Dear Kuya Jesus

Tara usap tayo bro!
Tara usap tayo bro!
Tara, usap tayo bro!

Hello!

Kamusta ka na. Bro? Ang tagal  na mula noong huling araw na kinausap kita, nang taimtim at tapat. Dati pa nga tatlo tayo nila Papa God na nag-uusap, naalala mo pa ba, bro?

Ang saya nga noon eh, ang dami kong naikuwento tapos nakikinig lang kayo. Meron pa nga yung panahon na iyak ako nang iyak, tapos sinabi mong  “nothing is imposibble with God”, sabay yakap mo sa akin.

Grabe, bro, miss na kita. Sorry ha. Sorry kasi medyo mailap ako nang mga nakaraan na araw, ‘wag mo sanang isipin na dahil andiyan ang mga kaibigan ko, kaya hindi na kita nakakausap. Hindi ganoon, bro, ang hirap i-explain eh.

Nahihiya na nga ako sa inyo ni Papa God eh, ako kasi itong laging nagsasabi sa inyo ng “Mamaya na lang ha?” samantalang madalas hindi ko na kayo sinisipot.

Galit ka ba sa akin, bro? Sorry talaga, babawi ako sa ‘yo, ang dami mo nang nagawa para sa akin eh. Eto ako noong makalawa, kahapon, kanina hindi ka man lang ulit kinausap, pero ikaw, matiyaga pa rin akong hinihintay. Mas Nakakahiya ito, bro, lumapit kasi ako kay God kanina, tapos kaya ako lumapit kasi may problema ako.

Alam mo, hiyang hiya ako, kasi agad akong umiyak na para siyang sinusumbatan, sabi ko solusyunan niya ang problema ko, eh sa katunayan dapat pa nga akong mag-“Thank you,” ‘di ba,  bro? Kasi nagising ako, healthy, kumakain, humihinga. Pero ganoon agad ang salubong ko sa kanya, bro, patawarin n’yo ako ni Papa God ha?

Alam ko, bro, masama ‘yung ginawa ko, pero sorry talaga. Alam kong wala lang itong iyak ko kumpara sa ginawa mo para sa akin, sa mga kaibigan, pamilya ko at sa iba pang tao.

Ayan, bro, umiyak na talaga ako,  sana mapatawad mo ko at ni Papa God. ‘Di ko naman talaga itutuloy na sirain at wakasan ‘yung buhay na regalo mo sa akin, tinakot ko pa kayo. Ang sama ko noh, bro, pero bakit mahal na mahal n’yo pa rin ako?

Siguro, kasi naiintindihan n’yo ako, lalo na ikaw, bro, kaya salalamat nang marami! Buti na lang andiyan ka kasi ngayon wala akong karamay eh, ikaw lang talaga. Hayaan mo mamaya magkuwentuhan ulit tayo, kailangan ko na kasing matulog. Pag gising ko ha? Alam ko hindi pa ako nagmumumog o nag-aalis ng muta, pero tara, bro, kuwentuhan muna, ang dami ko kasing ipagpapasalamat eh, isama mo na rin si Papa God nang mayakap ko kayong dalawa.

Sige, bro, tulog na ako ha. Salamat sa guardian angel na pinadala mo. Ikaw talaga, ang lakas lakas ko sa ‘yo. Pa hi na lang kay Mama Mary. Alam ko matatagalan pa bago tayo magkakasama na parang isang pamilya, pero titiisin ko, bro, for you.

P.S. Iingatan ko na ‘yung regalo mo. Promise, ‘di ko sisirain. I LOVE YOU, BRO!

 

Yours Truly,

Sis

About jessapeanutpunch

A frustrated writer and singer. Never been noticed. A once in a blue moon beauty is what I contain. 100% Pinoy by blood, soil, character.