang mga bagong henerasyon ng kabataan — mapalalaki man ito o babae.

Hindi namin alam kung mababait talaga ang mga magulang ninyo o hindi lang nila kayo kayang pigilan dahil kung gaano katigas ang boteng hawak n’yo ay ganun din katigas ang inyong mga ulo. Mabuti sana kung galing sa sarili n’yong bulsa ang perang ipinangbibisyo n’yo, pero hindi e, galing pa rin ‘yan sa inyong mga magulang na pinagtrabahuhan nila ng walong oras sa kada araw, galing ‘yan sa inyong mga magulang na inyong madalas ay sinisinghalan. At ang masama pa nito marami sa inyo ang nagpapasimula ng basag-ulo ‘pag nag-uumpisa nang sumapi ang ispiritu ng alak.

Humigit kumulang dalawang dekada ang agwat natin sa isa’t isa pero sa dalawang dekadang ‘yon parang napakarami nang nagbago, tila napakarami nang nawala, pero sino nga ba sa dalawang magkaibang henerasyong ito ang higit na nawalan?

Sabi ni Gat Jose Rizal, ang kabataan raw ang pag-asa ng bayan, pero sa tuwing nakikita ko kung paano kayo kumilos ayon sa edad n’yo, kung gaano kayo nahumaling sa mga bisyo, kung papaano n’yo sayangin ang inyong oras sa mga walang kuwentang bagay, kung papaano ninyo itrato ang mga nakatatanda sa inyo, kung gaano kayo namulat sa usaping hindi nararapat sa inyong edad, kung papaano kayo nasasangkot sa ibang krimen, tila parang hindi kami kumbinsidong kayo ang magdadala at mag-aakay sa pag-asang inaasam ng bayan.

Siguro nga’y malaking tulong para sa lahat ang pagiging moderno ng komunikasyon at teknolohiya at ang kinagisnan kong henerasyon ay ibang-iba na sa mga kabataan ngayon, pero hindi naman sana naisakripisyo ang respeto, pagmamahal at paggalang sa kapwa na tila nababalewala at sinasantabi na lang dahil mas prayoridad ninyo ang inyong mga sarili kaysa ang kapakanan ng inyong pamilya, bayan at kinabukasan.

Ngunit kami’y lubos pa ring umaasa na sa paglakad at pag-usad pa ng mga taon, sana sumabay din kayo sa pag-unlad ng teknolohiya na ating tinatamasa. Teknolohiyang sa halip na ating gamit at alipin ay tila kayo ang ginagamit at inaalipin.

Lubos na naguguluhan,

A Boy From Generation X

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.